Tukso At Taksil (8)
(IKA-7 NA LABAS)
HINDI pumayag si Tony nang hindi siya nasasamahan sa ibinigay na address nang mahiwagang caller; ipinirisinta ang kotse nito. Kapwa sila nasorpresa ni Del nang makaharap niya ang asawa. Siya, dahil sa mga pasa at putok sa labi ng kanyang mister. Si Del, dahil kasama niya si Tony. (Hindi rin siguro inaasahan ni Del na magkikita sila roon.)
“Ano’ng ginagawa mo dito?”
Nasa isang apartment sila sa Harrison, Pasay.
“Sinusundo kita,” sabi ni Vi.
Higit na nagulat siya nang mapagsino ang babaeng nagpatuloy sa kanya. Ang babaeng ka-date ni Del sa Savory!
Tatlo silang naasiwa sa alanganing sitwasyong iyon. Siya, dahil sa babaeng ito na pinagpalipasan nang magdamag ni Del. Si Del, dahil nahuli siya ni Vi sa bahay ng babae. At si Tony, dahil naharap sila sa isang kahiya-hiyang eksena. (Kaharap niya ang mister ni Vi. Aminado pa naman siya na may crush siya rito.)
“Um’wi na tayo,” sabi ni Del. Iika-ika ito. Nagpaalam na sa babae. “’Alis na kami, Ollie.”
“Sige. Ingat kayo.”
Pamilyar kay Vi ang pangalan ng babae.
Sumakay sila sa kotse ni Tony; inihatid sila sa bahay. Hindi na bumaba ng sasakyan. Nagpasalamat si Vi. Nagpasalamat din si Del: malamig, pakitang-tao.
“Tingnan mo nga ‘yang ginawa mo,” sita ni Vi kay Del nang sinusuri niya ang mga pasa nito sa mukha. Napapaigtad at napapangiwi si Del tuwing dadampian niya ng bulak na may mercuchrome ang sugat nito. “Dahan-dahan naman. Mahapdi!”
“Magdusa ka!” Tinitimpi ni Vi ang pagkainis. “Sa’n ka ba nagsuot kagabi?”
“D’yan lang sa tabi-tabi...”
“Tabi-tabi ba ‘yung sa Harrison kita sinundo?”
“P’wede ba, saka na natin pag-usapan ‘yan? Pa’no mo ba nalaman na nando’n ako?”
“Bakit? Hindi ba sinabi sa ‘yo ni Ollie mo?”
Napika si Del. “Vi, p’wede ba? H’wag kang suspetsosa? Ganitong kumikirot ang katawan ko’y...”
“Bakit? Ilang batalyon ba’ng nakaaway mo?”
“Tumigil ka na! P’wede ba?”
Nagdadabog, iniwan niya si Del. Sinundan siya nito sa kuwarto. “Mag-usap nga tayo. Parang dinodomina mo na ‘ko?” “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Wala akong ibig sabihin. Nagtataka lang ako kung ba’t laging nakabuntot sa ‘yo ang boss mo?”
Nakuha niya ang ibig mangyari ni Del. Ibinabalik sa kanya ang pagaakusa niya. Psywar.
“Nagmamalasakit lang ‘yung tao. Hindi ko s’ya niyakag kung ‘yon ang gusto mong sabihin. Nang tumawag sa ‘kin si Ollie mo, nasa mesa
n’ya si Tony, nagprisintang ipagmamaneho ako. Hindi ko naman mahiya...” Panay ang buntunghininga ni Del.
“Pinagsususpetsahan mo ba ‘ko?” si Vi.
“Wala akong sinasabing ganyan...”
“Kung gano’n, tigilan na natin ‘to. Masaya na ‘ko na nakauwi ka--ng buhay. Kung alam mo lang kung ga’no ‘ko nag-alala sa hindi mo pag-uwi kagabi.”
Kinokonsensiya niya si Del. Walang reaksiyon ang kanyang mister. Nakangiwi pa rin. Hawak ang balakang, paika-ika. Ilang araw na hindi nakapasok sa opisina ng tabloid si Del.
Magmula ngayon, sabi ni Vi sa sarili, iiwasan niya muna ang pagsama-sama kay Tony. Mahirap na ngang mapaghinalaan ni Del at nang iba pa niyang kasamahan sa bookstore.
KUNG kailan naman siya umiiwas sa kanyang boss ay tila tukso naman itong hindi maawat sa pakikipaglapit sa kanya. Tulad ng hapong iyon.
Nilapitan siya sa kanyang mesa, itinanong kung may lakad siya paglabas ng opisina.
“Bakit?”
“Magpapasama sana ‘ko sa ‘yo,” sabi ni Tony, nakangiti.
“Sa’n naman?”
“Sa Greenbelt, sa Makati.”
“Ano naman ang gagawin natin do’n?”
“Me bibil’in akong gift--para sa tsikas.” Kumindat si Tony. “Gusto kong ikaw ang pumili.”
“Ba’t ako?”
“Salawahan kasi ‘ko, hindi makapag-decide. Gusto ko’y ‘yung special. Alam mo na...”
Hininaan nito ang boses. “Pinaaamo ko pa kasi...”
Tinampal niya sa braso si Tony. “Ikaw talaga, wala kang kasawa-sawa! Pati ako’y kinukutsaba mo...”
“Sige na. Saglit lang naman tayo.”
Makakatanggi pa ba siya?
Isinabay nila sa paglabas sa gusali si Mimi, ang saleclerk na nakadetalye sa makalabas ng kanilang silid, para disimulado sa iba pang mga empleyadong makakakita na magkasabay na naman sila ni Tony sa pag-uwi. Ibinaba nila si Mimi sa Taft Avenue.
Sa Greenbelt Mall sa Ayala Center.
“Ano ba’ng balak mong bil’ing gift?”
Nilibot na nila ang kalakhan ng mall; humanga sa sari-sari’t maluluhong display ng mga ladies’ wear at latest fashion.
“Wala nga akong maisip, e, kaya nga ako nagpasama sa ‘yo.”
“Grabe ka talagang mang-istorbo!”
Pinasok nila ang isang boutique. Magarbo. Sosyal na sosyal ang dating.
“Ilang taon ba ‘tong reregaluhan mo?”
“Nineteen siguro...”
“Ano’ng okasyon?”
“Wala. Gusto ko lang magpa-impress. Alam mo na...Ikaw naman, para kang hindi niligawan ng husband mo?”
Hindi nga, sabi ng isip ni Vi. Napangiti siya nang maalala ang pagnanakaw ni Del ng halik sa kanya sa loob ng jeep nito sa madilim na bahagi ng Coastal Road.
“Ito ba ‘yung ikinuk’wento mo sa ‘kin--’yung me kamuk’ang artista?” Kumunot ang noo ni Tony. “Hindi. Iba pa ‘to!”
May katwiran nga yata si Mommy na pagsabihan siyang mag-ingat kay Tony. Kung salawahan si Tony sa pagpili ng panregalo, mas salawahan pala siya; hindi magkatugma ang taste nila. Para makaalis na lang sa boutique (nakaismid na ang saleslady), nagkasundo sila sa isang mamahaling pabangong pambabae, gawang Paris. Mahal. Ipinabalot ni Tony. Natatawa si Vi na dumayo pa sila mula sa Maynila patungong Greenbelt, Makati para bumili lamang ng isang boteng pabango! Hindi siya pinakawalan ni Tony hangga’t hindi niya ito napagbibigyan na magsnack sila (gayong pasado alas-sais na). Pinasok nila ang isang pizza house doon; umorder
ng pizza si Tony. Bayad, sabi nito, sa pang-aabala sa kanya. Kinumusta ni Tony si Del,
Sinabi ni Vi sa sarili na iiwasan muna niya ang pagsama-sama kay Tony; mahirap nang mapaghinalaan ni Del...