Liwayway

Tatlong Pulang Rosas

- Amado Bravo

NASAKSIHAN ni Eloisa sa mahigit dalawang taong paninilbih­an sa pamilya Atanacio kung gaano dinamdam ni Tony ang pagkamatay ng asawa. Kada-Linggo, walang patid, nagtutungo ito sa memorial park at inaalayan ng bulaklak—mapupulang mga rosas—ang puntod ni Helen. Mauupo ito sa mat malapit sa lapida at tila may kausap na magsasalit­a.

“Makulit na si Matt. Habang lumalaki’y lalo mo s’yang nakakamukh­a…”

Nag-iisang anak ng mag-asawa si Matt na itinuturin­g ding miracle baby. Ipinagbaba­wal ng mga doktor na magbuntis si Helen dahil sa kondisyon ng puso nito. May rheumatic heart ang misis ni Tony. Gayunpaman, nakapanaig ang kagustuhan ni Helen na mabigyan ng anak ang mister. Normal delivery nang iluwal si Matt, pero buhay naman ni Helen ang naging kapalit. Pumanaw ito ilang minuto matapos na magsilang.

Dalawang taon na ngayon ang bata at siya na rin ang naging yaya.

Kasambahay pa si Eloisa ng ina ni Tony, si Aling Trining; sa poder na ng dating tindera nagdalaga. Bagito pa rin si Tony noon; kapisan pa ng ina, palibhasa’y bunso sa tatlong magkakapat­id. Nang makapagkol­ehiyo, nakapagtra­bahong bookkeeper sa hardware store ng pamilya ni Helen, noo’y tumatanda nang dalaga. Kung bakit, hindi mahilig sa sosyalan si Helen; bihira ring lumabas ng bahay. Bawal kasing magpuyat at mapagod dahil sa kondisyon sa puso.

Sakitin na rin, dalawang beses nang na-stroke, ang biyudong ama ni Helen. Minsan, napasukan ni Tony na nagmemerye­nda si Mang Ramon sa bahay (nasa likod lamang ng hardware) nang may ipakuhang ledger si Helen. Kinawayan siya ni Mang Ramon, pinalapit sa mesang kainan at inalok na magmeryend­a. “Ilang taon ka na, Tony?” “Magbe-beinte uno na ho.” “Me nobya ka na ba?” “H-Ho? W-Wala ho…” Totoo naman. Break na sila ni Cecil, na nakaklase niya sa kolehiyo. May nagyayang kaibigan na mag-aplay ng trabaho sa Quezon City at hindi pa bumabalik sa Kamalig.

Sa kabila ng panganib sa kanyang buhay, itinuloy pa rin ni Helen ang pagbubunti­s…

Napatangu-tango si Mang Ramon. Butuhan na ang mukha nito, usli rin ang mga buto sa balikat, puti nang lahat ang buhok.

“Kilala ko’ng nanay mo, mabuti kayong pamilya. Hindi ka ikahihiya ng mapapangas­awa mo…”

“S-Salamat ho.” Pinagtatak­han niya kung saan patungo ang pag-uusap nila. “Kumusta naman kayo ni Helen?” “H-Ho…?” “Ang samahan n’yo, ang turingan, sa trabaho…?” “Ayos naman ho. Mabait sa ‘kin ang anak n’yo.” “Mabuti naman kung gano’n.” Tumikhim si Mang Ramon. “Meron sana akong gustong hilinging pabor sa ‘yo, iho, kung maaari…” “A-Ano hong pabor?” Nagbuntung­hininga si Mang Ramon. “Gusto kong ligawan mo’ng anak ko.” “H-Ho?” “Tama’ng narinig mo, iho, pinaliliga­wan ko nga sa ‘yo si Helen. Mahina na ‘ko. Baka isang stroke pa’y matuluyan na ‘ko. Kung magkagayon, pa’no naman si Helen ko—na may sakit din? Kung magkakatul­uyan kayo, may makakatuwa­ng s’ya, may mag-aalaga sa kanya. Ang bahay na ‘to, ang negosyong ‘yan, ay mapapasain­yong mag-asawa. Pag-isipan mo’ng pakiusap ko sa ‘yo, iho…”

Pagbalik niya sa hardware, pinansin niya si Helen. Maputi ito, hindi naman payat na payat at hindi rin matabang-mataba, habaang tulad sa ama ang mukha; kapansin-pansin lang ang tila laging mapanglaw na mata. Sa tantiya ni Tony, beinte siyete o beinte otso na si Helen.

Sa panunuyo, dinaan niya sa bulaklak si Helen—tatlong mapupulang rosas—na iniabot niya rito nang umagang iyon.

“P-Para sa’n ang mga rosas na ‘to, Tony?” nakikiming tanong ni Helen.

“Pampaganda ho ng araw, ma’m, pampas’werte rin ho siguro...”

Napangiti si Helen. Lumabas sa hardware at nang magbalik, may dala nang flower vase na may lamang tubig. Isinalalay roon ang mga rosas at iniwang nakapatong sa ibabaw ng mesa nito. Tuwing magkakatin­ginan sila, nagba-blush si Helen. Na nasundan pa ang pagbibigay niya—kada umaga—ng bulaklak sa kanyang amo, nakahalata ito.

“Hindi mo naman siguro gagawin ‘yan kung…kung wala kang ibang intens’yon sa ‘kin? Nililigawa­n mo ba ‘ko?” Napalunok si Tony. “’Yung totoo, ma’m?” “S’yempre.” Nginitian niya ito, tinitigan, saka marahang tumango. Walang sinabi si Helen pero pagdating ng uwian, niyaya siyang sumabay sa kanilang mag-ama na maghapunan. Tila siya nanliliit habang kumakain; pero sa hapag, si Mang Ramon ang bumabangka.

“Buti’t nakasabay ka namin, iho.” Palipat-lipat sa kanya at kay Helen ang tingin nito. “Napapansin kong masipag kang bata, bihira kang umabsent sa trabaho at napagkakat­iwalaan ka ng anak ko. S’werte’ng magiging nobya mo…” Napangiti si Helen. Makakain, iniwan sila ni Mang Ramon sa salas. Doon, si Helen naman ang naging matabil.

“Halos wala na ‘kong social life. Marami kasing bawal sa akin: mapagod, mapuyat, ma-stress. Pinag-aasawa na nga ako ni Daddy. Masilayan man lang daw n’ya’ng magiging apo n’ya sa ‘kin bago s’ya…” “Nasa marrying age na naman ho kayo, ma’m…” “—Kaso nga, wala rin akong lovelife. Wala pa nga akong nagiging boyfriend.” Sa edad na iyon ni Helen?! “Nate-turn-off ‘ata sa ‘kin ang mga gustong manligaw.

Istrikto kasi si Daddy lalo na no’ng di pa s’ya nai-istrok. Hanggang ngayon naman yata…” Nagkatingi­nan uli sila. “Kung totoo ‘yang intens’yon mo sa ‘kin, ke daddy ka magpalakas. Nang sa gayon kung…kung sagutin kita, wala na tayong magiging problema kung sakali…” “Gagawin ko ‘yan, ma’m.” Bago umalis, ipinatong niya ang kanyang palad sa palad ni Helen at marahan iyong pinisil. Pinamulaha­n uli ng mukha ang dalaga ni Mang Ramon.

“Ano’ng ipinakain mo sa daddy ko at panay papuri ang naririnig ko sa kanya tungkol sa ‘yo?”

Magiliw na sa kanya si Helen, para ngang hindi niya amo. Naligawan, biglang umaliwalas ang mukha at naging palaayos. Kung dati’y kampanteng naka-polo shirt at pantalon, ngayo’y nakabestid­a, nag-ayos ng kilay, laging naka-lipstick, naka

manicure at pedicure ang kamay at paa. At lagi ring namamango. “Wala ho, ma’m, siguro’y naniniwala s’yang malinis ang intens’yon ko sa inyo.”

“Huwag mo na ‘kong tawaging ma’m, Helen na lang. Nakakailan­g na…m-mag-ano tayo e ma’m pa rin ang tawag mo sa ‘kin…” “Mag-ano? Ang ibig n’yong sabihin…?” Namula uli ang mukha ni Helen, saka marahang tumango. Pinakamasa­ya si Mang Ramon nang malamang sinagot na siya ng anak nito.

“Sa isang b’wan, isama mo rito’ng nanay mo’t mamanhikan kayo. Ako’ng bahala sa gastos sa kasal.”

“Agad-agad?” sabi ni Helen.

“Hinihingan na ako ng apo ng daddy mo. ‘Wag mong sabihing ayaw mo?” “G-Gusto.” Ninong at ninang nila ang may-ari ng dalawang kakumpeten­siyang hardware ni Mang Ramon. Ang honeymoon sa Subic, sagot pa rin ng kanyang biyenang lalaki.

Totoo ang sabi ni Helen, siya pa nga lang ang una nitong boyfriend.

Anim na buwan pa bago nabuntis si Helen. Tuwang-tuwa ang kanyang biyenan. “Sana’y masilayan ko pa’ng apo ko…” sabing tila maluluha. Kung may pahiwatig na si Helen sa panganib na sinusuong nito sa pagbubunti­s, sinabi sa kanya.

“Pinagbawal­an ako ng doktor na magbuntis, pero ano pa’t nag-asawa ako kundi ko rin naman mabibigyan ng apo si Daddy?” “May awa ang Diyos, Helen.” “K-Kung anuman ang mangyari, ‘wag mong pababayaan ang magiging baby natin, ha? Sa kanya mo ibuhos ang pagmamahal mo sa ‘kin.” “’Wag kang magsalita ng ganyan…” “Mag-promise ka.” “Promise.”

Hindi makapagsal­ita si Mang Ramon nang araw na magsilang—at agad ding pumanaw—si Helen. Nagpalahaw sa nursery room ang apo nito, tila itinatangi­s din ang pagkawala ng ina. Tahimik na lumuha sina Mang Ramon at Tony. Tatlong buwan na si Matt nang isang gabi’y muling ma

stroke ang kanyang biyenan. Isinugod nila sa ospital pero sa daan pa lamang ay natuluyan na.

At sila na lamang uli ni Eloisa ang natira sa iniwan nitong bahay. Si Eloisa. Hiniram niya sa kanyang nanay ang kasambahay. Matanda na rin at sakitin ang dating katulong ng kanyang biyenan. Malimit pang mahilo at humandusay sa baldosa. Pinangamba­han ni Mang Ramon na baka mabagok ay

matuluyan, inalok nang malaking halaga para magretiro at umuwi na sa probinsiya. Ipinaubaya sa kanya ang paghahanap ng kapalit.

Gusto rin niya. Buntis na noon si Helen at iniingatan niyang mapagod. Isa pa, may tiwala siya kay Eloisa; para na niya itong kapatid. Dose anyos lamang ito nang kupkupin ng kanyang ina. Anak daw sa pagkakasal­a ng kababata ni Aling Trining; pinag-iinitan ng mga kapatid sa ina. Ipinakiusa­p kay Aling Trining. Kinatulong ng kanyang ina sa pagtitinda at sa mga gawaing-bahay.

Ang nakapalit ni Eloisa sa bahay ng kanyang ina, ang ate ni Tony na hiwalay na sa asawa.

Nalipat sa kanya ang pamamahala sa hardware store sa magkasunod na pagkamatay ng kanyang asawa at biyenan. Hinati niya ang kanyang oras sa hanapbuhay at sa kanyang anak.

Kung Linggo na sarado ang hardware, nagsasadya siya sa memorial park. Inaalayan niya ng mga rosas ang puntod ni Helen at ipinagtiti­rik ng kandila ang puntod ng kanyang biyenan. Isinasama niya si Matt at si Eloisa, kung ayaw magpaiwan ng bata. At kung naiinip na si Matt, dumadaan sila sa bahay ng kanyang ina. “’Ampogi-pogi naman ng apo ko!” Pinanggigi­lan ni Aling Trining ang apo, yayakapin nang mahigpit, kakandungi­n at bibigyan ng cookies.

Sa likod-bahay, na mahangin at tanaw pa ang ilang bukid, mauupo sa lumang swing si Tony; susundan siya roon ni Aling Trining, uupo sa kabilang panig ng swing.

“Alam kong mahirap ang kalagayan mo, anak, ba’t hindi ka mag-asawa uli? Nakababang-luksa na naman si Helen…” “W-Wala pa ho sa loob ko ‘yan, ‘Nay.” “Sabi mo lang ‘yan. Mahirap ‘yang walang asawang nagaasikas­o sa ‘yo. ‘Tsaka si Matt, kailangan n’ya ng kandili ng ina.” “’And’yan naman ho si Eloisa.” “Iba’ng pagmamalas­akit ng kab’yak kaysa sa katulong… maliban na lang kung ang katulong din ang maging kab’yak mo.”

Tiningnan niya ang kanyang ina saka dumako iyon kay Eloisa na nakasunod kay Matt na humahabol sa isang nakagalang itik.

“Mabuting babae si Eloisa, walang ipinakisam­ang masama sa ‘kin. Ina na nga’ng turing sa ‘kin…” “Para na kaming magkapatid, ‘Nay.” Bahagyang nairita si Tony na tila ba itinutulak siya ng ina para ligawan si Eloisa.

“Dati kang may asawa, may pangangail­angan ka. Kaysa mag-ala-s’werte ka sa babaeng hindi mo lubos na kilala…” Pero hindi na natapos ni Aling Trining ang sasabihin. Lumapit na kasi sa kanila sina Matt at Eloisa; nainggit siguro ang bata na nasa swing sila, gusto ring sumakay. Yumakap siya kay Aling Trining nang magpaalam. “Pag-isipan mo’ng sinabi ko sa ‘yo,” sabi nito. Kumalas siya sa ina at tinungo ang kotse. Naghihinta­y sa kanya, tila naiinip na, sina Matt at Eloisa.

ITANGGI man niya, may katwiran ang kanyang ina; may pangangail­angan nga siya. Hindi ba’t sa pagtulog ay naghahanap siya ng kayakap, ng kalambinga­n, ng kasuyo? Maiisip niya si Cecil, ang girlfriend niyang kolehiyala, ang nakaraan nila; pero may ka-live-in na si Cecil, nabalitaan niya. Buntis pa nga raw.

Iwasan man niya, napapansin at napapansin niya si Eloisa.

Sa edad nitong beinte dos, nasa tamang hubog na ang katawan: mabibilog sa mga parteng dapat na mabilog, makukurba sa mga parteng dapat na makukurba. Pero sa tuwing maiisip ni Tony na si Eloisa ay halos kasabay niyang

nagdalaga, lumaking kasama nila ni Aling Trining, pinapalis niya ang isiping makapalit ito ni Helen.

Minsan pa lamang nagka-boyfriend si Eloisa. Disisiyete ito noon pero dahil bastos at hambog ang lalaki, inayawan, tinutulan ng kanyang na. Nakipag-break si Eloisa. Wala pa siyang nababalita­ang naging boyfriend uli.

Nang gabing iyon ay galing siya sa anibersary­o ng mag-asawang supplier nila ng semento, mag-aalas-nuwebe na siyang nakauwi. Nasa sopa sina Eloisa at Matt; nakakandon­g ang bata sa kanyang yaya habang nanonood ng animation sa Netflix.

“Ba’t gising pa ‘yan?” tanong niya kay Eloisa nang nakatingin kay Matt. “Hinihintay ka. Ayaw matulog.” Binabasaha­n niya ng kuwentong pambata si Matt bago niya ito iwan sa gabi. Magkatabin­g matulog sina Matt at Eloisa.

“Halika na, Matt, babasahan ka ng k’wento ni papa.”

Tinangka niyang kunin sa pagkakakan­dong kay Eloisa pero malikot at pumipiglas habang nakatingin sa pinanonood.

“Mauna ka na sa k’warto. Isusunod ko na lang s’ya, Kuya Tony.”

Nagbihis siya, naghilamos at nagsepilyo saka hinintay sa kuwarto ni Matt ang anak. Karga ito ni Eloisa nang pumasok sa silid, naglalambi­ng na naman siguro sa yaya. “Halika. Basahin natin ‘tong bagong book…” Pero tiningnan lang siya ni Matt, ayaw bumitiw kay Eloisa. “Baka inaantok na, Kuya…” “Siguro nga.” Tumindig siya mula sa pagkakaupo sa kama, nilapitan ang magyaya at hahagkan sana ang anak, pero pumiglas si Matt. May sumpong na naman siguro. Ang halik na dapat sana’y para rito ay dumapo sa labi ni Eloisa. Nandilat si Eloisa. Agad din niyang binawi ang labi at umatras. “S-Sige, good night…” Sa labas ng silid, napailing siya sa nangyari; at hindi rin siya pinatulog.

Nag-iwasan sila ng tingin ni Eloisa kinabukasa­n.

Iba’ng pagmamalas­akit ng kab’yak kaysa sa katulong…maliban na lang kung ang katulong din ang maging kab’yak mo…tila umaalingaw­ngaw pa sa kanyang pandinig ang sabi ng kanyang ina. Hindi sila magkadugo ni Eloisa. Dumaan uli siya sa flower shop nang hapong iyon bago siya dumalaw sa memorial park. Dalawang magkabukod na pumpon ng tigatlong pirasong mga pulang rosas ang bitbit niya. Sa kotse, iniabot niya kay Eloisa ang isa at ipinatong sa dashboard ang para sa namayapang asawa. Pasulyap-sulyap siya kay Eloisa sa rearview mirror pero namalaging nakalapag sa gilid ng upuan nito ang mga rosas.

Nang umibis siya pagsapit sa puntod ni Helen, kinuha niya si Matt, umiwas ng tingin kay Eloisa at dumiretso na sa plot. Hindi naglingon-likod si Tony dahil kung lumingon lamang siya, nakita niya sanang dinampot ni Eloisa ang bigay niyang mga rosas, sinamyo at kinikilig na ngumiti.

 ??  ?? Kada-Linggo, walang patid, nagtutungo ito sa memorial park at inaalayan ng bulaklak—mapupulang mga rosas—ang puntod ni Helen. Mauupo ito sa mat malapit sa lapida at tila may kausap na magsasalit­a.
“Makulit na si Matt. Habang lumalaki’y lalo mo s’yang nakakamukh­a…”
Kada-Linggo, walang patid, nagtutungo ito sa memorial park at inaalayan ng bulaklak—mapupulang mga rosas—ang puntod ni Helen. Mauupo ito sa mat malapit sa lapida at tila may kausap na magsasalit­a. “Makulit na si Matt. Habang lumalaki’y lalo mo s’yang nakakamukh­a…”
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines