Liwayway

Ibang Level Na

- Amado Bravo

PINALIPAS ni Donnie ang sama ng loob sa pag-aaway nila ni Cheska sa pag-iikot sa loob ng mall: sa pagbili ng libro at pagmamasid sa mga kolehiyala­ng namamasyal din doon. Nasalat niya ang kanyang leeg, masakit pa. Loko talaga si Cheska!

Sa isang intersecti­on sa pasilyo, kapwa sila napatda at napatigil nang kasalubong na babae. “K-Kuya Donnie, ikaw ba ‘yan?” Napakunotn­oo si Donnie, kinilala ang babaeng nakangiti at pamilyar sa kanya ang mukha; nakapalda’t blusang puti’t asul na uniporme at may nametag na nakaburda sa itaas ng kaliwang dibdib: J. CORNES.

Cornes…Cornes…Bigla ang tila pagkislap ng pagkaalala sa kanyang diwa. “I-Ikaw ba si Joy, sister ni Juvy…?” “Sino pa?” Lumuwang ang pagkakangi­ti ng saleslady. “Akala

ko, di mo ‘ko makikilala.”

“Muntik na nga. Dalagang-dalaga ka na—at magandang dalaga! No’ng huli kitang makita’y twelve years old ka pa lang ‘ata…?”

“Thirteen naman. Nangunguli­t nga akong sumama sa inyo ni Ate no’n pag may date kayo.”

Totoo. Asar si Donnie na kasama nila hanggang sa sine si Joy, nakapagitn­a sa kanilang dalawa ni Juvy. Nakahaluki­pkip siya, habang pasulyap-sulyap kay Juvy na palingun-lingon din sa kanya. Dedma naman si Joy habang dakut-dakot kung magsubo ng popcorn sa bibig. Chubby pa noon si Joy, de-salamin (correction glasses) at may brace ang ngipin. Ibang-iba sa babaeng kaharap niya ngayon: proporsiyo­nado ang katawan, makinis ang balat at pisngi at halos sintangkad niya.

Malimit na muse ng varsity team si Juvy; siya, sportswrit­er sa kanilang campus paper. Nakaklase niya sa kolehiyo si Juvy, at dahil pansinin (maganda, puwedeng kandidata sa beauty pageant), marami siyang karibal. Pero nanaig siguro ang pagiging campus writer niya—sikat, nababasa ang mga artikulo sa campus paper—nakapuntos siya kay Juvy. Naging sila.

Regular siyang dumadalaw sa bahay ng mga ito lalo’t may okasyon: birthday, pista, Pasko’t Bagong Taon; kapamilya na nga ang turing sa kanya ng nanay ni Juvy (matagal na itong hiwalay sa asawa; si Mang Ramon ay mayroon nang ibang pamilya sa Davao del Norte), at sa loob ng tatlong taong relasyon nila, may hinuha si Aling Elma na sila ni Juvy ang magkakatul­uyan.

Kapwa graduate na sila nang mapasok siyang editorial assistant sa isang tabloid; si Juvy, naging staff naman sa isang travel agency sa Ermita. Na malimit na may nakakasala­muhang foreigner, naligawan ng isang Briton si Juvy. Masigasig ang lalaki. Nakabalik man sa Manchester, England, nagpatuloy ang komunikasy­on ng dalawa nang lingid sa kanyang kaalaman. Nang magbalik-bansa ang Briton, inayos nito ang mga papeles ni Juvy at kasama na nitong bumalik sa England. Ilang araw bago umalis, kinausap siya nang masinsinan ni Juvy, humihingi ng tawad at pang-unawa. Mas magiging maganda raw ang kinabukasa­n niya sa Briton, kahit may labinliman­g taon ang tanda sa kanya. Ano pa ang magagawa niya? Nakatakda nang umalis si Juvy at ang mapapangas­awa.

Isinubsob niya ang sarili sa trabaho, nakipag-date at nakipagrel­asyong muli—pero pawang panandalia­n lamang. Kung bakit hindi nagtatagal, iniisip niyang nasa kanya ang diprensiya. Laging nasa likod ng isip niya na baka siya’y iwan din ng kanyang magiging girlfriend.

Pitong taon na ang nakakaraan. Marami na ring pagbabago sa kanyang buhay. Mula sa pagiging editorial assistant, nagpalipat siya bilang reporter; malaya sa oras pero may regular na sahod. Bumukod na rin siya sa kanyang pamilya sa Muntinlupa, nagrerenta ngayon ng apartment sa Harrison at mag-isang namumuhay.

Naghawakan sila ng kamay ni Joy. Asiwa pa rin siya na makita rito ang kapatid ng kanyang dating girlfriend. May anim na buwan na siyang naniniraha­n sa apartment na walking distance lamang mula sa mall at ngayon lamang nagkrus ang mga landas nila ni Joy.

“Kumusta?” sabi ni Donnie, nakatungha­y sa makinis na mukha ng saleslady. “Eto, working girl pa rin. Kumakayod para makabayad sa boarding house.” “Boarding house? Bakit, ang bahay n’yo?” “Mahabang istorya pero bumukod na ‘ko, may isang taon na ngayon. Nag-asawa kasi uli si Mama; may dalawang anak din ang pinatulan. Hindi ko kasundo ‘yung stepfather ko at nanggigigi­l naman ako sa dalawa n’yang anak na parehong pasaway!” “E sa’n ka umuuwi n’yan?” “Sa Pasay. Nakiki-bedspace lang. Tiis-tiis muna. Di ko pa kayang umupa nang solong unit.” Patingin-tingin si Joy sa relo nito. “Babalik na ‘ko sa puwesto ko, ha? Magsi-CR lang ang paalam ko.” “Okey.” Gaya ng nakagawian ni Donnie tuwing may bagong kakilala, dumukot siya ng calling card sa kanyang wallet at iniabot sa kausap.

“’And’yan ang cell number ko ‘tsaka office number. Kung anuman, tawagan mo lang ako.” Binasa ni Joy ang card niya. “Wow! Reporter, ha? Astig!” Saka pumihit na pabalik sa department store; naglingon-likod pa, natanaw niya, bago tuluyang pumasok doon. Nagtaas ng kamay si Donnie.

Naglalakad pauwi, may kasiyahang lumukob sa kanyang dibdib. Nahuhulaan niyang simula pa lamang ito ng pagkikita at muli nilang pagkikilal­a ni Joy.

TAMA siya. Nag-text si Joy, nangumusta matapos magpakilal­a. Tiyempo naman na siya’y nasa bahay na; maaga siyang nakapag-e-mail ng balita at maaga ring nakauwi. Sa relo niya, pasado alas-singko na. Kung opening shift si Joy, malamang na off na ito; sinagot niya ang text at sinabing pupuntahan niya ito sa mall.

Off na nga si Joy. Nakatayo malapit sa pasukan ng department store, nakaunipor­me pa rin pero sukbit na ang shoulder bag. “Ang bilis mo?” “D’yan lang ako nakatira.” Itinuro niya ang pinanggali­ngan.

“Talaga? Kapitbahay mo lang pala ‘tong mall.”

Itinuloy nila ang pag-uusap sa isang fastfood resto; doon na sila naghapunan. “Dal’wang naging anak ni Ate,” pagbabalit­a ni Joy, “pero divorced na s’ya kay Alastair. Me bago nang boyfriend si Ate…”

Napatangu-tango si Donnie. Wala na siyang interes kay Juvy; ang pansin niya ay nasa magandang mukha ng kanyang kaharap; makislap ang mga pisngi ni Joy, mamula-mula. Mantakin mong gumanda nang ganito ang batang tabain noon? Kay bilis talaga ng panahon! “Baka naman matunaw ako n’yan…” “S-Sorry, parang di pa rin kasi ‘ko makapaniwa­lang ikaw nga si Joy.” “Meron pa bang iba?” “’Dami mo sigurong suitors?” “Isang dosena lang naman!” Tumawa. “Charot!” Saka pinansin ang kanyang leeg. “Napa’no ‘yan? Ba’t me Band-Aid?” “Nakagat ng ipis,” pagsisinun­galing niya. Ang totoo’y si Cheska ang kumagat sa kanya; akala niya’y naglalambi­ng habang magkatabi sila sa sopa. Nasaktan siya nang bumaon ang mga ngipin nito at pasalyang naitulak ang girlfriend. “Ano ka ba, bampira?!” Nasalat niya ang kanyang leeg, dumudugo nga. “’Yan ang ganti ko sa ‘yo! Akala mo ba’y naniniwala akong kapwa reporter mo ‘yung babaeng malimit mong ka-selfie?”

“Lahat na lang pinagselos­an mo!”

Anong biro ng kapalaran na ang kapatid ng kanyang dating girlfriend ay nagtatraba­ho ilang metro lamang ang layo mula sa kanyang inuupahang bahay…!

“Bakit? Ilang beses mo na ba ‘kong niloko?”

“Umalis ka na nga!” “Ngayon, ipinagtata­buyan mo na ‘ko!” Dinamba siya ni Cheska at kaliwa’t kanang pinagbabay­o ng kamay. Nahawakan niya ito sa magkabilan­g kamay at hinilang palabas, saka agad na isinara ang pinto. Hindi niya binuksan kahit binabayo, sinisipa ni Cheska. Binalewala niya ang pag-iingay nito; naglubay at umalis. Hindi pa uli sila nagkakausa­p mula noon.

Hatid niya si Joy sa pag-uwi nito sa Malibay, Pasay. Nang malapit na sila sa gate, napansin nito ang kabataang lalaking nakatayo sa katapat na tindahan at umiinom ng beer. Nagmarahan ng lakad si Joy, at sa pagtataka ni Donnie, kinawit ang braso niya at bumulong. “Kunwari dyowa kita…” “Bakit?” Nilingon din niya ang lalaki sa tindahan. “Basta! Sumakay ka na lang…” Inisang tungga ng lalaki ang beer at nagmamadal­ing tumawid sa kalsada, sapat para abutan si Joy sa harap ng gate.

“Ako na, Joy.” Nakipag-unahan ito kay Joy na magbukas ng gate. “Thank you, Tolits…” Humakbang sila ni Joy papasok sa bakuran, kasunod nila ang lalaki na napatingin sa magkakawit nilang mga braso.

Ngumiti si Joy. “Boyfriend ko, si Donnie. Si Tolits, anak ng me-ari ng bahay.”

Tinanguan niya at nginitian. Nakamata lang sa kanya ang lalaki, tila tumalim nga ang tingin. Umakyat sila ni Joy sa hagdang bato. Lumang bahay pala ang tinutuluya­n ni Joy, pinaupahan ang bakanteng kuwarto. Double decker daw ang kama.

Akting na akting si Joy habang nasa salas sila, tila sadyang ipinakikit­a kay Tolits na may relasyon nga sila. Palingun-lingon lang, paismid-ismid ang lalaki, at hindi na yata nakatiis, pumasok sa sariling silid. Saka pa lamang bumitiw sa pakikipag-holding hands sa kanya si Joy. “Sino ba ’yon?” “Type ako n’yan,” sabi ni Joy sa mahinang tinig, “nililigawa­n nga ako.” “Single naman yata…?” Napaismid si Joy. “Ikuk’wento ko sa ‘yo, pag nagkita uli tayo.”

Pahiwatig na puwede na siyang umalis. Nagpaalam na siya.

“Sa susunod ako naman ang taya,” sabi ni Joy bago siya makalabas ng gate. “Kailangan ba ‘yon?” “Basta!” Pumihit siya para umalis na. Sa kanyang paglilingo­n-likod, napatingin siya sa itaas ng bahay, sa bintanang kapis na bahagyang nakaawang, sa pares ng mga matang nakasilip doon.

ANG hinala ni Joy, adik si Tolits.

“Sakit ng ulo ng ina,” sabi pa ni Joy. “Malimit ipatawag sa barangay si Aling Onyang ‘pag nasasangko­t sa away si Tolits. Tambay na nga, basagulero pa, pasang-krus ng matanda!”

“E, mag-ingat ka,” paalala niya. “Mahirap ang me kasamang adik sa bahay—na me kursunada pa ‘kamo sa ‘yo…”

“’Yon nga ang ginagawa ko, laging naka-lock ang pinto ng k’warto ko. Si Yeng nga, ‘yung roommate ko, asar din ke Tolits. Nasubukan daw n’ya minsan na binobosoha­n s’ya sa banyo!”

Nasa apartment sila, nag-take-out ng pagkain sa mall at dito na tumuloy pagkatapos ng trabaho ni Joy.

“Maluwang pala ‘tong apartment mo, pang-isang pamilya na ‘to,” pansin ni Joy.

“Medyo mahal lang ang upa, pero dahil malapit naman sa sakayan, okey na rin.”

“Mag-asawa ka na kasi para me nakakasama ka dito.” “War nga kami ngayon ng dyowa ko…” Ang totoo, iniiwasan niya si Cheska; gusto na niyang kalasan.

Iba ang sinabi niya kay Joy. “Kung punumpuno ka na ke Tolits, p’wede kang mag-bedspace dito, anytime…”

Magtataka pa ba siya na isang hatinggabi, heto’t kumakatok sa apartment niya si Joy at may dalang malaking bag. Kapapanhik pa rin lamang ni Donnie sa kanyang silid, tinapos ang pinanonood na pelikula sa cable. “O, napasugod ka?” Sa halip na sumagot, ibinaba ni Joy ang bitbit na bag at yumakap sa kanya. “Muntik na ‘ko, Donnie, muntik na muntik na…!” “M-Muntik na ano…?” “Muntik nang ma-rape!” “—Ni Tolits?” “Oo!” Pinakalma niya si Joy, inalig sa sopa. “Pinasok n’ya ‘ko sa k’warto ko. Me duplicate siguro s’yang susi. Mag-isa lang ako do’n, nasa Quezon kasi si Yeng. Naalimpung­atan na lang ako nang maramdaman­g may humihipo sa ‘kin. Nang magdilat ako, nabungaran ko si Tolits. Agad na tinakpan ng palad ang bibig ko, sabay tutok ng kutsilyo sa ‘king leeg. ‘H’wag kang sisigaw, gigripuhan kita!’ Nandidilat ang mga mata n’ya. Buti na lang, nakagat ko’ng mga daliri n’ya. Natabig ko s’ya, nakalabas ako ng silid, saka ako nagsisigaw nang malapit na sa hagdan. Naalarma ang mga tao sa kalsada at nakatawag ng barangay. Nahuli si Tolits na nagtago sa kapitbahay. Isinama kami sa presinto. Inihahanda nang demanda sa kanya sa fiscal’s office. Nagbalot ako pagbalik sa bahay at dito nga tumuloy, naalala’ng paanyaya mo…”

Umiyak uli si Joy habang nakahilig sa kanyang balikat.

“S’ya, tahan na. Tututukan natin ang kaso mo. Pansamanta­la, dito ka muna. Safe ka rito. Halika, magpahinga ka na.”

Binalikan niya sa makapasok ng pinto ang bag ni Joy at magkahawak-kamay silang pumanhik sa kanyang silid.

Alam niya, mag-aaway na naman sila ni Cheska kapag nalaman nitong may kasama siya roong babae, pero balewala sa kanya. Ang importante’y ang kaligtasan ni Joy: ang tabaing bata noon na isang magandang dalaga na ngayon. At kung sa pagtatapat niya ng damdamin dito’y tatanggapi­n siya, titiyakin niyang ibang level na ang magiging relasyon nila. For life na.

Sana…

 ??  ??
 ??  ?? Sa isang intersecti­on sa pasilyo, kapwa sila napatda at napatigil nang kasalubong na babae.
“K-Kuya Donnie, ikaw ba ‘yan?”
Sa isang intersecti­on sa pasilyo, kapwa sila napatda at napatigil nang kasalubong na babae. “K-Kuya Donnie, ikaw ba ‘yan?”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines