Liwayway

Pag-Usapan Natin!

- Kuya Sam

DEAR KUYA SAM: Siyanga pala, ako si Renzo, 27, binata, at taga-Kyusi. Naging libangan namin ng mga kaibigan ko ang pagba-bike kapag weekend at sa mga holidays. Noong minsang nag-bike kami ng mga kaibigan ko, may nadaanan kaming isang babae na nasiraan ng bisikleta. Tumigil ako dahil alam kung kailangan niya ang tulong ko. Meron kasi akong dala-dalang mga tools kapag nagba-bike. Nagpaiwan na ako sa mga kasamahan ko.

Dito ko nakilala si Belle. Naging magkaibiga­n kami simula noon. Kami na ang magkasama kapag nagba-bike. Napakabait niya sa akin, Kuya Sam. Five months after noong nagkakilal­a kami, inimbitaha­n niya ako sa bahay nila dahil wedding anniversar­y ng mga magulang niya. Mahiyain akong tao kaya kinapalan ko na ang pagmumukha ko.

Sa reception, biniro kami ng mga kaibigan niya. Na parang nakita na raw ni Belle ang kanyang forever. Nakatutuwa ang reaksiyon ni Belle sa kantiyaw ng kanyang mga kaibigan. Parang... may something din siyang naramdaman sa akin, Kuya Sam.

Kinilig ako ngunit ayokong umasa. Sa totoo lang, noong umuwi ako noong gabing iyon, nabuo na ang aking paniniwala na umibig ako kay Belle. Sana maging kami. Sana ako na ang lalaking magpapasay­a sa kanya.

Isang linggo ang makalipas, nag-bike na naman kami. Noong araw na iyon, balak ko nang ligawan si Belle. Ngunit natameme ako, Kuya Sam. Nakangiti lang ako sa kanya habang pinagmasda­n ko siyang basang-basa sa pawis at umiinom ng tubig. Walang lumabas kahit isang salita mula sa aking bibig. Nakangiti rin siya sa akin at tinanong ako kung bakit nakatitig ako sa kanya ng ganu’n. Ibinaling ko na lang sa ibang usapin, Kuya Sam. Doon ko napagtanto na wala pala akong lakas ng loob na magtapat sa kanya.

Paano ko ba liligawan si Belle sa paraang hindi ako matatameme, Kuya Sam? – RENZO

DEAR RENZO: Walang duda, Renzo, na mahal na mahal mo si Belle. At walang duda naman na mahal na mahal ka ni Belle. At sigurado ako na matapat kang tao ngunit kulang ka lang sa diskarte kung paano magtapat. Maliwanag pa sa sikat ng araw na sasagutin ka ni Belle kung sakali ligawan mo siya. Actually, ang kulang na lang dito: pormalidad na lang. Klarong-klaro na kinilig si Belle noong biniro siya ng mga kaibigan niya. Sapat na iyon na maging batayan natin na malaki ang tsansa mo sa puso niya.

Ngunit nagtataka lang ako kung bakit hindi mo siya kayang ligawan. Meron ka bang masamang karanasan sa panliligaw, binasted ka ba noon, ipinahiya ka ba ng nililigawa­n mo noon? Malamang na may masamang alaala na nakatago sa iyong isipan. Kung meron man, burahin mo na iyon dahil sinisigura­do ko sa iyo na hindi ka mapapahiya kay Belle. Maaaring hindi ka kaagad niya sagutin ngunit imposible na mabigo ka sa kanya.

Sigurado tayo na may pagtingin din si Belle sa iyo. Ngunit hindi naman din pwede na wala kang effort kahit kaunti lang.

Alam mo, Renzo, kadalasan sa mga lalaking torpe, ito ‘yong tipo ng mga lalaki na masyadong conscious na manligaw sila. Madalas, sumusobra ang paghahanda nila sa kanilang sarili. Na para bang nagsasaulo sila ng pagkahaba-habang declamatio­n at de numero nila itong sabihin sa kanilang nililigawa­n.

Huwag kang masyadong mag-isip kapag magtapat ka kay Belle. Go with the flow sa usapan, wika nga. Kung ano ang topic, hahanap ka lang ng butas para maisingit mo ang pakay ng puso mo. Be sincere at sundin mo lang ang iyong instinct. Ganoon lang kasimple ‘yon. – KUYA SAM (MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagita­n ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporatio­n, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines