Kung Dumating Ang Pag-ibig (18)
(IKA-18 NA LABAS)
PAGKARAAN ng kalahating oras na paghihintay, saka pa lamang nakakuha si Joyce ng kotseng Grab. “Kumusta’ng tesis mo…may iskedyul ka na ng defense?” salubong sa kaniya ni Mrs. Baez habang binebeso-beso siya nito.
“Nasa adviser ko na ang manuscript, M’am. Baka maiskedyul na ‘yon sa isang buwan.” “Nag-aapura na ako. Ibig na kitang pabalikin sa opisina ko.” “Kung makakatulong pa ba ako sa inyo, M’am!” Tumawa si Mrs. Baez. “Nagbibiro lang ako. Pinapunta kita rito dahil ibig kong ma-appreciate mo ang trabaho sa “magandang” korporasyon na sinabi ko sa iyo.”
“M’am, kahit anong trabaho, basta ikaw ang nagrekomenda sa akin!”
Nasiyahan siyang mabuti sa pag-aasikaso sa kaniya ni Mrs. Baez na parang anak nito.
“Hindi naman basta trabaho ang gusto ko para sa iyo,” agaw ni Mrs. Baez. “Mahalaga ‘yung trabaho na malaki ang tsansa na tumaas ka agad sa corporate ladder. Saka ibig kong ganap mong maintindihan hindi lang ‘yung mismong trabaho kundi pati na ang kultura ng korporasyong tatanggap sa iyo.”
Kultura? Nakapagbasa na rin siya tungkol doon. Pinag- iisipan nga ang matatalino’t maykaya sa buhay na galing pa sa mga sikat na unibersidad, ngunit nang pumasok sa trabaho sa malalaking korporasyon, hindi naman nagtagal at nagbitiw agad! Binanggit niya iyon kay Mrs. Baez at nagpaliwanag agad ito. “Wala silang alam sa mga kilos, kagawian at pananaw sa trabaho ng mga naging kasamahan nila. Naakit lang sila ng malaking suweldo at glamor ng korporasyong pinasukan nila. Kaya ano lagi ang nangyayari sa kanila? Kapag nahirapan sa trabaho, magre-resign agad at patutulong na makalipat sa ibang korporasyon at mauulit ang nangyari sa kanila sa korporasyong dati nilang pinagtrabahuhan!”
May binanggit pang mga libro si Mrs. Baez tungkol sa mga unang pagtatrabaho ng kabataan. Sinasabi roon na kung lipat lamang nang lipat ang solusyon kapag hindi nagustuhan ang isang trabaho, ano maaasahang mangyayari sa career ng gayong kabataan?
“Natatandaan mo ‘yung kasabihan noong nasa haiskul ka? A rolling stone gathers no moss! Paano mo maipakikita sa mga nakatataas sa iyo ang husay mo sa trabaho kung lipat ka lang nang lipat? Lilipat ka lamang ng kumpanya kung sa palagay mo, hindi nabibigyan ng pahalaga ang mabubuti