Ang problema sa “pilit” na pag-ibig
NAKARINIG na ba kayo ng tungkol sa mga mag-asawang nagtagal ang pagsasama ngunit sa haba ng panaho’y malamig ang pagtingin nila sa isa’t isa?
May kakilala kaming lalaki na may apat na anak. Matagal na silang nagsasama ng kanyang asawa ngunit tila pinababayaan lamang siyang mangaliwa ng kanyang misis. Hindi naman niya “ibinabahay” ang kanyang mga babae pero halos gabi-gabi’y nakikipagkita siya sa kanila – mga babaeng halos kasintanda na kanyang mga teenager na anak. Tinanong siya ng isa naming kaibigang lalaki kung bakit niya ito ginagawa gayong tapat naman sa kanya ang kanyang asawa. Ang kanyang sagot: “ay, pare, pinikot lang kasi ako ni misis noon.”
Sa kaso naman ng kakilala rin naming may asawa rin at may anim na anak, hindi naman nangaliwa si lalaki, pero “loveless” ang pagsasama nila. Malaki nga ang inggit ni babae sa mga nakikita niyang mag-asawang “devoted” sa isa’t isa, sapagkat aniya’y ang ginagawa ng mga lalaki para sa kanilang asawa’y hindi niya makita sa kanyang asawa (bagama’t mariwasa ang kanilang buhay at di kailangang magtrabaho si babae). Ang hinuha ng mga kamaganak at kaibigan ni lalaki kung bakit nagkagayon ang kanilang pagsasama: si babae ang naligaw kay lalaki!
Sa dalawang halimbawang ito makikita natin ang pangunahing dahilan kung bakit ang pagsasama ng ibang magasawa’y mas maganda at mas masaya kaysa iba. Ito’y kaso ng mga “pilit” na pag-ibig, halimbawa, shotgun marriage, o inireto o binuyo lamang ng mga kamag-anak o kaibigan, ngunit hindi naman talaga nagkakagustuahn o nag-iibigan (tila bayabas na bubot na pinilit pitasin at kanin). Ang resulta: malamig na pagsasama na kasama ang sisihan sa isa’t isa at sisihan sa mga nambuyo sa kanila! Kaya may kasabihang “they do not love those who don’t show their love.” (Hindi raw tunay na nagmamahal ang mga taong hindi nagpapakita ng kanilang pagmamahal.)
Paano kaya maiiwasan ng mga lalaki’t babae ang “mabuyo” at “sumakay” na lamang sa isang “pilit” na pag-ibig?
Huwag magpatangay sa buyo o kantiyaw ng mga kaibigan. Piliin ang taong talagang napupusuan, sapagkat hindi naman sila ang magpapakasal, kundi ikaw.
Kapag nakapili na, sikaping kilalanin siya nang maigi. Kaya nga di ba may panahon ng pagliligawan? Alamin ang tunay niyang pagkatao. Maraming pumapasok sa relasyon na hindi alam na ang lalaki pala’y mag-asawa o pamilya na. Ang iba nama’y napag-aalaman na lamang kung kailan kasal na sila na siya pala’y may criminal record o drug addict! At may iba namang hindi nalaman na lulong na pala sa sugal ang pakakasalan at katakut-takot ang utang sa casino!
Sikapin ding kilalanin ang pamilya at kaibigan ng taong inyong napupusuan. Ayon sa mga family experts, magiging mabuting asawa raw ang isang lalaki o babae kung mabuti rin siyang anak at kapatid.
Kapag nagkakilala na kayo nang lubusan, magkaroon ng commitment sa inyong relasyon. Hindi naman ibig sabihin nito’y iwan ang inyong trabaho at ilaan ang lahat ng oras sa mga dates ninyo. Ito’y kawalan ng responsibilidad at maturity. Sa katunayan, kailangang magtrabaho bilang paghahanda sa isang papasuking responsibilidad.
“Diligin” ng atensiyon ang inyong minamahal. May kasabihang “love is like a pretty garden.” Ang hardin o relasyong ito’y kailangang bungkalin, diligin at alisan ng mga damong ligaw upang lumago at tumubo ang magagandang bulaklak.
Huwag panghinaan ng loob kung sa inyong engagement period o honeymoon o mismong mga araw pagkatapos ng kasal ay may makikita kayong mga pintas o magaspang na ugali sa inyong kabiyak. Bigyan lamang siya ng puwang o espasyo at magpasensiya. Sa mga oras na ito’y dapat tandaan ang mga katangian at mabubuting ugali ng inyong asawa. Sapagkat, kung hindi natin aalalahanin ang magagandang ugali ng isa’t isa, hindi tayo magiging masaya hindi lamang bilang may-asawa, kundi rin bilang tao. Tandaang may lamat ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. (There’s a crack in everything that God made.)