100 Taon Ni Francisco V. Coching
MASALIMUOT ang naging kasaysayan ng komiks sa Pilipinas. Ipinanganak ito noong 1929 nang magsimulang lumabas sa mga pahina ng Liwayway ang ‘Kenkoy’ na gawa ni Antonio Velasquez na tinaguriang ‘ama ng komiks’. Lumago ito noong dekada ‘50 at ‘60, nagkaroon ng supresyon noong dekada ’70 sa panahong Batas Militar, ngunit naabot nito ang pinakarurok ng tagumpay nang mga huling taon ng ‘70 hanggang ‘80.
Unti-unti itong lumamlam noong mga huling taon ng dekada ’90 at pagsisimula naman ng pag-angat ng ‘independent scene’ ng komiks. Sa kasalukuyan, patuloy ang ebolusyon nito dahil na rin sa pagsulpot ng teknolohiya at patuloy na pag-iral ng globalisasyon.
Ang komiks ay wala na sa bangketa at bilihan ng mga dyaryo, matatagpuan na ito sa mga malalaking bookstore at 24hour stores. Mababasa na rin ito sa internet at cellphone. At hindi na lang kapwa Pilipino ang nakakakita nito kundi saanmang panig ng mundo.
Sa patuloy na pagbabagong ito ng mundo, marami sa mga gumagawa ng komiks ay nakaligtaan na ng bagong panahon.
Ngunit nitong mga nakalipas na ilang dekada, muling nahuhukay ang mga taong naging dahilan kung bakit ang midyum ng komiks ay dapat na bisitahin at muling pagaralan—isyu man ng kasaysayan o sosyolohikal nitong ambag sa lipunan.
Isa sa nagkaroon ng malaking pangalan si Francisco V. Coching, ang tinaguriang ‘Dekano ng Dibuhong Pilipino’. Siya ang gumawa ng mga akdang ‘Pedro Penduko’, ‘LapuLapu’. ‘Marabini’, ‘El Indio’, at napakarami pang iba. Ayon sa mga tala, si Coching ay nagkaroon ng 58 na likhang komiks at ang 53 dito ay naisapelikula. Ang natitirang mga akda na hindi naging pelikula ay sinasabing dahil hindi kaya ng ‘film technology’ nang mga panahong iyon ang pagsasalin.
Sino nga ba si Francisco V. Coching? Siya ay ipinanganak noong Enero 28, 1919 sa bayan ng Pasig, probinsiya pa dati ng Rizal. Anak ng nobelista at dibuhistang si Gregorio Coching. Maagang namulat sa mundo ng publikasyon ang batang si Koko (kanyang palayaw) dahil sa kanyang ama na gumagawa na noon sa mga bernakular na babasahin. Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral dahil maaga siyang nakapag-training sa magasing Liwayway bilang dibuhista sa
ilalim ni Antonio Velasquez. Sa murang edad ay kinakitaan ng potensiyal na magiging isang mahusay na manunulat at dibuhista sa komiks balang araw. Bukod sa mga dyaryo at magasin na dala ng mga Amerikano, na naging malaking impluwensiya sa halos lahat ng mga naunang dibuhistang Pilipino na nagtatrabaho sa mga publikasyon, ay malaking inspirasyon kay Koko ang ‘Kulafu’ na isinulat ni Pedrito Reyes at dinibuho ni Francisco Reyes.
Sa edad na 15, sinimulan niyang gawin ang ‘Bing Bigotilyo’ na lumabas sa mga pahina ng magasing Silahis noong 1934. Sinundan ng ‘Marabini’ noong 1935 na impluwensiya ng ‘Kulafu’. Huminto siya sa paggawa ng komiks nang dumating ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig kaya naging gerilya siya sa Kamagong Unit ng Hunters ROTC. Matapos ang digmaan ay umangat nang husto ang pangalan ni Coching sa lahat ng gumagawa ng komiks dahil sa kanyang dedikasyon sa trabaho. Naging instant hit ang kanyang ‘Hagibis’ sa mga pahina ng Liwayway. Nangunang inspirasyon ng halos lahat ng mga sumunod na dibuhista sa bansa kaya nabuo ang katawagang ‘dekano’ (dean). Itinaas niya ang lebel ng dibuhong komiks sa bansa at naging pamantayan ng mga mahuhusay na dibuhista tulad nina Nestor Redondo, Alfredo Alcala, Tony de Zuniga, Alex Niño, at napakarami pa. Walang mag-aaral sa komiks noon na hindi dadaanan ang trabaho ni Coching. Siya ang naging moog ng lahat ng mga dibuhistang gustong makapasok sa industriya.
Noong 1972, pumunta sa Pilipinas ang mga executives ng American comics company na National Publication (ngayon ay DC Comics) upang hikayatin ang mga Pilipino na gumawa sa Estados Unidos. Halos lahat ay nakuha ng mga editor upang magtrabaho roon kaya nagkaroon ng tinatawag na ‘Filipino Invasion of US Comics’ sa kasaysayan ng kanilang industriya. Kasama si Koko sa meeting na iyon ng mga executives at mga dibuhista ngunit tumanggi siyang sumama sa pagtatrabaho sa Amerika. Sinabi niyang mas gusto niyang magtrabaho sa sarili niyang bansa at ialay ang kanyang likha sa mga Pilipino.
Naging superstar sa American comics sina Nestor Redondo, Alfredo Alcala at Alex Niño dahil sa angking galing na ipinakita. Ngunit isipin na lamang ninyo kung pumayag na magtrabaho si Koko sa Amerika, malamang ay mas marami siyang paiiyakin dahil siya lang naman ang hinahangaan ng mga naging supertars na ito.
Nagretiro si Koko sa halos 39 taon na pagtatrabaho sa komiks. Ang kanyang kahuli-hulihang trabaho ay ang ‘El Negro’ na lumabas noong 1974. Pumanaw noong Setyembre 1, 1998 sa edad na 86. Makalipas ang maraming dekada, marami nang pinagdaanan ang komiks, mula sa paglakas, paghina, at pagkakaroon nito ng ebolusyon, muling nahukay ang angking galing ni Koko dahil na rin sa pagsusumikap ng ilang mga tagakomiks at akademya na kilalanin ang kanyang mga trabaho.
Inilabas ng art critic at iskolar na si Patrick Flores ang aklat na ‘Komiks Katha at Guhit ni Francisco Coching’ noong 2001. Sinundan ito ng ‘The Life and Art of Francisco Coching’ ng publikasyong Vibal noong 2010.
Nakuha ni Coching ang pinakamataas na parangal sa sining noong Hunyo 20, 2014 nang itanghal siyang ‘Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal’ sa proklamasyon bilang 808, serye ng 2014. Siya ang kauna-unahang anak ng komiks na nakatanggap ng ganito kaprestihiyosong parangal (nakatanggap din ang isang tagakomiks na si Larry Alcala nito lamang 2018).
Ngayong 2019, bilang paghahanda sa ika-100 taon ni Francisco Coching, nagkaroon ng malaking eksibisyon ng kanyang mga trabaho sa Ayala Museum sa Makati. Ipinakita rito ang kanyang buhay at pakikipagsapalaran sa mundo ng komiks. Ipinakita ang mga parangal at mga nobelang naging bahagi na ng kamalayang Pilipino. Kasabay nito ay nagkaroon ng mga serye ng public lecture at talks tungkol sa mundo ng komiks at nang mismong mga trabaho ni Koko.
Sa huling linggo ng exhibit ay nagkaroon ng buong araw na komiks event kung saan nagsama-sama ang mga datihan at baguhang gumagawa ng komiks upang mai-showcase ang komiks ng Pilipino at ni Coching.
Matapos ang ilang araw ay itinanghal naman ang kanyang mga trabaho tungkol sa mga kababaihan, bilang tugon sa Buwan ng Kababaihan sa Pebrero, sa Cultural Center of the Philippines na pinamagatang ‘Mara-Bini’, ito ay mula sa kanyang nobela na may ganoon ding pamagat na ang ibig sabihin ay ‘marahas na binibini’.
Magkakaroon din ng isa pang eksibisyon sa SM Aura Mall sa Taguig at susundan pa ito ng magkakasunod na tour exhibit sa bansa.
Ang lahat ng ito ay pagbibigay-pugay sa napakalaking ambag ni Francisco Coching sa mundo ng komiks. Kung saan ang midyum na ito ay tinagurian noong ‘pambalot ng tinapa’ at ‘cheap entertainment’, ngayon ay isa na sa patuloy na hinuhukay ng mga nag-aaral ng sining at kasaysayan. Matagal nang wala sa mundo si Koko, at kung makikita lamang niya sa kasalukuyang panahon ang pagbibigay-halaga sa kanyang mga pinagsikapan, masasabi niya sa sarili, ‘Job well done.’