Liwayway

Higit Na Matibay (11)

- Armando T. Javier

TATLONG araw pa bago pumasok si Zeny sa parlor. Maputla pa rin, bahagyang namayat, pero nakabuti naman. Lalong nahayag ang kurba ng katawan sa suot na pitis na blusa’t jeans.

“Kung me date ka, p’wede kang mag-undertime,” sabi sa kanya ni Zeny, tumatanaw nang utang na loob.

Pero wala naman siyang lakad; nasa Commonweal­th pa rin kasi, hindi pa bumabalik si Nets.

Sa hapon, ang narito’y si Jonna. Nasa makapasok pa lamang ng pinto ay nakangiti na sa kanya. Yumukod at bumati rin kay Zeny. “Me walk ka, bespren?” “Hmmm…wala naman. Bakit?” “Sama ka sa ‘kin.” “Saan?” “Sa handaan.” “Ngayon na ba?” Pasado alas-kuwatro pa lang.

“Oo. Baka kasi wala na tayong abutan kung mam’ya pa.”

Nilingon niya si Zeny na naririnig ang pag-uusap nila.

“Sige na, Janno, ako na’ng bahala dito. Baka mainip ‘yang sundo mo.”

Binalingan niya uli si Jonna. “Saglit lang, ha?”

Nagtungo siya sa harap ng sink, sinipat ang mukha sa salamin, saka nilapitan si Zeny at binulungan.

“Babalik ako ‘pag nakaalis kami agad…”

Ngumiti. “Sige.” Saka nagmahina rin ng boses. “Wala palang date, ha?”

Humawak siya at pumisil sa balikat ni Zeny, saka sinundan si Jonna na naghihinta­y na sa scooter nito.

Humimpil sila sa makababa ng tulay sa boundary ng Brgy. Panamitan at Brgy. Putol. Nakiparada sa barangay hall.

“Kuya, d’yan lang kami sa pulo,” sabi ni Jonna sa naroong tanod. Tumango ang tanod. Nanulay sila sa gilid ng ilog. “Me ano ba d’yan? Sino ba’ng pupuntahan natin?”

“Lolo ni Ronron. Balikbayan daw. Retiradong US Navy.” “E, bakit me handa?” “Family reunion, ’ata.” Huminto si Janno sa gitna ng tulay na bato. “E, para sa mga magkakamag-anak pala ‘yan. Ano naman ang gagawin natin d’yan?” “Imbitado naman ako ni Ronron…” Atubili pa rin si Janno pero dahil kumukunot na ang noo ni Jonna, sinundan na lamang niya ang kaibigan. Makalampas sa tulay na bato, pilapil. Tanaw na nga

mula roon ang palaisdaan­g mayroon ngang pulo. Madahon ang mataas na punong sampalok sa gilid ng isang bungalow. May nakapila na sa mahabang mesang may nakahilera­ng mga bandehado. Makatawid sa pilapil, sinalubong sila ni Ronron. “’Kala ko’y di pa kayo darating,” sabi nito kay Jonna. Tinanguan si Janno. “Tena. Baka maubusan tayo…” “Hindi ba nakakahiya, Ron?” sabi ni Janno. “Ano bang nakakahiya? Di naman kayo gatecrashe­rs, bisita ko kayo. Di tulad ng iba d’yan…”

Lumingon ito sa isang pamilyang kumakain na. Marurungis ang dalawang bata at umiiwas naman ng tingin ang magasawang kapwa sunog sa araw ang balat.

Okupado na ng mga pami-pamilya ang mesahan sa ilalim nang malapad at mahabang tent na hiram sa barangay; nagkukuwen­tuhan habang kumakain. Sa harap ng bungalow, nakatayo ang isang matangkad, maputi at malapad ang katawang lalaki. Kausap nito ang isang tabaing babae. Lumapit si Ronron, kasunod sina Jonna at Janno. “’Nay, si Jonna ho ‘tsaka si Janno, mga kaibigan ko.” “Ay, buti’t nakarating kayo!” Binalingan ni Ronron ang matandang lalaki. “Dad, mga friends ko ho. Guys, ang lolo ko. Beterano sa US Navy.” Yumukod at bumati sila. “Kumusta kayo?” Baritono ang boses ng matandang lalaki, boses-announcer. “Sige, tuloy. Maraming pagkain…”

Tinanguan sila ni Ronron. Nagpauna ito sa mahabang mesa saka sila inabutan ng plato’t kubyertos. Kumuha sila ni Jonna ng tinadtad na lechon, kumuha rin ng tig-isang tasa ng kare-kareng baka. Ang plato ni Ronron, bukod sa lechon, ay pinuno nito ng inihaw na hipon. Walang mapuwestuh­an sa tent, sa terrace ng bungalow sila pumuwesto; sa silyang bakal na nakapahara­p sa isang pabilog na mesa. “Galit-galit muna,” sabi ni Ronron. Kumain sila. Nakapahara­p si Janno sa gusali ng Josephine’s Resort, sa kabila ng ilog na tanaw mula sa palaisdaan, at naalala ang imbitasyon ni Sonny Boy na mag-swimming silang tatlo roon ni Jonna. Pero pagkatapos na magastusan ito nang malaki nang gabing maghapunan sila roon, duda siya kung matutuloy pa ang pagyayaya nitong mag-swimming. “Hanggang kelan dito’ng lolo mo, Ron?” tanong ni Jonna. “Mga six weeks lang siguro. Susunduin s’ya ng uncle ko paguwi.”

Sa tantiya ni Janno, paga-otsenta na ang matandang lalaki, na tiyuhin ng ina ni Ronron. Iginala niya ang paningin sa palibot ng palaisdaan. May bumababang tagak sa gilid ng pilapil, nangingina­in nang maliliit na isda.

“Ano’ng laman ng palaisdaan ng lolo mo, Ron?” Lumingon si Jonna sa tinitingna­n ni Janno.

“Halu-halo: bangus, tilapia, sugpo. Kung sus’wertihin, may nakakapaso­k na asubi at alimango.”

May nabubuhay ngang alimango sa ilog. At sa school, naalala ni Janno, naging urban legend ang tungkol sa isang babaeng estudyante sa high school na isang hapong pauwi na ay nakakita nang malaking alimangong gumagapang mula pilapil patungong ilog. Ayon sa kuwento, agad na naghubad ng sapatos ang estudyante, hinubad din ang palda, (naka-cycling shorts na lang), lumusong sa ilog at kinapa sa putikan ang nakitang alimango. Nahuli nito. Malaki nga! Tumitimban­g nang higit pa sa isang kilo; bitbit nito pauwi sa Batong Dalig. Naging masarap at malinamnam ang hapunan ng naturang estudyante.

“Balik tayo,” yaya ni Ronron nang makitang paubos na ang pagkain nila. “Meryenda naman.”

Nagkatingi­nan sina Jonna at Janno; tumindig na rin nang makitang tumindig si Ronron.

Bihirang makakain ng buchi si Janno, at sa mesa’y may nakahaing malalapad at mabibintog na buchi. Kumuha siya. Kumuha rin ng kalamay na ube; si Jonna, kumuha naman ng maja blanca at pansit pusit. Daig sila ni Ronron na kumuhang lahat ng nakahain doong meryenda: pichi-pichi, okoy, karioka. Sinalinan ng buko pandan ang tatlong baso at iniabot ang para sa kanila. Bumalik sila sa terasa sa bungalow.

“Kain lang nang kain, ‘wag kayong mahihiya, minsan-minsan lang ‘to. Bukas, me bayad na ‘to!” Natawa.

Napailing sina Jonna at Janno.

Bagong mukha sila sa mga kaanak ni Ronron, natural na silang dalawa ang usyosohin ng mga ito.

“E, Ron, s’ya ba’ng gerlpren mo?”

Nakadungaw sa pasimano ng terrace ang maitim na lalaking kulang-kulang ang ngipin at nasa kuwarenta na siguro ang edad; na gayong may araw pa ay mukhang nakainom na. Naniningki­t nga ang mata.

Napatda sa pagsubo si Ronron, napatingin kay Jonna, saka binalingan ang nagtanong na kaanak. “Hindi ho, tito, m-mga tropa ko sila.” Ngumisi ang lalaki. “A, akala ko’y bata mo na…!” Tinanguan sina Janno at Jonna, saka tumalikod na. Sinundan nila ng tingin. Nagbalik lang sa pinanggali­ngang mesa sa lilim ng punong niyog at muling nakitagay sa apat na lalaking may pinagsasal­uhang long neck na brandy.

“Pasen’sya ka na,” sabi ni Ronron kay Jonna. “Makulit talaga ‘yon ‘pag nakakainom…” “Okey lang.” Mandi’y natanggap na ni Ronron na sila ni Jonna ay hanggang kaibigan lang. Ayaw pa ni Aling Maring na magboyfrie­nd ang pamangkin at nararamdam­an niyang mas komportabl­e si Jonna na sila’y magkabarka­da lang kaysa sa magsyota. Okey na rin kay Ronron. At least, lagi pa rin silang nagkakasam­a ni Jonna sa mga lakaran.

Naubos ang meryenda, pasimpleng tiningnan ni Janno ang oras sa kanyang cellphone. Pasado alas-singko pa lamang. Aabutan pa niya si Zeny sa parlor, matutulung­ang magsara roon, kung mauuna na siyang umalis. Nang bumalik si Ronron sa mahabang mesa para magsalin uli ng buko pandan sa baso nito, humilig siya kay Jonna at bumulong, “Di pa ba tayo aalis? Magsasara pa kami ni Zeny ng parlor…”

Lumingon si Jonna sa mesahan sa loob ng tent. Nakakain na ring lahat ang mga bisita. May mangilan-ngilang natitirang pagkaing hindi naubos ng mga tsikiting ang pinagtitiy­agaang ubusin ng mga kasamang nanay. Nagkukuwen­tuhan na lamang ang magkakamag-anak; maririnig ang paminsan-minsang halakhakan. Nagse-selfie na ang karamihan, grupu-grupo, kasama ang lolo ni Ronron.

“P’wede na nga tayong umisplit,” sabi ni Jonna. Nilingon si Ronron na pabalik na sa terrace.

(Sundan sa pahina 25)

Mandi’y natanggap na ni Ronron na sila ni Jonna ay hanggang kaibigan lang; ayaw pa ni Aling Maring na mag-boyfriend ang pamangkin…

 ??  ?? Huminto si Janno sa gitna ng tulay. “E, para sa mga magkakamag-anak pala ‘yan. Ano naman ang gagawin natin d’yan?”
Huminto si Janno sa gitna ng tulay. “E, para sa mga magkakamag-anak pala ‘yan. Ano naman ang gagawin natin d’yan?”
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines