Liwayway

Pag-Usapan Natin!

- Kuya Sam

DEAR KUYA SAM: Ako nga pala si Cris, 27, binata, drayber ng isang delivery van, taal na taga-Cebu ngunit narito ngayon sa Sampaloc, Maynila dahil sa trabaho. Sa isang kainan sa Pampanga kung saan doon kami dumadaan kapag may delivery up north, nakilala ko si Maricar. Masaya siyang kausap at palangiti. Alam ko kaagad noong nakita ko siya, malamang na babalikan ko ang Pampanga kahit ilipat pa ako ng assignment ng kompanya namin.

Tinatawana­n lang ako ng kasamahang salesman/agent kapag kinukuwent­o ko sa kanya ang namumuong pagtingin ko kay Maricar. Ngunit hindi ako nagbibiro, Kuya Sam. Napamahal ako sa kanya kahit pa madalang ko siyang nakikita sa personal. Friends naman kami sa facebook kaya parang madalas ko siyang nakikita although virtual lang.

Isang araw, hindi ko na ma-access ang kanyang wall. Wala na rin akong nakikitang status update niya. Hindi ko na rin siya makontak at wala akong ibang paraan para makausap siya. Hindi ko rin makontak kanyang cellphone number na ibinigay niya sa akin.

Tuwang-tuwa ako noong mayroon na naman kaming delivery sa norte. Gusto kong paliparin ang van sa expressway para makarating kaagad ng Pampanga. Walang ibang nasa isip ko kundi si Maricar. Buong-buo na ang loob ko na ligawan siya.

At ng dumating kami, para akong pinagsaklu­ban ng langit at lupa. Tinanong ko kaagad ang kanyang mga kasamahan. Ang sabi, nakipagtan­an daw si Maricar sa isa pang kasamahan nila sa karinderya.

Hindi ko talaga napigilan, Kuya Sam. Tumulo ang luha ko. Si Maricar na sana ang babaeng hinahanap ko na gusto kong makasama habambuhay. Oo, hindi man naging kami, ngunit naramdaman ko pa rin ang kabiguan.

Kuya Sam, paano ba ako maka-move on? – CRIS

DEAR CRIS: Totoo iyon, Cris, na hindi kailangan maging officially on kayo para sabihing hindi masakit ang pangyayari. Actually, mas masakit ito dahil hindi ka nakapagtap­at. Sa ibang pagkasabi, hindi ka man lang nabigyan ng pagkakatao­n na patunayan sa sarili at sa minamahal mo kung paano i-express ang iyong damdamin. Kumbaga, hindi pa man umusbong ang binhi, namatay na kaagad. At iyan ang masakit.

Ngunit tingnan na lang natin ito sa ibang paraan. Siguro, puwedeng isipin natin na okey na iyong hindi naging kayo kung ganoon din lang ang mangyayari. Parang may konsuwelo pa rin, kumbaga. At least hindi na lang naging kayo. At least, wala nabuong samahan maliban sa ngiti at pasulyap-sulyap na tingin. Almost but not quite, gano’n na lang.

Isipin mo na lang, Cris, ang mga magagandan­g alaala na nagkausap kayo ni Maricar. Dito ka mapapangit­i. Dito ka maging masaya. At hanggang dito ka lang sa alaalang ito. Kasi kung iisipin mo pa ang bigla niyang pagkawala, lalo mo lang sinasaktan ang iyong sarili.

Ang pagkawala ni Maricar ay wala sa kontrol mo. Hindi ko rin masisisi si Maricar dahil wala naman talaga kayong relasyon. Oo, masakit talaga iyon para sa iyo. Ngunit para saan pa ang ilalaan mong lungkot? Dahil kahit siguro hindi pa nakipagtan­an si Maricar sa ibang lalaki, wala ka rin namang kasiguruha­n na tapatan niya ang iaalay mong pag-ibig.

Sana tanggapin mo na lang ang hubad na katotohana­n na wala na talaga si Maricar. Hindi siya ang nakatadhan­a para sa iyo. May ibang lalaki na bumihag sa kanyang puso. Hindi ito sour raping. Ito’y isang paraan para makapag-cope up ka sa kabiguan na iyon.

Iwasan mo munang dumaan doon sa kainan na dating pinagtraba­huhan ni Maricar. Humanap kayo ang ibang stopover kung napagawi ng norte. Sa ganitong paraan, mapabilis mo ang paggaling ng sugatan mong puso. – KUYA SAM (MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagita­n ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporatio­n, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines