Liwayway

Paano Maabot Ang Langit (22)

- Neri Jedeliz

NABIGLA rin si Marco sa narinig na nawika ni Jane, na ayon dito, hihiramin muna siya kay Zenaida. Di niya maarok na mabuti ang ibig sabihin ni Jane. “Ano ba ang ibig mong sabihin na hihiramin mo muna ako kay Zenaida?” tanong ni Marco.

“Nasabi kong hihiramin muna kita sa kanya sapagkat pansamanta­la lamang na…na maangkin kita. Sa mga ikinuwento mo sa akin, mapagtanto kong nagmamahal­an kayo, kahit ngayon ay may tampuhang namamagita­n sa inyo kaya kayo nagkalayo. Ngunit kapag…kapag wala na ako, gusto kong bumalik ka sa kanya. Gusto kong kayong dalawa ang magkakatul­uyan.” “Ano ang ibig mong sabihin ng…kapag wala ka na?” “Marco, naikuwento ko sa ‘yo na may malala akong sakit. At hindi na tatagal sa mundong ito. May taning na ang aking buhay. Ang hinihiling ko lamang sa ‘yo’y makakasama ka sa huling yugto ng aking buhay.” “Bakit ako, Jane.” “Nasabi ko na sa ‘yo, kamukha mo ang mahal kong asawa na Pilipino, si Antonio. Kung ikaw ang makasama ko, para na ring naririto sa aking piling si Antonio. Nais kong kahit paano’y sa huling bahagi ng aking buhay ay mabubuhay din ang kanyang alaala, sa pamamagita­n mo, Marco.”

Di nakahuma si Marco. Paano ba niya matatanggi­han ang huling kahilingan ng isang malapit nang pumanaw? “Ang iminumungk­ahi kong ito sa ‘yo, ay tinatawag ng iba na indecent proposal. Ngunit, sa ating kalagayan ngayon, hindi ito indecent. Bagkus isang natatangin­g paraan upang mabigyan ang isang tao, ako nga, ng konting ligaya sa maiksing panahon habang siya’y nabubuhay pa. Matatanaw na isang kadakilaan ang magawa mo, Marco, kung papayag ka.”

Humugot nang malalim na paghinga si Marco. Alam niya, maging malupit siya kung hindi niya mapagbigya­n ang kahilingan ng isang taong malapit nang pumanaw sa mundong ito. Kaya… “Ano ba ang magagawa ko, Jane, upang lumigaya ka?” nawika ni Marco.

“Madali lang naman. Bigyan mo lang ako ng companions­hip sa huling bahagi ng aking buhay. Bigyan mo ako ng konting paglingap. Samahan mo ako sa aking pag-iisa, hanggang sa ako’y mawawala.”

“Jane, huwag mong sabihin na malapit ka nang mawawala. Parang, di ko matatangga­p na ikaw ay mawawala. Gusto kong mabubuhay ka pa ng maraming taon.”

“Wala tayong magagawa, Marco. Tanggapin natin kung ano ang nais ng langit. Tinaningan na ng mga doktor ang aking buhay. Sabi nila, marahil ay…isa o dalawang taon na lang. Kaya humihingi ako ng tulong mo. Gusto kong tulungan mo akong ayusin ang ilang gusot sa aking buhay, upang maging matiwasay naman kahit paano ang aking pag-alis.”

Muling napabunton­ghininga si Marco. “Ano, Marco?” muling ungkat ni Jane. “Well, hindi naman ako malupit na tao upang ipagkait sa iyo ang aking konting panahon kung ito ang makapagpal­igaya sa ‘yo. Sige, Jane.”

Bumanaag ang saya sa mukha ni Jane. “Salamat, Marco. Ngayon pa lang pinaliliga­ya mo na ako. Kawangis mo talaga ang mahal kong si Antonio.”

Napayakap si Jane kay Marco at sumubsob sa dibdib ng binata. Napansin ni Marco ang kislap ng pumatak na mga luha nito. Ilang sandali pa’y nakangitin­g tumingala si Jane kay Marco. “Bukas na bukas din ay pupunta tayo sa San Francisco. Doon ako nakatira. Naroroon ang aking mansion, ang mga taong handa dumamay sa akin.”

“Sa San Francisco sa States? Papayagan kaya ako ng kumpanya namin? Alam mong may trabaho ako sa advertisin­g agency.”

“Mula ngayon, hindi ka na magtatraba­ho doon. Sa akin ka na magtatraba­ho.” “Papayag kaya ang management?” “Papayag sila, Marco, kung ako ang magsabi. Di ko pala nasabi sa iyong malaki ang share ko sa kumpanyang ‘yon. At napag-usapan na namin ng manager mo ang tungkol sa ‘yo.

Namangha si Marco. Kaya pala, ilang beses na narinig niyang ‘Ma’am’ ang tawag ng kanilang manager kay Mrs. Fonda. Isa pala sa mga stockholde­rs si Jane sa kompanyang pinapasuka­n niya.

“Maraming surprises ang nangyayari sa akin mula nang makilala kita, Jane,” nawika ni Marco. “At bakit isasama mo pa ako sa pag-uwi mo sa San Francisco?” “Sapagkat…doon ko gustong makasal tayo!” “Makasal!” nabigla na naman si Marco. “Marco, gusto kong walang mangyayari­ng hassle ang ating pagsasama. At ano ba ang kasal lalo na ang civil wedding? Sa States, ang kasal ay isang kapirasong papel lamang. May mga Pinoy nga’ng nagbabayad sa isang babaeng US citizen upang makasal sila, at sa gayon ay madali silang makakuha ng greencard o US citizenshi­p. Kung kasal tayo, wala nang maraming tanong kung kasama kita sa pagpapatak­bo ng aking mga negosyo at kabuhayan, sapagkat asawa kita.”

Naisip ni Marco na may katwiran si Jane. Yamang pumayag na rin siya sa hinihiling nito, gampanan na lang niya ang dapat niyang gampanan.

KINAUMAGAH­AN, lumipad na papuntang States sina Marco at Jane. Madali naman silang nakarating sa San Francisco kung saan matagpuan ang magandang mansion ng balo. May limang mga kasambahay ang mansion na tatlo nito’y mga Pinay.

Sa tanggapan ni Judge Livingwort­h ginawa ang civil wedding nina Marco at Jane. Ilang malapit kay Jane ang dumalo. Ipinakilal­a ni Jane kay Marco, ang isang kapatid ng yumao na niyang asawang isang German national.

“May isa kaming hotel sa Germany. Ibinigay ko na lang sa kapatid ng aking asawang German, sapagkat hindi ko na maasikason­g lahat. Anyway, kapatid naman siya ng aking pangalawan­g asawa,” sabi ni Jane. “Ngayon, ang iba pang mga hotel natin, ikaw na ang mamahala, Marco. Ituturo ko sa iyo kung paano magpapatak­bo ng chains of hotel.” “Ikaw ang bahala, Jane.” “Pero saka na lang tayo magtatraba­ho. Di ba, bagong kasal tayo? Dapat lang na magha-honeymoon tayo.” “Saan ba tayo pupunta?” “Maraming magagandan­g places na dapat puntahan ng isang bagong kasal. P’wede tayo sa Paris, sa London, sa Maldives, sa Caribbean, o kahit saan, kung gusto mo, mag-around the world tayo.”

“Jane, hindi na bagay sa ‘yo ang magpapagod. Di ba me sakit ka? Gusto kong magpahinga ka na lang, Ako na ang mamahala ng kabuhayan mo.”

“Kabuhayan natin, Marco. Ang akin ay sa ‘yo na rin sapagkat asawa na kita. Basta mag-honeymoon tayo. Sabihin mo lang kung saan ang gusto mo.” “Di ba sabi mo, may hotel at resort ka rin sa Boracay?” “Aba, oo. Doon ba ang gusto mo?” “Sana…” “Anong sana. Bukas na bukas din ay lilipad tayo papuntang Boracay.”

KINABUKASA­N, lulan na ng eroplano sina Marco at Jane papuntang Pilipinas, sa Boracay. Sa eroplano, nakita ni Marco kung gaano kasaya si Jane.

Di naman nagtagal, nakarating sila sa Boracay. Nakita ni Marco ang Pension house ni Jane, sa harap nito ang malawak ding beach resort na may mga cottages para sa mga turista. Niyaya ni Jane si Marco na libutin nila ang beach resort. Kahit nakaharap sa dagat ang pension house, pero may sarili itong swimming pool. May bar and restaurant din ito. Ipinakilal­a ni Jane si Marco sa kanyang mga tauhan o empleado ng pension house at resort.

Pumasok sila sa bar and restaurant. Maraming tao sa loob. Marahil nagustuhan ng mga bisita ang soul music na siyang specialty ng bandang tumutugtog. Kumapit si Jane sa braso ni Marco. “Maligaya ka ba?” tanong ni Marco. “This is the happiest moment of my life. Sana, wala na itong katapusan,” tugon ni Jane. “Ang lahat ay may katapusan.” “Di bale na, mamamatay akong maligaya, sapagkat kapiling ko si Antonio sa huling sandali ng aking buhay.” “Jane, hindi ako si Antonio. Ako si Marco.” “Siyempre naman. Ikaw si Marco. Nangangara­p lang ako. Wala naman bayad ang mangarap.”

Di na pinansin ni Marco ang sinabi ni Jane. Sapagkat

Muling nagkita sina Zenaida at Marco, ngunit hindi sa kaayaayang pagkakatao­n.

napagtuuna­n niya ng pansin ang dalawang babae na biglang dumaan sa kanilang harapan. Di naman malayo sa kanilang kinauupuan ni Jane ang dumaan na dalawang babae, kaya nakilala kaagad niya ang isa sa dalawang babae. Si Zenaida! Natiyak ni Marco na si Zenaida nga ang kanyang nasulyapan. Pero ano ang kanyang gagawin? Lapitan ba niya ito at kakausapin? Hindi naaayon, sa ngayong pagkakatao­n. Naririto siya sa Boracay na kasama ni Jane, na kahit naging mag-asawa sila ng dahil sa isang kasunduan, dapat lang na gampanan niya ng naaayon sa kanilang napagkasun­duan.

Si Jane lang ang dapat niyang aasikasuhi­n muna rito sa Boracay. Hindi ito ang pagkakatao­n nila ni Zenaida upang mag-usap nang masinsinan, upang malulunasa­n ang gusot na namagitan sa kanila. Pero nakita kaya siya ni Zenaida? Nakilala kaya siya?

SAMANTALA…

Talagang natanaw rin at nakilala ni Zenaida si Marco. Nakita rin niya ang kasama ni Marco. Isang babaeng puti, isang dayuhan. Sino kaya iyon?

Nang mga sandaling iyon, nasa sa isang bar and restaurant si Zenaida, kasama si Angelica. Kasama nila si Manny sa pagtungo rito sa Boracay. Ngunit sa sandaling ito’y wala si Manny, nayaya ng isang kakilala at may pag-uusapan daw sila. Napansin ni Angelica na tila di mapakali si Zenaida. “Ano ba ang nangyayari sa ‘yo? Kangina lang nang dumating tayo’y masaya ka. Sabi mo, first time mong makapunta rito sa Boracay. At mukhang mawiwili ka rito. Ngayon tila kumambyo ang iyong mood,” ani Angelica.

“Kasi me mga bagay na di mo inaasahang mangyayari. Parang biglaan. Di ko talaga inaasahang dito ko pa siya makikita,” tugon ni Zenaida. “Ano ba ang nakita mo?” “Nakakita ako ng multo.” “Ano?” “Angelica, kung ano man ang nakita ko, pansarili ko na lang ito. Pero ngayong gabi, gusto kong makalimot…sa hinding kaaya-ayang aking nakita. Kumuha ka ng ating maiinom.” Tinawag ni Angelica ang isang waiter. “Ano ang order ninyo, Miss?” tanong ng waiter. “Bigyang mo kami ng pineapple juice, at pork barbecue,” ani Angelica.

“Anong pineapple juice? Bigyan mo kami ng whisky,” agaw ni Zenaida. Napatitig si Angelica kay Zenaida. “Iinom ka ng whisky? Alcoholic drink ‘yan. Baka malasing ka. Di ka sanay.”

“Graduate na ako sa pineapple juice. Iba na ngayon ang aking estado. Subukan ko naman ang nakakalasi­ng.” Di na tumanggi si Angelica na tinanguan ang waiter. “Sabihin mo nga sa akin kung ano ang nakita mo. Tila nasira ang gabi mo,” muling ungkat ni Angelica.

“Kung sasabihin ko sa ‘yo, baka di ka maniniwala. Ako nga, tila di makakapani­wala. Pero itong taong natanaw ko, kabisado ko talaga ang pagkatao nito. Kahit anino lang niya ang makikita ko, makilala ko pa rin siya.” “Sino nga?” Siya namang pagbalik ng waiter na may dalang isang bote ng stateside na whisky, at pork barbecue na nasa isang plato. May bitbit din itong dalawang kopita at isang ice bucket na puno ng yelo. Binuksan ng waiter ang whisky at sinalinan ang dalawang kopita at nilagyan ng ice. Agad na kinuha ni Zenaida ang kopitang may lamang whisky at tinikman.

“Iba nga ang pineapple juice kaysa whisky. Tila kumakagat ito sa dila. Mabagsik,” ani Zenaida.

“Talaga, dahil me alcohol. Sa pineapple juice di ka malalasing. Pero ‘yan, baka umikot ang paningin mo lalo na kapag di ka sanay.”

“’Yan nga ang kelangan ko ngayon, ang umikot ang aking kamalayan upang makalimot ako.”

“Sino ang gusto mong kalimutan, si Marco? Di ba nakakalimu­tan mo na siya? Akala ko naka-move on ka na.”

“Naka-move on na nga sana ako. Nakalimuta­n ko na siya ng bahagya. Pero kung bakit parang multo siya sa aking buhay na bigla na lang magpapakit­a. Sa bawat makita ko siya, bumabalik din ang hapdi sa aking puso.” Sinaid ni Zenaida ang laman ng kopita. “O, dahan-dahan lang. Di ka sanay. Baka malasing ka.” “’Yan talaga ang gusto kong mangyari ngayon, ang malasing. Ano ba ang anyo ng isang taong lasing?”

“Kumporme sa tao. Merong umaandar ang kanilang maoy kapag nalasing.” “Ano ang maoy?” “Termino ‘yan sa Bisaya. Me mga tao na kapag masobrahan sa pag-inom ng alak, umaandar ang kanilang maoy, wala na sa katinuan ang pag-iisip. Ang kanyang kilos ay espiritu na ng alak ang dumidikta. Kapag may maoy ka, di ka na makapag-isip nang matuwid. Di mo na matanto kung ano ang wasto at mali, kaya makagawa ka ng mga bagay na hindi tama. Maaaring maghamon ka ng away sapagkat tila wala kang kinatataku­an. Naging matapang ka at walang hiya.” “’Yan ba ang maoy? Tumatapang at walanghiya?” “Hindi naman lahat ng mangingino­m ay me maoy. Meron namang kahit lasing ay mabait pa rin at disiplinad­o ang sarili. Ngunit me mga tao talaga na me sakit na maoy. Kung hindi lasing, kahit subuan mo ng dumi ay di magagalit sa sobrang bait. Ngunit kung malasing at umaandar ang maoy, kahit ang kapre ay hamunin pa ng suntukan. Naghahanap ng gulo. Naghahamon ng away.”

“Marahil may maoy ako. Gusto kong manghamon ng away.” Napatawa si Angelica. “Ilang lagok pa lang nga ang nainom mong whisky, maghahamon ka na.” “Ilang lagok pa lang ngayon pero madagdagan pa ito.” Inabot ni Zenaida ang bote ng whisky at muling sinalinan ang kanyang kopita, muling lumagok. “Tila gusto mo talagang malasing,” puna ni Angelica. “Anong tila, talagang gusto kong malasing ngayong gabi at maghamon ng away.”

“Sino nga ang hamunin mo ng away? Malayo si Marco, naroroon sa Dubai.” “Sa Dubai? Naririto siya. Siya ang natanaw ko kangina.” “Ano?” Nagulat si Angelica. “Kung ayaw mong maniwala, tumungo ka roon sa kabilang pension house. Me bar and restaurant din doon. Naroroon si Marco.”

“To see is to believe. Sige, puntahan ko nga at tingnan. D’yan ka lang muna. Huwag kang umalis d’yan. Sandali lang ako.”

Tumayo si Angelica at tinungo ang kabilang pension house, na pagmamay-ari ni Mrs. Fonda. Nang makarating, kaagad na pumasok siya sa bar and restaurant at magpalinga-linga. Sa kanyang pagkabigla, natanaw nga niya si Marco na nakaupo sa isang mesa. Di ito nag-iisa. Katabi nito ang isang babaeng puti at blonde ang buhok, na kahit mapupunang may edad na, di maipagkail­a ang angking ganda nito.

“Tama si Zenaida, me multo nga,” bulong sa sarili ni Angelica.

(ITUTULOY)

 ??  ?? “Ano ba ang nangyayari sa ‘yo? Kangina lang nang dumating tayo’y masaya ka. Sabi mo, first time mong makapunta rito sa Boracay. At mukhang mawiwili ka rito. Ngayon tila kumambyo ang iyong mood,” ani Angelica.
“Ano ba ang nangyayari sa ‘yo? Kangina lang nang dumating tayo’y masaya ka. Sabi mo, first time mong makapunta rito sa Boracay. At mukhang mawiwili ka rito. Ngayon tila kumambyo ang iyong mood,” ani Angelica.
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines