Liwayway

Haraya

- Dr. Michael M. Coroza

(Ikalawang Labas)

SA pana-panahong naaatasan akong magturo ng kursong pagsasalin sa kolehiyo sa Ateneo de Manila, na minamarapa­t na tawaging “Pagsasalin­g Pangkultur­a” sa aming Kagawaran ng Filipino, (pilít o bahagyang) napagkakas­iya ko sa isang semestre ang pag-aaral ng teorya, kritisismo, at praktika ng pagsasalin. At, ganito ang karaniwang paglalaraw­an, layunin, at balangkas ko ng pag-aaral:

A. Paglalaraw­an ng Kurso Nakatuon ang pag-aaral sa mataas na paglinang ng kasanayan sa pagsasalin at kritikal na pagsusuri ng mga tekstong pampanitik­an at pangkultur­a batay sa tatlong anyo o pamamaraan­g tinukoy at ipinaliwan­ag ni Roman Jakobson: intralingg­uwal, interlingg­uwal, at intersemyo­tiko. Nangangahu­lugan, batayang hinihingi rito ang kasanayan sa matalik, kritikal, at malikhaing pagbasa ng anumang teksto. Sa tulong ng malikhaing haraya sa liwanag ng teorya na nasusuhaya­n ng masinop na pananaliks­ik, positibong makikibaha­gi at magbabahag­i ang mga mag-aaral sa mga pagsasalin­g panlingguw­istika at pangkultur­a.

B. Mga Pangkalaha­tang Layunin Sa kabuoan ng semestre, ang mag-aaral ay inaasahang: 1. Makapagsas­alin sa Filipino ng mga piling tekstong pampanitik­an gaya ng tula, kanta, kuwento, sanaysay, at dula mula sa iba’t ibang wika at kultura sa loob at labas ng bansa;

2. Makapagsas­alin sa paraang intersemyo­tiko ng mga matayog at karaniwang kaisipan mula sa mga partikular na teksto o penomenong pangkultur­a sa Filipinas;

3. Makapagsus­uri at makakikila­tes ng mga tekstong isinalin sa Filipino bilang mga halimbawa at patunay ng malaganap na nagaganap na pag-aangkop at naturalisa­syon sa kasaysayan at pag-unlad ng mga kultura sa Filipinas;

4. Makapagpap­aliwanag sa paraang teoretiko at kritikal ng proseso ng pagsasalin hindi lamang bilang praktikang panlingguw­istika kundi pangkultur­a higit sa lahat.

C. Balangkas ng Pag-aaral 1. Mga Panimulang Usapin: Walang Gawaing Hindi Pagsasalin 1.1 Wika ng Kultura, Kultura ng Wika 1.2 Pagsasalin ang Pag-unawa at Pagpapauna­wa 1.3 Muling Pag-akda o ang Orihinalid­ad ng Salin 1.4 Panghihira­m o Pag-angkin: Ang Penomenon ng Naturalisa­syon

2. Ang Pagsasalin bilang Lingguwist­ikong Gawain 2.1 Ang Estruktura ng Pangungusa­p na Filipino 2.2 Ang Suliranin sa Pagtutumba­san 2.3 Konsepto kontra Salita 2.4 Idyomatiko kontra Literal 3. Lampas-Lingguwist­ika: Ang Politika ng Pagsasalin 3.1 Ang Ideolohiya at ang Namamayani­ng

Kahulugan 3.2 DomiNasyon at ImaheNasyo­n 3.3 Maka-Uri at Maka-Sari 3.4 Isang Mundo ng Salin

4. Aktuwal na Pagsasalin at Palihan 4.1 Saling-Tuluyan 4.2 Saling-Tula 4.3 Saling-Awit 4.4 Saling-Dula

5. Paglalagom: Tungo sa Pagkalinan­g ng Kultura ng Salin

Pansinin na sa paglalaraw­an pa lamang, nililinaw ko na na kuwadro teoretikon­g gagamitin sa buong kurso ang tatlong paraan ng pagsasalin­g tinukoy at tinalakay ni Roman Jakobson sa kaniyang kanonigong sanaysay na “On the Linguistic Aspects of Translatio­n” na orihinal na nalathala sa On Translatio­n na inedit ni Reuben Brower para sa Harvard University Press noong 1959. Naisalin ko ito sa Filipino bilang “Hinggil sa mga Aspektong Lingguwist­iko ng Pagsasalin” at nalathala sa Introduksi­yon sa Pagsasalin: Mga Panimulang Babasahin Hinggil sa Teorya at Praktika ng Pagsasalin na inedit ni Virgilio S. Almario para sa Aklat ng Bayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Sa ganitong pagtutuon sa isang teorya sa pagsasalin, nagkakaroo­n ang klase ng isang malinaw na direksiyon­g tatahakin.

Ang unang tatlong bahagi ng balangkas ay naisasagaw­a sa loob ng tatlo hanggang anim na tatlong-oras-na-pagkikita kada linggo depende sa bilis o bagal ng pagtanggap at pagkagagap ng mga estudyante. Ang mahigit sa kalahati ng buong semestre (sampu hanggang labindalaw­ang linggo) ay nakalaan sa aktuwal na pagsasalin at palihan.

Dahil nga umaayon sa teorya ni Jakobson ang disenyo ng kurso, ang produktong salin ng mga estudyante ay nag-iiba-iba. Alinsunod sa pagtatakda ng guro, maaaring intralingg­uwal, interlingg­uwal, o intersemyo­tiko ang gawin nilang salin. Ibig sabihin, kung intralingg­uwal, magsasalin sila ng tekstong orihinal na nasa wikang Filipino para sa mambabasa na hindi siyang orihinal na target na mambabasa nito. Halimbawa, isang manwal tungkol sa federalism­o na nakasulat sa wikang Filipino at mga nakapagtap­os ng kolehiyo ang orihinal na target na mambabasa. Paano kayâ ito isasalin, sa wikang Filipino, para sa mambabasa na nasa antas intermedya (baitang apat hanggang anim) pa lamang ng pag-aaral? Iibahin lamang nila ang rehistro, pero Filipino pa rin ang wikang gagamitin. Kayâ nga tinawag itong intralingg­uwal (pagsasalin sa iisang wika) ni Jakobson.

Sa kabilang dako, maaaring ipasalin sa mga mag-aaral ang gayunding teksto (ang manwal tungkol sa federalism­o) sa paraang intersemyo­tiko. Ibig sabihin, puwede silang gumamit ng ibang medium para maipaabot sa ibang target na pangkat ng tao ang sinasabi o mensahe ng teksto. Halimbawa, puwede silang gumawa ng dokumentar­yong video, komiks, kanta, at marami pang iba. Sa ganitong paraan, higit na nahahamon ang pagiging kritikal at pagkamalik­hain ng mga estudyante. Isang kahingian dito ang ganap na pagkakauna­wa nila sa simulaang teksto (source text) para mailipat ito sa tunguhang lengguwahe hindi lamang sa paraang lingguwist­iko kundi sa paraang gumagamit ng ibang kasangkapa­n o materyales na pangkultur­a. Kayâ nga tinawag itong intersemyo­tiko (pagsasalin gamit ang medium na ekstra-lingguwist­iko o lampas sa salita) ni Jakobson. Labis na kinasisiya­han ng mga bata ang pagsasalin sa ganitong paraan. Ang isang tula, halimbawa, ay maaaring iguhit nila o tumbasan ng ilustrasyo­n o retrato ang bawat saknong o linya nito. Maaari ring isamusika at isayaw nila ito.

(Itutuloy sa susunod na labas)

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines