Ang Nais Isawika Ng Mga Punla
Si Kevin A. Amante ay nagtapos ng Bachelor of Secondary Education (English) sa Laguna State Polytechnic University-San Pablo City Campus. Naging bahagi siya ng Technology Advocate, ang opisyal na pahayagan ng kanilang unibersidad. Nailathala na ang ilan niyang katha sa Inquirer, Alpas Journal at Liwayway Magazine (Kuwentong Pambata). Kasalukuyan siyang nagtatapos ng Master of Arts in Communication Arts sa Unibersidad ng Pilipinas–Los Baños. Ito ang kauna-unahan niyang kuwentong matutunghayan sa pitak na ito. – (PCM)
NOONG simula ay ang mga salita.
Pinag-usapan ng mga kritiko ang bigat ng wika, kung paanong nadarama ang galit, banta at panganib. Ngunit di lang ang bigat kundi pati ang daloy, kung paanong rumagasa—maingay at magulo—at saka huminahon—tahimik at malalim—na parang isang ilog.
“Walang duda,” pagluklok ng isang manunulat ng literatura nang tanungin pagkatapos ng patimpalak. “Isang kamanghamanghang representasyon ng kababaihan.”
“Higit sa representasyon,” dagdag ng isang tanyag na propesor sa wika, “may ipinaglalaban. May tamang baon ang mga pangil upang mag-iwan ng marka. Ngunit may pamilyar ding paglalambing upang unawain ang dahilan ng pagsakmal.”
Kung may pagpuna man, iyon lamang galing sa isang kritiko na kilala sa pagiging utak-kolonyal.
“It’s counter-intuitive, don’t you think?” nakangisi’t nakataas ang kilay niyang pagkukomento. “I mean, the short story per se is about unleashing from bondage, the purpose of which is freedom. Pero why hide one’s real identity? I find it absurd—hilarious even.”
Pero hindi binatikos ang Ingleserong manunulat sa sinabi nito; ni hindi binigyang-pansin ang posibilidad na isa itong anyo ng pagyurak sa kababaihan ng isang nakaismid na brusko. Kasalo ng lalaki ang iba, di sa kakatuwang aspekto kundi sa pagkiliti sa isip: Sino nga kaya ang may-likha?
Simula nang manalo ng unang gantimpala ang maikling kuwentong Ang Nais Isawika ng mga Punla sa Haraya Likha, ang pambansang patimpalak sa literatura, naging isang misteryo ang pagkakakilanlan ng manunulat nito.
Ang mayroon lang, ang sagisag-panulat na TAYO. Pati nga ito ay naging isang palaisipan din dahil sa posibilidad ng mga kahulugan. Ang una ay ang panghalip—diin sa unang pantig /TA-yo/—na nangangahulugan ng pagbigkis ng mga taong may iisang ninanais. Ang pangalawa naman ay ang pandiwa— diin sa ikalawang pantig /ta-YO/—na nangangahulugan ng pagtikas mula sa pagluhod at pagsamba sa pasistang lipunan.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Hiraya Likha, wala raw return address na kalakip sa isinumiteng manuskrito. Noong una raw ay agad na inisip ng mga tagapamahala na hindi isali sa kompetisyon ang kuwento. Sinong tatawagin kung ito ay manalo? Sino ang tatanggap ng medalya at premyo? Pero matapos silipin ang sinopsis ng likha, matapos basahin ang mga unang salita at matapos subaybayan ang halayhay ng patutunguhan ng kuwento, minarapat na isulong ito sa kompetisyon.
“Iba’t ibang hulma na ang naging anyo ng pagbaklas ng kababaihan,” salaysay ng feministang manunulat sa isang komperensiya ilang linggo matapos ang patimpalak. “May depiksiyon sa entablado at kalsada. May nililok at ipininta. May itinula at ikinuwento. Dahil may iisang gustong sabihin, makailang ulit nang napag-usapan. Maaari nga ring sabihing nagiging palasak na ito.” Ngumiti ito at saka nagpatuloy, “Kaya ikinagagalak ng puso ko ang pagluwal sa mundo ng Ang Nais Isawika ng mga Punla. Kakaibang atake. Gustong unawain siya’t kaya inuunawa talaga. Higit sa lahat, di lang may pagpupugay sa kababaihan; mayroon ding pagyakap ng mga kalalakihan.”
Nang tanungin kung ito ang manunulat, mahirap mabasa ang kahulugan ng pagkunot ng noo’t paglabas ng mga ngipin. Ang simpleng pag-unawa: maaaring natatawa lang talaga ito sa tanong. Sa isang banda, maaari ring may nakalabit na kuwerdas sa puso ng manunulat: Bakit di ko nga ba naisip na isulat ito? Ang huling interpretasyon: maaaring ang katahimikan ay ang pagamin ng katotohanan.
Noong simula ay ang mga salita. Nang maglaon, umusad sa mukha ng may-likha.
# Kumatok sa isip niya ang musa isang madaling-araw habang naglilinis ng sahig, kukurap-kurap na nilalampaso ang bumulwak na suka mula sa gabing paglaklak ng bote-boteng serbesa.
Malagkit ang namuong mumo at maasim na likido. Mahirap kuskusin, lalo’t kulang sa babad ang panlampaso. Yuko, kuskos, kuskos, hinto. Yuko, kuskos, kuskos, hinto. Talagang malagkit.
At lalong mahirap dahil may nangungulit na musa. Naglalambing na pumasok na siya sa kuwarto, hayaan nang matuyo pang higit sa puting sahig ang marka ng gabing pag-aaliw. Kailangan nang tumipa ng mga daliri. Kailangan nang maisasalita ang kuwento, ang mundong umiinog at nagpupumiglas sa kaniyang isipan bago pa ito magtampo’t maglaho.
# Tunay na kakaiba ang kuwento. Nakasanayan na iilan lang ang bumabasa ng mga kuwento’t tulang nabibilang sa Haraya Likha. Madalas, mga alagad ng sining, manunulat at akademiko lamang. Kung may mga estudyante, sila ay ang mga mag-aaral ng malikhaingpagsulat, nagpapakadalubhasa sa pangarap na sa hinaharap ay mapabilang din ang pangalan sa kapita-pitagang listahan; ang iba naman, mga napilitang magbasa dahil sa banta ng mababang marka sa eskuwela. Pero iba ang Ang Nais Isawika ng mga Punla. Nagsimula ang mabilis na pagkalat ng kuwento nang itampok ito ng isang popular na lingguhang palabas sa telebisyon. Matapos makatanggap nang mataas na ratings sa pagtampok ng one-day millionare ng lotto noong nakalipas na linggo, minarapat ng palabas na ilatag din sa anggulo ng pera ang kanilang pagsasalaysay.
Ipinakilala naman muna ang limampung-taong organisasyon na Haraya Likha; itinaas ding higit ito sa pedestal sa pagiisa-isa ng mga kilalang pangalan ng manunulat na nanalo rito. Ginawan din nila ng kunwaring pag-iimbestiga ng mga posibleng manunula nito. Pero nilaro at tinapos nila ang pagkukuwento sa kiliti ng madla.
“Di man matukoy ang tunay na manunulat ng premyadong kuwentong ito,” ani ng host ng programa, “Isa lamang ang malinaw: Sayang na sayang ang libo-libong pera.” Saka narinig ang pagbirit ng Aegis sa kantang Sayang na Sayang, animo’y nangungutya.
“Girl, napanood mo ba ‘yung palabas kahapon?” pagbati ng isang manikurista Lunes ng umaga.
“Kung ako ‘yun, ilalagay ko ang pangalan ko,” paninigurado ng isang barbero sa kanto. “Sayang ang pera!”
“Kundangan ding ka-tanga, ano?” bulalas ng tanod bago higupin ang mainit na kape. “Pinaghirapan, e tapos pababayaan lang? Matalinong-bobo.”
Paglaon, nalihis din mula sa usapan ng manikurista, barbero at tanod ang interes ng mga tao. Nang maengganyo ang ilang kabataan, sinipag na i-download sa cellphone ang kumalat na elektronikong kopya ng kuwento. Namahinga sila sa karaniwang binabasang e-book tungkol sa romantikong gangster o sawing pag-ibig.
Nang mabasa ang kuwento, may ilan na nagningas ang pusong aklas-kababaihan at agad na ibinahagi ang nag-aalab na nararamdaman sa social media. Galit. Matapang. Mapagpalaya. May ilan naman, sinipi ang ilang bahagi ng kuwento; kung dahil ito sa ganda ng linya o pagsabay lang sa uso, walang tunay na makapagsabi. Ang malinaw lang, nabura ng kuwento ang elitistang marka ng mga kathang kinabibilangan nito. Sa pagkakataong ito, masa na ang bumabasa. Tunay na kakaiba ang kuwento.
# Tak, tak, tak. Nangingiti siyang inaalala ang unang babaeng nagturo sa kaniyang magbasa: ang kaniyang ina. Habang nagluluto ng hapunan, matiyaga siyang inaalalayan ng ina sa pagbabasa ng abakada. Hayaan nang masunog ang pinipritong tilapya. Hayaan nang madatnan ng kaniyang ama na susuraysuray mula raw sa trabaho. Hayaan nang mabulyawan at masampal. Basta’t matuto siyang magbasa. Noong hapon na iyon at sumunod pang mga hapon, di lang pag-unawa ng mga
Sa isip niya, uminog lang ang kuwentong isinulat sa tatlong babae. Pero sa mga mambabasa, umiinog ito sa kanilang karanasan. Naging sa kanila, tungkol sa kanila, ang kuwento ng ina, kababata at kaibigan niya...
salita ang kaniyang natutuhan kundi ang katapangan ng isang ina para sa pagkatuto ng minamahal na anak. At iyon nga ang una niyang isinulat.
Tak, tak, tak. Nangingisi siyang binabalikan ang alaala nang pagtakbo matapos pumitas ng mangga sa punong nakatayo sa lupaing di kanila. Mabilis ang pag-akyat ng kababatang si Maria. Magaling siya sa pagpili ng manggang pipitasin. “Masyado pang hilaw, eto naman masyado nang hinog,” naririnig niyang bulong nito. Nakatingala siyang namamangha kung paanong ang isang mumunting babae ay may lakas di lang ng pangangatawang umakyat sa puno na parang matsing kundi higit lakas ng loob para kalmadong kumuha ng mga bagay na di kanila. Noong araw na iyon, di lang tiyan niya ang nabusog sa pinitas na mangga ni Maria kundi pati rin ang isipan niya kung paanong humanap ng paraan ang isang musmos na babae para mapunan ang mga tiyang walang laman. At iyon nga ang ikalawa niyang isinulat.
Tak, tak, tak. Natatawa siyang inaalala ang panahong naglalakad sa tabing-dagat, pinanonood ang paglubog ng araw. Kung paanong kumaripas ng takbo ang dalagang si Nena patungo sa alon kahit pa wala sa kanilang dalawa ang marunong lumangoy. Hayaan nang mabasa ang mga damit. Hayaan nang lamigin. Hayaan nang katukin ang dibdib kapag napapunta na sa malalim. Ang mahalaga ay ang makapaglangoy—malapitang maamoy ang lansa’t alat ng hangin, haplusin nang malamig na kiliti ng tubig at iugoy ng alon sa duyang-dagat. Noong hapong iyon, di lang paglangoy ang kaniyang natutuhan kundi kung paano kaligtan ang takot sa pagkalunod para tunay na maranasan ang halaga ng buhay. At iyon nga ang huli niyang isinulat.
# “Walang tatahimik!” sigaw ng lider ng grupo ng kababaihang nagdadabog sa kalsada. Isang megaphone ang higit na nagpapalakas ng talsik-laway niyang pagsigaw. Ang bawat sabihin niya, inuulit ng madlang kasama, may pulang damit na suot at tali na nakapulupot sa ulo. Laksa-laksang kababaihan sa ilalim ng isang mapagparusang araw. “Panahon na upang umimik!” sabay taas ng kamao. “Panahon na upang umimik!” pag-uulit ng mga kasama niya. Nang sunod-sunod na narinig ang galit na peep-peep! ng pilapilang jeep, mas nilakasan nila ang sigaw. Naglakad sila nang ayon sa kanilang nais na bilis. Bakit magmamadali? Tulad ng mabagal na pag-usad ng kanilang karapatan, sisimsimin nila ang bawat oras ng kanilang pagsigaw. Sa isip ng lider, ano ba naman ang ilang oras na heavy traffic sa taon-taong pang-aapi na kanilang naranasan? “Ang ingay n’yo!” sigaw ng isang inis na inis na drayber. “Gusto lang naming magtrabaho!” dagdag ng isang pasaherong tinanghali na sa daan.
“Wala ba kayong mga asawa?” pangungutya ng isang mama na may malaking tiyan, sinisiyasat ang pawisang binti, braso at leeg ng mga kababaihang nagmamartsa sa kalsada.
Pero tuloy lang ang lider sa pangunguna sa pag-aaklas. Kailangang ipaintindi sa mga di nakaiintindi. Kailangang sumigaw nang marinig. Kailangang magparamdam nang mapansin. Ito ang kaniyang ipinaglalaban. Ito ang kaniyang natutuhan isang gabi matapos mabasa ang kuwentong nagmulat ng kaniyang mga mata; ang kuwentong nagbigay-lakas sa kaniya upang iwan ang asawang ilan taon nang nangangaliwa; ang kuwentong nagtulak sa kaniya upang iwan ang opisinang kinakahon siya—ang kuwentong Ang Nais Isawika ng mga Punla, ang kuwento niya, ang kuwento nila.
Kaya’t taas-noo siyang patuloy na nagmartsa. Higit na lakas ang pagsuntok ng kamao sa langit. Higit na nilakasan ang megaphone, ang patid-litid na pagsigaw. Hayaan na ang mga nag-iingayang dyip. Hayaan na ang nagrereklamong trabahador. Hayaan na ang pangungutya ng mga nagnanasa. Sampu ng kaniyang mga kasama at laksa-laksang kababaihang nangangailang lumaya, iindahin nila ang lahat ng mga ito.
Sa ilalim ng tirik na tirik na araw at suot ang basang-basang mga damit, nagpatuloy siya at magpapatuloy pa hanggang maisawika nila ang nais ng mga punla. “Panahon na upang umimik!” sigaw niya. “Panahon na upang umimik!” dagundungan ng mga kasama.
# Di niya inakalang mananalo ang kaniyang isinulat. Gusto niyang ipabasa ito, totoo. At totoo rin na sa loob-loob niya, may maliit na tinig na sumisigaw na sana’y mapansin. Pero di ang tunay na manalo—di sa unang pagkakataon ng paglahok at higit di ang unang parangal!
Nalaman niya ang pagkapanalo ng kaniyang likha isang linggo matapos ang patimpalak. Isang palabas sa telebisyon ang nagpaalala sa kaniya tungkol dito. Sa katunayan, nakalimutan— kinalumutan—na nga niya na isinali ang katha. Paano naman, nahuhulasan pa lamang siya nang isinulat ito. At may dalawang araw na lamang na natitira sa pagwawasto bago ang deadline ng kompetisyon. Kakatwang isipin, ang sabi niya sa sarili. Tama nga ang sinabi ng paborito niyang manunulat na si Ernest Hemingway: “Write drunk, edit sober.”
Tama rin naman ang sinabi ng palabas sa telebisyon. Sayang ang pera. Totoo na mas mahalaga ang pagpupugay na buhat ng patimpalak, higit sa tulad niya na di naman talaga isang premyadong manunulat. Mahilig lang magsulat, oo. Pero wala pang napapatunayan. Eto pa lang—eto na. At sa siste ng buhay niya ngayon—kakahig-kahig na mga daliri sa butas na bulsa— malaking tulong ang libo-libong papremyo.
Pero nasubaybayan niya ang naging buhay ng katha. Kung paanong ang simpleng pagbabahagi niya ng kuwento ng ina, kababata at kaibigan ay nagluwal ng pagtanggap ng mga tinitingala’t di maabot na kritiko, ng pagpansin ng madlang dati’y walang oras sa pagbabasa, ng pakikisangkot ng mga kabataang dumidistansiya, at ng pagkabuhay muli ng mga kababaihang minsang nalustay ang buhay.
Sa isip niya, uminog lang ang kuwentong isinulat sa tatlong babae. Pero sa mga mambabasa, umiinog ito sa kanilang karanasan. Naging sa kanila, tungkol sa kanila, ang kuwento ng ina, kababata at kaibigan niya.
Tama nga sigurong di niya inilagay ang tunay na pagkakakilanlan. Dinaga ang kaniyang dibdib na isulat ang buong pangalan sa brown envelope na kinalalagyan ng manuskrito ng kuwento. Sa isip niya, kung di mananalo sa patimpalak, isa itong direktang pagmarka na siya, si Troy Andrew Y. Ormejo, ay isang biguang manunulat. Mahirap lunukin. Di ito tulad ng suka niyang maaaring linisin nang di na magmarka sa damdamin. Kaya ng mga huling minuto, napagdesisyunan niyang imbis na isulat ang buong pangalan, minarapat niyang kunin ang acronym nito bilang panulat-sagisag: TAYO.
Tama nga. Dahil kahit na sabihing sa kaniya nagmula ang likha, naging sa kanila na rin ito. Siya lang ang nagsawika pero sila ang tunay na punla. Sila ang umusbong, sila ang nagkaugat at sila ang tumingala mula ilalim ng lupa.
“Tama nga,” wika ng lalaki sa sarili. “Tama nga.”