Paano Maabot Ang Langit (21)
(IKA-21 NA LABAS)
SA Dubai… Nasa kanyang opisina ng advertising agency si Marco ng mga sandaling iyon. Bumukas ang pintuan at pumasok ang kanyang sekretaryang si Lolit. “Boss, me naghihintay sa iyo sa ibaba,” ani Lolit. “Bakit di mo papaakyatin dito?” tugon ni Marco. “Huwag na raw, Boss. Maghihintay na lang daw siya sa baba, doon sa parking lot natin.” “Sino ba ‘yon.” “Bogie daw ang pangalan.” Si Bogie, ang Pinoy na driver ni Mrs. Jane Fonda. Pinasusundo siya. Naalaala niya, may usapan pala sila ni Mrs. Fonda na pumunta naman sa isang hotel nito ngayong araw. At nakapagpaalam na rin siya sa kanilang manager, na may lakad siya. Pumayag naman ito, sapagkat alam nitong trabaho ang kanilang pag-uusapan ni Mrs. Fonda. Ang pinagtatakhan lang niya. Bakit masyadong maluwag ang kanyang manager kapag tungkol kay Mrs. Fonda? At ‘ma’am’ pa ang tawag ng kanyang manager dito.
Tumayo si Marco at lumabas sa kanyang opisina. Bumaba at tinungo ang parking lot ng building. Natanaw kaagad niya ang mamahaling sasakyan ni Mrs. Fonda, isang limousine. Natanaw rin niya si Bogie na nakatayo sa labas ng limo. Kumaway ito sa
kanya nang makita siya. Nilapitan niya si Bogie. “O, ano, Bogs?” bati niya sa driver. “Pinasusundo ka nga ni Ma’am. Nandoon siya sa Delmon Hotel naghihintay.” “Delmon Hotel. Kanginong hotel ba iyan?” “Kangino pa, e, di sa kanya.” Pumasok sa limo si Marco. Sa front seat siya umupo upang makipagkuwentuhan muna kay Bogie habang nagmamaneho ito. Pinaandar naman ni Bogie ang sasakyan at humalo sa maluwag na trapiko. Dito sa Dubai, maluwag ang trapiko sapagkat maluwang ang mga daan at di gaanong marami ang sasakyan, di gaya sa Maynila.
“Matagal ka na ba rito sa Dubai, Bogs?” tanong ni Marco sa driver habang nagmamaneho ito.
“Marahil sampung taon na. Iba’t ibang kompanya ang aking napasukan bago ako naging driver ni Ma’am.” “Sinong Ma’am?’ “Si Mrs. Fonda. Mabait si Ma’am sa mga Pinoy sapagkat nakapanirahan nga sa Pilipinas. Hiyang na raw siya sa mga Pinoy.”
“Naikuwento na nga niya sa akin ang naging buhay niya sa Pilipinas, pati na rin dito. Ang unang asawa pala niya’y si Antonio na isang Pinoy.”
“Totoo ‘yan. Kaya malapit siya sa mga Pinoy. Maraming mga Pinoy na ang natulungan niya rito sa Dubai, at kahit sa ibang bansa rito sa Middle East. Gaya ni Delia, malaki ang naitulong d’yan ni Ma’am.” “Sinong Delia?” “Isang Pinay na domestic helper sa Kuwait. Minaltrato ng kanyang among Arabo. Bukod sa tirang pagkain ang ipinakakain sa kanya, di pa sinus’welduhan sa oras. Parang aso ang trato sa kanya. Muntik na nga siyang ma-rape ng kanyang amo.” “Ano’ng nangyari?” “Sabi ni Delia, matitiis niya ang pagmamaltrato sa kanya, pero di niya masisikmurang yurakan ang kanyang dangal.” “O, ano’ng nangyari?” “Napatay niya ang kanyang amo sa pagtatanggol sa kanyang sarili. Nakulong siya at nahatulan ng bitay. Tinulungan siya ni Ma’am. Binayaran ni Ma’am ang blood money na hinihingi ng pamilya ng biktima, kaya nakalaya si Delia at nakauwi sa Pilipinas.”
“Nakakaawa naman. Marami sa ating mga kababayan ang minalas sa kanilang pag-abroad. Pero kung bakit marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagkukumahog na makapagabroad.”
“Wala kang magawa. Mahirap ang buhay sa atin, kaya nakikipagsapalaran na lang sila, baka sakali umasenso. Pero marami rin ang pinalad at naging maayos ang buhay.”
“Talagang pasuwertihan lang ang pag-eempleyo rito sa Middle East.” Sumang-ayon si Bogs. “Ikaw, Bogs, me pamilya ka bang iniwan sa ‘Pinas?” natanong muli ni Marco. “Siyempre meron. Lima ang anak ko.” “Di ka ba naho-homesick?” “Dito sa abroad, sa umpisa lang ang tinatawag na homesick. Kapag tumagal, masasanay ka rin. Isa pa, may p’wede namang mapagbalingan dito.” “Anong mapagbalingan?” “May mga Pinay rito na madaling ligawan sapagkat nahohomesick. Nalulungkot. Kaya nauso rin dito ang live-in ng mga Pinoy at Pinay, gaya rin sa Pilipinas.” “Ikaw, marahil, me ka-live in ka rin yata rito.” “Siyempre meron. Ako pa? Di ako tatagal rito kung wala.” “Me nakapagkuwento sa akin na mas prefer ng mga Pinay ang mga Pinoy rito. Kung pumapatol din sila sa Arabo, ‘yan dahil lang sa pera. Pero kapag sa Pinoy, ‘yan dahil sa pag-ibig.”
“Sweet lover kasi ang mga Pinoy. Pagdating sa romansa, walang makakatalo sa Pinoy,” napangisi si Bogs. “Bakit?” “Ang mga Pinoy kasi, kapag napasubo sa romansa, nakakalimutan na ang pananghalian at hapunan.” Napahalakhak si Marco. “Pilyo ka nga. Makikita sa iyong bigote. Bakit ba, karamihan sa mga palikerong lalaki ay me bigote,” ani Marco.
“Nakakakiliti kasi ang bigote. Nakapagpadagdag sa boltahe.” Muling napahalakhak si Marco. “Saan ba tayo?” kalauna’y naitanong ni Marco. “Sa Delmon Hotel. Malapit na tayo.”
ANG Delmon Hotel ay tatlong palapag lamang. Arabic style ang disenyo. Marahil sinadya para naman sa lokal na mga guest. Si Marco na ang pumasok matapos siyang masabihan ni Bogie kung saan matatagpuan si Mrs. Jane Fonda. Naiwan ang driver sa binabantayang sasakyang naka-park sa parking area ng hotel.
Isang coffee shop ang tinungo ni Marco na itinuro ni Bogie. Naroon nga sa loob si Mrs. Jane Fonda na nakaupo sa isang mesa at nag-iisa. Nakikinig ito sa isang Arabic song na tinutugtog ng isang musician sa pamamagitan ng violin. Nasa harap ni Mrs. Fonda ang isang boteng mamahaling champagne.
Lumiwanag ang mukha ng balo nang makita ang lumapit na si Marco. “Ay, Marco, maupo ka,” ani Mrs. Fonda. Umupo si Marco. Napansin niyang may isa pang bakanteng kopita bukod sa kopitang iniinuman ni Mrs. Fonda. Inilapit ni Mrs. Fonda ang kopita sa harap ni Marco.
“Nakalaan talaga sa ‘yo ang kopitang iyan. Samahan mo ‘kong uminom. Hindi masyadong matapang itong champagne. Pampagana lang ito sa pagkain. Humingi na ako ng dalawang order ng steak.” “Thanks. Kumusta po kayo?” tugon ni Marco. “Okey lang.” Sinalinan ni Marco ng champagne ang kanyang baso. “Napansin kong bihirang uminom ng tubig ang mga Arabo matapos kumain. Itong champagne o iba pang alak o wine ang kanilang pinakatubig. Hindi gaya sa Pilipinas, dapat may tubig basta kumakain,” nawika ni Marco.
“Hindi lang ang mga Arabo, kundi’y halos lahat ng mga tao sa Western countries ay hindi umiinom ng tubig kung matapos kumain. Wine ang iniinom nila. Ang tubig para sa kanila ay kagaya lang ng softdrink na iinumin lang kung nauuhaw.”
Lumapit ang isang waiter na may hawak na tray na may lamang dalawang plato ng umuusok pang steak. Inilapag nito sa hapag at tumalikod naman kaagad matapos maiayos ang lahat ng pangangailangan sa pagkain.
“Hapunan na natin ito. P’wede namang isabay ang paginom habang kumakain, o p’wedeng padampot-dampot na lang habang nagkukuwentuhan,” nawika ni Mrs. Fonda na sumulyap kay Marco.
Ikinagulat ni Marco ang mga natuklasan niya tungkol sa buhay ni Mrs. Fonda. At lalo siyang nabigla sa kahilingan nito sa kanya.
“Tungkol sa ano ba ang ating pagkukuwentuhan?” nakangiting sambit ni Marco na tumitig sa kaharap.
“Ano pa, e, di ang tungkol sa atin…tungkol sa ‘yo. Naikuwento ko na sa ‘yo ang aking buhay. Napatira ako noon sa Pilipinas at nakapag-asawa ng isang Pilipino, si Antonio. Bumalik ako sa States nang mamatay ang aking mga magulang. At nakapag-asawa naman ako ng isang mayamang German national na maaga namang yumao. Kahit naiwan niya sa akin ang kanyang kayamanan ay mukhang mailap pa rin sa akin ang tinatawag na happiness.” “Napansin ko nga, there is sadness in your eyes.” “Totoo ‘yan. Paano liligaya ang isang tao kung ang kanyang memories ay puno ng lungkot dahil sa nangyari sa kanyang nakaraang buhay?” “Me mga alaala ngang malungkot…” “At me mga alaalang hindi matutumbasan ng salapi. May mga bagay na hindi mabibili ng salapi.” “Ano ba ang hindi mabibili ng salapi?” “Ang pag-ibig. Mabibili ba ang pag-ibig? Gaya ko, dalawang taong mahal ko ang nawala sa buhay ko. Hindi ko magagamit ang kayamanang nasa akin upang maibalik sila sa buhay ko. Kaya hayun, namumuhay na lamang ako sa kanilang alaala. Di ba malungkot ‘yan?”
“Malungkot nga, ngunit p’wede namang maghanap ng kapalit.”
“Marco, sa tingin ko’y hindi na sila puwedeng palitan. Nakaukit na sa aking puso ang kanilang alaala.”
“Marahil makakatagpo ka rin…ng lalaking mamahalin mo muli.”
“Sa edad kong ito’y mahirap na ako makatagpo ng kagaya nila. Nang mamatay ang pangalawa kong asawa, nagkaroon na rin ako ng bagong mga karelasyon. Subalit halos magkakapareho lang sila. Di ko sila masisisi kong ang salapi ko lang ang kanilang hangad. Ang hiling ko lang, sana’y bigyan din nila ako ng kahit konting pagmamahal, konting paglingap, konting katapatan, ng pagdamay.” Tumango lang si Marco at lumagok sa kanyang baso. “Marco, naikuwento ko na sa ‘yo ang bahagi ng aking buhay. Ikaw naman ngayon ang magkuwento,” nawika ni Mrs. Fonda kalaunan. “Magkuwento ng ano?” tugon ni Marco. “Ng tungkol sa ‘yo. Me kasintahan ka na ba?” Naalaala ni Marco si Zenaida. “Meron…” maiksing tugon ni Marco. “Pero…” “Pero ano?” “Lately, meron kaming di pagkakaunawaan. Mga pangyayaring di inaasahan.” “Break na kayo?” “Ewan. Di ko tiyak kung ano. Basta na lang, nagkalayo ang aming landas.” “Mahal mo pa rin siya?” Napalunok si Marco bago nakasagot. “Nasa puso ko pa rin siya.” “Ibig sabihin, mahal mo pa rin siya.” Di nakaimik si Marco. Ilang saglit pa. “Marco, me imumungkahi sana ako sa ‘yo,” sambit ni Mrs. Fonda. “Ano ‘yon?” napatitig si Marco sa kaharap. “Nabanggit mo kangina na puwedeng makatagpo pa ako ng lalaking mamahalin ko muli.” “Opo…” “Natagpuan ko na siya…” Muling napatitig si Marco kay Mrs. Fonda. “Sino?” “Ikaw, Marco.” “Ako?” nabigla rin si Marco. “Ikaw, Marco. Ngunit papalitan natin ang linyang ‘lalaking mamahalin ko muli.’ Sapagkat sa pakiramdam ko’y hindi na ako magmamahal muli. Mas angkop ang linyang ‘ang lalaking p’wede kong makasama hanggang sa huling bahagi ng aking buhay. Lalaking makatighaw sa aking pag-iisa o loneliness.” “Bakit ako?” “Sasabihin ko na sa ‘yo ang totoo. Nong una kitang makita, parang nabuhay ang aking kahapon. Di ba nabanggit ko sa ‘yo na kamukha mo si Antonio, ang Pilipinong una kong naging asawa? Nang makita kita, parang nabuhay lang si Antonio. Muling nananariwa sa akin ang masasayang sandali namin noon. Gusto ko sanang madugtungan ang masasaya naming kahapon ni Antonio… sa pamamagitan mo.” Di nakahuma si Marco. “Jane, natitiyak mo bang sa pamamagitan ko’y muli kang liligaya? Hindi ako si Antonio. At ngayon mo lang ako nakilala. Anong malay mo, baka pareho rin ako ng lalaking nabanggit mong ang kayamanan mo lang ang hangad,” nawika ni Marco kalaunan.
“Marco, sa edad kong ito. Di na ako puwedeng malinlang ng mga mapagkunwari. Sa isang tingin ko lang, mahuhulaan ko na kung anong klaseng lalaki ang aking kaharap. Meron lalaking di nakatingin sa salapi. Me mga lalaking mas pinahahalagahan ang isusumbat ng kanilang konsiyens’ya.”
Di naman nakaimik si Marco. Ang totoo’y sa maiksi nilang pagsasama, ramdam niya ang habag sa balo, lalo na nang malaman niya ang malungkot na nakaraan nito. Totoong may mga lalaking kahit anong sidhi ang pangangailangan nila ng yaman, ngunit di pa rin masaya kung makukuha lang nila ito sa madaling paraan, na tila sumasahod lang ng patak ng ulan. Mas maligaya sila kung ang yamang mapasakanila ay manggaling sa kanilang pinagpawisan at pinaghirapan.
“Ramdam ko, ikaw ang lalaking hindi mapagsamantala,” patuloy ni Mrs. Fonda. “Di mapanlinlang.”
“Kelan lang tayo nagkakilala. Kung ano ang iniisip mo, kung ano ang iniisip ko, walang katiyakan. Baka hindi ako ang uri ng lalaking inaakala mo.”
“Makikipagsapalaran ako, mabigyan lang ng kulay ang huling bahagi ng aking buhay.” “Huling bahagi?” Saglit na natahimik si Mrs. Fonda. Pagkuwa’y… “Marco, me ipagtatapat ako sa ‘yo. Me malalang sakit ako. At may taning na ang aking buhay. Marahil ilang taon na lang ang itatagal ko sa mundong ito,” sambit ni Mrs. Fonda. “Ano?” nabigla si Marco. “Kaya marahil di mo ipagkakait sa akin ang aking hihilingin…” Di nakaimik si Marco. Tila napipi siya. “Ano ba ang pangalan ng babae sa Pilipinas na sabi mo kasintahan mo, at mahal mo?” “Si…si Zenaida…” “Ito ang hilingin ko sa ‘yo, Marco.” “Ano?” “Hihiramin muna kita kay Zenaida.” Napatulala si Marco.
(ITUTULOY)