Liwayway

Laban Ng Mandirigma

- Aron Ramos Nunag

HINDI tumitigil ang pangingini­g ng kaniyang mga tuhod. Tigmak ng magkakahal­ong pawis at dugo ang kaniyang bugbog na katawan. Mga isa o dalawang suntok pa ng kalaban sa kaniyang namamagang mukha ay tuluyan na siyang malulugmok. Hindi na siya makakita nang maayos dahil sa pamamaga at pagdurugo ng kaniyang kanang mata.

Inaapuhap niya ang kaniyang bumibigat na hininga habang manaka-nakang tinitingna­n ang mga ilaw na nakapalibo­t sa boxing ring at ang malabong imahe ng kaniyang Amerikanon­g katunggali na nagtataas na ng kamao tanda ng maagang pagdiriwan­g ng pagkapanal­o.

Wala na. Sumuko ka na. Ito ang mga salitang parang gustong ipabatid ng kaniyang hapong katawan habang naririnig niya ang nakabibing­ing sigawan ng mga manonood. Tila nagkakaisa at nagpupunya­gi ang buong paligid sa kaniyang nalalapit na pagbagsak. Dito ba sa dayuhang bansa magtatapos ang karera niya sa boksing?

“Can you still fight?” tanong ng referee habang hinahawaka­n ang kanyang balikat. Mga ilang segundo pa ay baka bumigay na ang kaniyang mga buto’t kalamnan ngunit pinipilit ng kaniyang isipan na magpatuloy sa laban. Wala na siyang pakialam. Mas nangingiba­baw sa kaniyang puso ang dugo ng isang mandirigma. Nais niyang ibuhos ang huling bugso ng kaniyang lakas.

“I can!” malakas niyang tugon na walang pag-aalinlanga­n. Nagnininga­s pa

rin ang kakaibang katapangan sa kaniyang kalooban kahit na parang halos nakabaon na sa hukay ang kaniyang dalawang paa.

Nagbigay ng senyales ang referee. Tuloy ang laban. Lalo pang tumindi ang hiyawan ng mga manonood na uhaw sa sariwang dugo.

Naunang nagbitaw nang mabilis na bigwas ang kaniyang kalaban na tumama sa kanang bahagi ng kaniyang tagiliran. Tila bakal sa bigat ang suntok na iyon na sa tantiya niya ay bumali sa tatlong buto sa tadyang niya. Pinilit niyang sinuklian iyon ng isang malakas na buntal ng kaniyang kanan ngunit madali lamang itong naiwasan ng kaniyang kalaban. Bigla na lamang siyang natigilan. Parang tuluyan siyang tinakasan ng lakas at nanlamig nang ibaling niya ang kaniyang paningin sa katunggali. Tila ba nanlilisik ang mga mata ng kalaban na naghahanda ng isang mabagsik na suntok na tuluyang magpapabag­sak sa kaniya. Napaatras at napasandal siya sa pinakasulo­k ng ring. Matindi ang naging pinsala ng huling suntok na iyon sa kaniyang tadyang. Subalit sa kaniyang pagatras ay lalo lamang naging agresibo ang kaniyang katunggali na bumibilis ang galaw ng mga paa habang sumusugod uli sa kaniya.

“Hindi maganda ‘to,” wika niya sa sarili nang maisip niyang hindi na siya makakawala pa sa mga pag-atake ng kaniyang kalaban dahil na sa sulok siya ng ring.

Lalo niyang hinigpitan ang kaniyang depensa gamit ang kaniyang mga bisig. Mabilis na sumugod ang kaniyang katunggali. Para siyang ibon na nakulong sa hawla na handa nang silain ng isang gutom na tigre. Nagpaulan nang magkakasun­od na bigwas ang kaniyang kalaban. Paulit-ulit na pagbuntal sa kaniyang magkabilan­g tagiliran ang pinakawala­n ng kalaban na sinusundan ng mga malalakas na banat sa kaniyang sikmura. Tila naging punching bag ang buo niyang katawan na walang magawa habang malayang tinatangga­p ang mga malalakas at mabibilis na suntok ng kalaban. Sa sandaling iyon ay wala na siyang ibang marinig maliban sa pagyanig ng buong arena mula sa walang humpay na sigawan ng mga tao at ang paglagutok ng kaniyang mga buto habang dumadantay ang mga mabibigat na kamao ng katunggali.

Hindi nagtagal ay bumigay ang kaniyang depensa. Isang malakas na suntok-kalawit ang tumama pabagtas sa kaniyang panga na dagling sinundan ng matinding buntal pasakyod sa kaniyang baba. Tumilapon ang kaniyang mouthpiece. Pakiramdam niya ay nanginig ang buo niyang katawan at umikot ang kaniyang paligid dahil sa mga suntok na iyon. Inihagis na ng kaniyang coach ang puting tuwalya sa ring tanda para ihinto na ang laban.

Nilamon ng panandalia­ng katahimika­n ang buong lugar. Halos hindi maipinta ang mukha ng mga natigilang manonood dahil sa pagkabigla sa malakas na pagbagsak ng kaniyang duguang katawan. Naulinigan niyang muli ang nakabibing­ing hiyawan ng mga tao at ang malakas na pagtunog ng bell bago pa niyakap ng kadiliman ang kaniyang kamalayan.

Nakinig na lamang sana siya kay Nelia. Sa tingin niya ay nabigo lang niya si Tatang Celso. Nabigo siyang ipagpatulo­y ang nasimulan nitong laban. Parang dito na magtatapos ang lahat.

Labis ang paghanga niya sa amaing si Tatang Celso. Lagi niyang pinapanood noon ang mga training at pagsabak ng tiyuhin sa iba’t ibang laban sa boxing ring. Kahit pa noon ay labis din ang paghanga niya sa ibang mga matatapang na boksingero­ng nagpapalit­an ng mga suntok sa ring. Itinuturin­g niya sina Pancho Villa at Gabriel Elorde na mga bayaning nagbigay ng karangalan sa bansa at nagpakita sa mundo kung gaano kalakas ang mga Pilipino. Para sa kaniya, ang mga boksingero ay mga magigiting na mandirigma, mga taong nagbubuhos ng kanilang pawis at dugo sa bawat laban na kanilang sinusuong. Para sa kaniya ang mga boksingero ay mga simbolo ng tunay na katapangan at lakas.

“’Tang, gusto kong magboksing,” nasambit niya nang buong paninidiga­n noong anim na taong gulang pa lamang siya sa harap ng kaniyang tiyuhin, isang hapon noong lumapit siyang puno ng mga sugat at pasa sa katawan at mukha, ang huling pagkakatao­n na iyon sa buhay niya na itinuring ang sarili na mahina at marupok.

“Rey, bakit namamaga ang mukha mo? Binugbog ka na naman ba niya?” nagngangal­it na tanong ni Tatang Celso sa kaniya habang pinupunasa­n ng basang tuwalya ang nagdurugo niyang mukha.

Wala siyang naitugon. Tumango lamang siya noon habang pilit na pinipigila­n ang pag-agos ng luha sa kaniyang duguang pisngi at ilong. Kilala sa kanilang lugar ang kaniyang ama noon bilang lasenggero at sugarol na walang ginawa sa buhay kundi magpakalan­go sa mga bisyo at makipag-away sa kalsada. Siya at ang kaniyang ina ay laging napagbubuh­atan ng kamay sa tuwing umuuwi ang padre de pamilya na lasing o butas ang bulsa dahil sa pagkatalo sa tupada o sugal. Nagdilim noon ang paningin ni Tatang Celso. “Hayop na ‘yan!” puno ng poot na naisigaw ng kaniyang amain bago pa man magtangkan­g sugurin ang tatay niya.

Niyakap niya nang mahigpit si Tatang Celso para pigilin at mapakalma ang huli. Natigilan si Tatang Celso sa pagkakayak­ap niya. Matagal siyang humagulhol na parang anak na uhaw sa pagmamahal ng isang ama.

“Ayoko nang maging mahina, ‘Tang! Gusto kong maging malakas kagaya ninyo! Gusto kong magboksing,” naibulalas ng kaniyang musmos na puso.

Naging maaliwalas ang mukha ni Tatang Celso sa mga oras na iyon.

“Malakas ka na, Rey. Mas malakas at matapang ka pa kaysa sa akin,” maamong wika ni Tatang Celso habang hinahaplos ang kaniyang likod.

Siya ang pinakabata sa lahat ng mga pumasok at nag-training sa lumang boxing gym na naging saksi sa maraming taong pagsasanay ni Tatang Celso para mamayagpag bilang kampeon sa bansa at makalaban ang ilang sikat na dayuhang boksingero. Mas nauna pa niyang natutuhan na sumuntok kaysa sa isulat ang sariling pangalan sa papel.

Humanga si Tatang Celso sa ipinakita niyang katapangan at determinas­yon na maging boksingero. Kahit pa sa murang edad ay malakas na ang kaniyang mga suntok at kaya niyang tumakbo ng ilang oras na hindi napapagod. Banat na banat ang kaniyang murang katawan noon sa pagpapalip­as ng maraming oras sa pagtakbo ng malalayong distansiya, pageensayo sa gym at pakikipag-sparring sa ilan ding mga kabataan na nangangara­p maging boksingero. Iisa ang layunin niya at ng kaniyang mga kasabayan na pumasok sa boxing gym, ang maging world champion , kahit pa iba-iba ang dahilan nila sa pagsabak sa laban. May mga gustong mag-boxing para kumita ng salapi at makaahon sa kahirapan. Ang iba naman ay gustong maging bantog, umukit ng kasaysayan at makapag-uwi ng karangalan para sa bansa balang-araw. Subalit para sa kaniya ay ibig niya lamang masundan ang yapak ni Tatang Celso at sa paglalakba­y na ito ay gusto niyang mabatid ang tunay na kahulugan ng pagiging malakas. Nais niyang maging malakas at maipakita ito sa buong mundo bilang isang world champion.

Sa kaniyang pagbibinat­a ay nakatunton­g siya sa kaniyang unang laban bilang isang propesyuna­l na boksingero. Hindi kailanman maglalaho sa kaniyang gunita ang naramdaman

Napagnilay-nilayan ni Rey na hindi niya matatagpua­n kailanman sa kaniyang mga kamao ang tunay na kahulugan ng pagiging malakas...

niyang pananabik nang unang masilayan ang mga nakasisila­w na dagitab ng mga ilaw na nakapalibo­t sa boxing ring, ang dumadagund­ong na hiyawan ng mga manonood at ang nakakapani­ndig-balahibong presensiya ng kaniyang pinakaunan­g katunggali. Naging mainit ang laban sa kaniyang unang sabak. Sa isang makapigil-hiningang palitan ng mga malalakas na suntok ay unang nakilala ang kaniyang bangis sa ring. Sa ikatlong round ay napatumba niya agad ang kaniyang kalaban sa pagbitaw nang malakas na kaliwang uppercut na sinundan ng pantapos na right straight, kombinasyo­n ng mga suntok na nagpakilal­a sa kaniya sa mundo ng boksing at nag-akyat sa kanya sa pedestal ng tagumpay.

Simula noon ay hindi na nadungisan ang kaniyang nakamamang­hang record sa sunud-sunod na pagkapanal­o sa mga lokal na laban, sa unti-unting pagyabong ng kaniyang karera sa bansa, sa paglasap sa mga papuri at paghanga ng mga taong umaasa na siya ang isa sa mga magiging mabagsik na pambato ng Pilipinas para maging susunod na world champion sa boksing.

“Hindi ko kayo maintindih­an, Rey. Ano bang meron sa boksing? Bakit ibinubuwis ninyo ni Itay ang buhay ninyo diyan?” maluha-luhang tanong sa kaniya ng asawang si Nelia isang gabi nang mabalitaan nila na malubha ang mga natamong pinsala sa katawan ni Tatang Celso buhat nang mapabagsak ng kalabang Amerikano sa isang laban para sa world middleweig­ht title.

Wala siyang naitugon. Tumahimik lamang siya habang ibinabalit­a sa telebisyon ang pagkabigo ni Tatang Celso na masungkit ang titulo na dinedepens­ahan ng Amerikanon­g kalaban.

Hindi na nakapag-asawa si Tatang Celso noon kaya inampon nito si Nelia simula nang maulila ang huli sa murang edad dahil sa isang malaking sunog sa kanilang lugar. Kasa-kasama ni Nelia si Rey simula pa noong kabataan nila. Nasaksihan ni Nelia ang bawat araw at gabi na nagbubuhos ng dugo at pawis sa pag-eensayo sa boksing sina Rey at ang ama-amahan nito. Kahit pa tutol sa pinili nilang propesyon ay walang magawa si Nelia kundi ipagdasal ang kaligtasan ni Rey at Tatang Celso.

“Hindi na raw makakapagb­oksing uli si Tatay, Rey. Muntik na raw siyang mamatay sa laban niya. Kung hindi raw agad naagapan ng doktor, e baka naging imbalido na siya habambuhay,” nangingini­g na wika ni Nelia habang lumuluha.

Wala uling naitugon si Rey. Patuloy pa rin siyang nanahimik sa isang tabi habang malalim ang kaniyang iniisip.

Nilapitan siya ni Nelia, yumakap nang mahigpit sa kaniyang likuran at sa malungkot na tinig ay nagmamakaa­wa nitong sinabi. “Pakiusap, Rey. Tumigil ka na sa pagboboksi­ng. Humanap ka na lang ng ibang mas ligtas na trabaho. Ayokong dumating ang araw na mapahamak ka gaya ni Itay.”

Nauunawaan ni Rey ang labis na pag-aalala ng kaniyang asawa. Ipinagbubu­ntis ni Nelia ang panganay nilang anak. Makakasama sa sanggol at sa kaniyang asawa ang labis na takot at pangamba. Subalit hindi niya kayang lisanin ang mundo ng boksing. Naging malaking bahagi na ito ng kaniyang buhay kahit pa puno ito ng panganib. Minahal na niya ang boksing.

“Nelia, may laban ako anim na buwan mula ngayon. ‘Kano rin ang kalaban ko. ‘Pag ako’ng nanalo, ako na ang bagong featherwei­ght champion,” sabi ni Rey.

“Hanggang ngayon ba, ‘yan pa rin ang nasa isip mo? Ang maging world champion? Marami ka nang naipanalon­g laban dito. Marami ka nang napahanga. Wala ka nang dapat patunayan pa,” sabad ng kaniyang asawa.

“Nelia, alam kong magaling ang makakalaba­n ko pero ayokong biguin ang lahat ng mga taong umaasa sa akin. Gusto kong ipagpatulo­y ang pangarap ni Tatang na maging world champion,” paliwanag niya.

“Tandaan mo na wala akong pakialam kung manalo o matalo ka. Basta hihintayin ko na makabalik ka nang ligtas para sa magiging anak natin,” pagtatapos ni Nelia at mahigpit na yumakap sa kaniya, at hinawakan ang malaki at magaspang niyang mga kamao.

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Rey at hinalikan ang mga kamay ni Nelia. “Pangako ko. Makakababa­lik ako nang ligtas,” wika niya.

Parang pakiramdam niya ay naging mahaba ang kaniyang pagkakahim­bing simula nang madugong laban na iyon. Iminulat niya ang kaniyang kaliwang mata. Napansin niya na may mga benda ang kanan niyang mata, ilong, pisngi, mga kamao at ibabaw na bahagi ng katawan. Nararamdam­an niya rin ang pananakit at pamamaga ng buong katawan.

“Gising ka na pala, Rey. Mag-almusal ka muna,” pambungad ni Tatang Celso na nagsilbi niyang coach sa kaniyang laban. Inilapag ni Tatang Celso ang maliit na hapag na may nakahiwang mansanas, mainit na sabaw at nilagang itlog sa harap ni Rey. Sumandal si Rey mula sa kinahihiga­ang kama at pinagmasda­n ang liwanag ng araw na sumisilip sa bintana ng ospital.

“Mga isang buwan pa bago tayo makakauwi sa ‘Pinas. Kailangan mo munang magpagalin­g at magpalakas sabi ng doktor,” ani Tatang Celso.

Tinitigan ni Rey ang amain. “’Tang, hindi po ba kayo nagsisisi na nagretiro kayo sa boksing na hindi nag-world champion?”

Umupo si Tatang Celso sa tabi ni Rey. “Masaya ako sa naging desisyon ko. Kuwarenta y singko na ako. Isang malaking himala na naging maayos pa ang kondisyon ko matapos ang aking huling laban. Sa palagay ko sapat na ang mga karanasan ko sa boksing,” nakangitin­g tugon ni Tatang Celso.

“Binigo ko kayo, ‘Tang at ang lahat ng mga taong sumuporta sa akin. Parang wala akong mukha na maihaharap sa kanila pagkatapos nito,” malungkot na sabi ni Rey.

“Huwag mo nang isipin ‘yan, anak. Hindi mo na kailangang maging world champion. Maganda ang ipinakita mong laban. Marami ka nang napatunaya­n,” pampalubag-loob ng amain.

Naging payapa at maaliwalas ang mukha ni Rey habang kinakain ang nakahiwang mansanas.

“May ipapakita pala ako sa iyo, Rey,” masayang pabatid ni Tatang Celso. Mula sa kanilang bagahe ay kinuha niya ang isang ipad, pinagana ito at iniabot kay Rey.

Bumungad kay Rey ang larawan ng isang bagong silang na sanggol katabi ni Nelia. Nangilid at tumulo ang luha mula sa mga mata ni Rey. Sumilay ang matingkad na kaligayaha­n sa kaniyang mukha.

“Kapapangan­ak lang ni Nelia sa ospital ngayon. Agad nilang inilagay sa Facebook ang mga larawan niya at ng anak ninyo,” ani Tatang Celso.

Matagal na pinagmasda­n ni Rey ang inosente at mala-anghel na mukha ng kaniyang anak. Mamula-mula pa ang balat ng sanggol pero bakas na ang ngiti sa mga maliliit nitong labi at mata na parang nangungusa­p sa unang pagkamulat sa mundo. Hindi maipaliwan­ag ni Rey ang umaapaw na kaligayaha­n sa kaniyang dibdib. Tila ba biglang naglaho ang bigat na kaniyang nadarama at pananakit ng kaniyang katawan habang nakatingin sa larawan ng anak. Sa tingin niya ay ito na ang pinakamala­king karangalan na natanggap niya sa kaniyang buhay. Hindi matutumbas­an ng anumang titulo sa boksing ang nadarama niya ngayong kaligayaha­n.

Sa pagitan ng pagninilay sa himala ng pagsibol ng isang buhay at sa pait ng pagkakalug­mok sa labang sinuong, naisip niyang hindi niya matatagpua­n kailanman sa kaniyang mga kamao ang tunay na kahulugan ng pagiging malakas. Natagpuan niya ito kay Tatang Celso, kay Nelia, sa kaniyang anak, sa mga taong naging mahalagang bahagi na ng kaniyang buhay.

“Magreretir­o na ako sa boksing, ‘Tang,” wika niya nang may kapayapaan sa kaniyang puso.

Nasasabik siya na makauwi na ng Pilipinas. Nais na niyang mayakap at makapiling ang kaniyang mag-ina. Sa pagtatapos ng kaniyang laban bilang mandirigma sa boxing ring ay magsisimul­a naman ang kaniyang laban bilang asawa at ama.

 ??  ?? Hindi nagtagal ay bumigay ang kaniyang depensa. Isang malakas na suntok-kalawit ang tumama pabagtas sa kaniyang panga na dagling sinundan ng matinding buntal pasakyod sa kaniyang baba.
Binugahan ng tinta ang mukha ni Esang.
“Mukha ka palang isdang halimaw!” tawanan.
Hindi nagtagal ay bumigay ang kaniyang depensa. Isang malakas na suntok-kalawit ang tumama pabagtas sa kaniyang panga na dagling sinundan ng matinding buntal pasakyod sa kaniyang baba. Binugahan ng tinta ang mukha ni Esang. “Mukha ka palang isdang halimaw!” tawanan.
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines