Kung Dumating Ang Pag-ibig (19)
HUMINA ang pagnguyngoy ng kaniyang Lola Trudis at ngayon, bahagyang itinaas ang isang kamay na waring itinataboy siya para lumabas ng silid nito. Naalaala niya ang usapan nila ng kaniyang Mommy Lora tungkol sa privacy o karapatan ng isang tao na sarilinin ang iniisip at isinasaloob nito. Iyon ang napag-usapan nila tungkol sa kagustuhan ng Lola Trudis niya na lumabas ng bahay nang walang kasama. Karapatan iyon ng kaniyang lola kahit matanda na ito.
Walang binitiwan kahit isang salita, lumabas si Joyce ng silid ng Lola Trudis niya. Nadaanan niya ang kumedor nang patungo na siya sa kusina. Naroon sina Aling Cely at Melai na tinatapos ang paghahain ng hapunan bago tuluyang tawagin sila ng kaniyang Lola Trudis sa mesang kainan. Ngunit itinanong niya sa sarili kung makasasabay ba niyang maghapunan ito sa kalagayan nitong kaniyang nasaksihan.
“Hindi ko namalayang dumating si Lola…” Nakaharap siya kay Melai.
“Ate Joyce, pinanhik kita sa kuwarto mo para sabihin sa ‘yong dumating na si Lola. Kasi, di ka sumagot sa text ko sa iyo. Nakita kitang nakadukmo sa mesita mo…naidlip ka yata!”
Hindi nga niya narinig ang ring tone ng cellphone niya, pati ang mga katok ni Melai sa pinto ng silid niya.
“Oo, Melai. Kasi napagod na siguro ang mga mata ko sa pagbabasa. Hindi ko namalayang nakapatong na pala sa libro ang ulo ko.” “Kadarating lang ni Lola,” sabi naman ni Aling Cely. “Sinalubong ko nga,” pasunod naman ni Melai na patuloy na nag-aayos ng mga kubyertos sa mga platong kainan, “Pero di ako pinansin at tuloy-tuloy lang siya sa kaniyang silid.”
Ibinaba ni Joyce ang boses niya, naisip na baka biglang lumabas ang Lola Trudis niya at marinig ang kaniyang sinabi. “Ano’ng itsura ng mukha niya, Melai?”
“Para kasing maga sa kaiiyak ang gilid ng kaniyang mga mata.” “Baka may problema ang Lola Trudis mo…” Si Aling Cely. “Matagal mo nang sinasabi ‘yon sa akin, Manang Cely,” ani Melai. “Kahit n’ung unang lumabas-labas siyang nag-iisa.”
Naisip ni Joyce: pinoproblema rin pala ng kanilang mga kasambahay ang obserbasyon ng mga ito sa lola niya.
“Sumabay na lang kaya siya ng hapunan sa Mommy Lora mo,” mungkahi ni Aling Cely. “’Buti pa nga…” sang-ayon naman ni Melai. Dumulog na sa hapag-kainan si Joyce. “Sige. Dulog na’t wala naman akong kasabay. Maaasikaso n’yo pang mabuti sina Mommy Lora at si Lola Trudis sa hapunan nila.”
Sumabay nga kay Joyce sa hapunan ang dalawa. Naguurong na ang mga ito ng pinagkainan pagkaraan ng may dalawampung minuto nang silipin ni Aling Cely si Lola Trudis
sa silid nito. Sa darating naman ang Mommy Lora niya.
“Natulog na ho siya, M’am,” salubong ni Aling Cely sa Mommy Lora niya.
“Hayaan mo na muna,” sagot ng Mommy Lora niya. “Pero babawan lang n’yo ang pagtulog. Baka magutom ang lola n’yo at humingi siya ng mainit na gatas.”
Hindi naghapunan ang Mommy Lora niya na nagtuloy na sa silid nito. Kunwa’y nakipag-usap pa si Joyce sa dalawang kasambahay dahil may iniisip siya.
Mayamaya, nagpaalam siya sa dalawang kasambahay at sumunod sa silid ng Mommy Lora niya. Pinagbuksan naman siya nito ng pinto.
Sa loob ng silid nito, parang asiwa ang kaniyang ina na kausapin siya. Parang abala ito sa paghahanap ng kung anong bagay sa kabuuan ng silid nito.
“May sasabihin ako sa ‘yo tungkol kay Lola, Mommy!” bungad niya sa kaniyang ina.
Patuloy na parang may hinahanap sa silid nito ang kaniyang ina.
“Saka na kaya natin pag-usapan ‘yan. Di ba abala ka sa darating na defense ng iyong tesis?” “Malapit nang mabigyan ako ng schedule!” “Iba kasi ang tingin ko sa kaniya kangina. Parang mabigat ang problema. Pati sina Aling Cely at Melai, napansing namamaga ang kaniyang mga mata!”
Disimuladong umiwas ito ng tingin sa kaniya. Parang may hinahanap pang ibang bagay sa kuwarto nito.
“Joyce, nasabi ko na sa ‘yo na irespeto muna natin ang kaniyang privacy. Huwag muna ‘yang pag-uusisa. Sakaling makita mo siyang hindi na in distress, baka mapagsalita siya about what’s bothering her. We have all the time naman na maobserbahan pa what’s going on in herself!”
Iyon na naman! Umiiwas ba ang kaniyang Mommy Lora na matanong nila ang kaniyang Lola Trudis? Bakit? May problema ba ito, gaya ng pahiwatig ni Mrs. Baez?”
“Nag-iisip lang ako, Mommy. Pinroblema natin noong una ang paglabas-labas niya nang walang kasama. Ngayong hinahayaan natin siya, parang hindi nawawala ang waring dala niyang pag-aalala sa mga bagay-bagay. Katulad kangina, I think she was crying!” Sinalo agad ng kaniyang Mommy Lora ang sinabi niya. “Don’t worry about her. Alam naman natin na your Lola easily opens up kung may dinadala siya sa kalooban. At nagtatapat siya sa akin ng ano mang problema niya!”
May dinampot ang Mommy Lora niya sa likod ng capiz divider sa kaniyang kuwarto. May binuksang kahon ng isang antigong kabinet.
“Kausap ko siya sa cellphone this morning. Wala naman siyang sinabing there was something wrong!”
Paano kung nabuo ang problema sa tanghalian o sa bandang hapon? O nang makauwi na si Lola sa bahay?
Ngunit paano ipaliliwanag ang mga pagsunod-sunod niya kay Lola Trudis sa shopping malls, ang pakikipag-usap sa babaing naging “kaklase” nito, ang nangyaring kalituhang humantong siya sa isang ospital na pinuntahan ng kaniyang lola?
Oh, God! Bakit hindi si Lola Trudis lang ang inisip kong may problema. Baka may problema rin ang kaniyang Mommy Lora?
At sa kaniya, parang may isang higanteng anino rin na nakatunghay sa kaniya si Mike bilang isang malaking problema!
Balisa ang tulog niya nang gabing iyon. Mabuti na lamang kinabukasan, tumawag ang kaibigan niyang si Kimberly.
“Narinig kong posted na raw sa bulletin board ang schedule ng thesis defense mo. Dalawang linggo ka nang tapos ng on the job training sa office ni Mrs. Baez. I assume, relaks ka na ngayon at madali kang makalulusot sa panel of examiners!”
“Talaga? Sige, may ilang questions pa ako tungkol sa conclusion ng tesis ko. May ilang readings na lang akong tatapusin at confident na akong haharap sa panel!”
“Kaya nga inalert agad kita. Mukhang inuna kang “isasabak” ni Dr. Crudo sa panel of three examiners dahil confident siyang papasa ka with flying colors!”
Nagpasalamat siya kay Kimberly. May mensahe ang sagot niya kay Kimberly. “We are always facing problems. Take them as challenges. Ikaw din, hope you’are coping well with your own problems.”
Natigilan saglit sa pagsasalita si Kimberly. Dama rin ni Joyce ang bigat ng kalooban nito sa pagpili ng nobyo nito sa paninirahan, kasama ng pamilya sa ibang bansa!
“I am learning to adjust. No use to cry on a spoonful of spilled milk!”
Matapang ang sagot ni Kimberly na mga huling salitang narinig niya sa kaibigan bago ito nagsara ng cellphone nito.
A spoonful of spilled milk? Gayon lang ba ang mawawala sa kaniyang buhay kung sakaling may mga desisyon na sila ni Mike sa dulo ng landas ng kanilang mga problema?
LUBHANG nabigatan si Joyce sa mga tanong sa kaniya ng panel of examiners. Tatlong kilalang propesor sa kanilang unibersidad ang kaharap niya nang hapong iyon—pawang awtoridad sa paksang finance o pananalapi. Isa ang kontribyutor ng mga artikulo sa pangunahing pahayagang pang-umaga: kilala sa pagsusuri sa pagbaba-pagtaas ng halaga ng salapi sa panahon ng tagsalat sa mga produktong pangkunsumo. May pagkilala naman ang dalawa pa bilang kontribyutor sa tatlong journal na pang-internasyonal tungkol naman sa paggalaw ng salapi sa money market kung panahon ng krisis ng ekonomiya sa malalaking bansa. Nabigatan siya sa hinarap na tanong nang hapong iyon: “Para kumita nang malaki ang tinubo ng inyong kumpanya sa nakaraang taon ng inyong pagnenegosyo, saan mo ilalagay iyon na investment iyon: sa mga pangkonsumong produkto o sa money market?”
Ang pamagat ng kaniyang tesis: Ang Pamumuhunan sa Panahon ng Krisis: Pangkonsumo o Pangispekulasyon?
Pagkaraan ng may tatlong oras na pagtatanong kay Joyce at pagpapaliwanag ng kaniyang mga sagot, dapat lumabas na ang resulta ng deliberasyon ng panel ng mga tagasulit.
Kontrobersiyal ang kaniyang mga sagot, ayon sa mga tanong na humihingi pa ng mga paliwanag.
“Pumasa kaya ako? Ano kayang grade ang ibibigay sa akin ng panel?”
Palapit na ang gabi nang lapitan siya ni Dr. Crudo sa opisina nito na pinaghintayan niya habang naghihintay sa desisyon ng panel.
“Congratulations, Joyce!” Bigay ang pagkakangiti ng kaniyang propesor nang sabihan siya nitong bumalik sa deliberation room.
Nakapasa siya, ngunit gaano ang markang ibinigay sa kaniya ng panel? Ngunit hindi siya dapat nang mag-alala pa.
“You’ve got 95% from the three members of the panel!” sabi sa kaniya ng tagapangulo nito.
Binabati pa siya ng mga miyembro ng panel nang mag-text sa kaniya si Kimberly. Naghihintay ang barkada sa canteen. Blowout! Nagmamadali siyang nagtungo sa canteen. Kumpleto ang barkada niyang naroroon. “Kami naman ang susunod na bibitayin!” ani Ana. “Nakatatakot bang magtanong ang panel?” usisa ni Espie. “Depende ‘yan sa topic ng tesis mo!” reaksiyon naman ni Bernie.
“Relaks lang friends,” masayang tugon ni Joyce. “Just know what you have studied like lines on the palms of your hands!”
“Tama si Joyce. She meant that we have to study and study and study!” pabirong salo ni Ana.” Or else, bitay ang aabutin natin sa panel!”
Sino ang namatay na umano’y dinadalaw ni Lola Trudis sa ospital?
Nagkatawanan sila. Si Espie ang nangantiyaw: “Blow-out! Blow-out!”
“In a posh restaurant naman,” agaw ni Espie. “Ano ba naman ang makakain natin sa canteen na ito?”
“So, iiskedyul natin! No harassment of the M.A. holder ngayon at kumindat ito!” saway ni Bernie.
“Let her beauty stays as a blooming flower in the morning!” sabad agad ni Ana na nagpapahiwatig.
Ngunit bigla, may emosyon na umahon mula sa dibdib ni Joyce. Sa pintuan ng canteen, hindi niya alam kung guniguni ang pinagmamasdan niya. Kinurot niya ang kaniyang braso. Totoo ang kaniyang nakikita. At nabalingan niyang bumaling doon ang tingin ng barkada. “Si Mike!” Halatang kasama sa sabwatan ng barkada si Ana. “Wow! What a surprise!” bulalas naman ni Espie at sinulyapan si Joyce. “Mike!” usal ni Bernie. “Perfect timing, Mike!” Narinig ni Joyce ang usal ni Mike na nakalapit sa sulok ng barkada nila sa restawrang iyon. “Congrats, Joyce!”
Lumabo ang tingin ni Joyce sa paligid. Mamasa-masa na ang kaniyang mga mata. Binalingan niya ang mga kabarkada. Nakita niyang papalabas na ang mga iyon ng kantina. Si Kimberly na lamang ang nasulyapan niyang sumenyas sa kaniya at naglaho na rin sa papalapit nang dilim
“Thank you, Mike! Thanks for coming!” Ginagap niya ang isang palad nito.
Bahagyang payat si Mike. Lalong dumilim ang sunog-araw nitong balat sa dapithapong iyon. Malinis na naman ang mukha nito: nagpaahit, nagpamasahe marahil. Mabango na kabaligtaran sa isang inaasahang galing sa ilang na lugar na tulad ng pinakamalayong bahagi ng Baler.
“Importante ‘to sa buhay mo, this is more important than my life!” sabi ni Mike.
Nag-ilaw na ang canteen. Ngunit napansin ni Joyce na parang hindi hinawi ang dilim sa kanilang sulok. Paisa-isa nang umaalis ang iilang dinatnan nila sa canteen. Mga crew na lamang ng kainang iyon ang abala sa kabila ng estante ng mga pagkain ang abala, nagmamadaling nagsisipagligpit ng mga iniwan ng mga kumain sa mga mesa roon.
Sumimple si Mike. Niyakap siya. Hinalikan. Swak sa bibig. Dama ni Joyce na natutunaw siya. At hindi siya bumitiw ng yakap sa kasintahan. Hanggang marinig nila ang tunog ng bell ng pagsisimula ng mga klase sa gabi. Parang nakoryente, bumitiw sila sa isa’t isa. Sayang at walang nakapansin sa nagliliwanag na kasiyahang makikita sa kanilang mga mukha.
“Kaya pumunta si Martin sa Baler, ano?” Kinurot ni Joyce si Mike nang nakasakay na sila sa Grab.
“Pinakiusapan kong magtagal siyang nang kaunti roon. Marami pa kaming pinag-usapan. Pagbalik ko, saka siya uuwi.”
Ibig niyang itanong kung uuwi rin si Pearl. Ngunit hindi niya nagawa iyon. Nahihiya siya sa kaniyang sarili.
“Ipinadala ko na lang sa Angkas courier ang mga pasalubong ko kay Lola Trudis at sa Mommy Lora.” “Talaga? Naroon si Lola…tingin ko, hindi siya umalis ngayon.” “Umaalis siya? Saan siya nagpupunta? Sino ang mga kasama niya?” Pati si Mike—ipinalalagay na matanda na, mahina na si Lola Trudis! Nagpaliwanag si Joyce tungkol sa usapan nila ng kaniyang Mommy Lora.
“Nasa dulo na ng kalakasan ang Lola Trudis.Ingat kayo sa kaniya. Prone siya, nakaamba lagi sa kaniya ang mga panganib!”
Ibinaba sila ng Grab sa tapat ng gate ng kanilang bahay. Tahimik na tahimik. Nakasusi pati gate. Parang walang tao sa bahay.
Tinawagan niya sina Melai at Aling Cely. Nainip siya sa hindi pagsagot ng mga ito.
Kukunin na niya sa kaniyang handbag ang mga susi sa bahay nang tinawagan siya ni Melai. “Ano? Sinamahan ninyo si Lola Trudis sa ospital?” “Oo, patay na ang dinadalaw dito ng Lola mo!”
(ITUTULOY)