Kung Nakakakita Ang Bulag…
NAPAPITLAG ang inaantok pang si Barzak. Ramdam niya ang paglamig ng klima sa hapon kaysa sa aligasgas sa likod niya ng mga tipak ng batong nagpatibay sa pader na kinasasandalan niya. Naririnig niya ang ingay ng sigawan, tawagan at usapan ng langkay-langkay na mga taong galing wari sa di-kalayuan sa kaniya na Gintong Pasukan ng lungsod ng Jerusalem.
“Tama si Mara,” sabi ni Barzak sa sarili. “Marami na ang dumarating kahit bukas pa ang simula ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Paskuwa!”
Nagbalik sa isip niya ang mga sinasabi noong isang taon ng kumpol ng mga pulubi sa gilid ng Pasukang Jaffa sa kanlurang bahagi ng Jerusalem.
“Kapos kasi ng matitigilan sa ating siyudad ang ating mga kalahi na nanggagaling pa sa malalayong lugar.”
Namasid ni Barzak taon-taon ang dumaraming pakikiisa ng mga kapwa niya Hudyo sa pagdiriwang ng paggunita ng paglaya ng lahi nila mula sa pagkaalipin ng mga Paraon ng Ehipto sa pangunguna ni Moses.
Nakuwentuhan siya ng kaniyang inang si Damaris nang hindi pa siya pinalalayas sa kanila ng kaniyang amang si Amos. Libo-libong taon na umanong pagala-gala ang kanilang lahi na umaalis-bumabalik sa Judea na sumasakop sa Jerusalem. Naghihintay ng pagkilala sa “lupang pangako” na ibinilin ng Panginoon kay Moses at sa mga kasama nito.
“Napakatagal nang nagtitiis sa paghihintay ang ating lahi. May gumagalang marunong na mga tao na nagsasabing nalalapit na ang katuparan ng pangako ng ating Panginoon!” Kumikinang ang mga mata na bulalas ng kaniyang ina.
Tinutukoy ba ng kaniyang ina ang Jerusalem na sakop ng Judea na pinamamahalaan ngayon ni Herodes Antipas. Nasa mga lupain pumapalibot dito tulad ng Samaria, Galilea, Jordan, Perea at Decapolis isinilang at naging kabataan ang kalahi nilang mga Hudyo.
“Saan kaya nagpunta si Mara?” Naiinip na tumindig si Barzak at pinakiramdaman kung may mga pulubing kasama siya roon.
Walang tumugon sa pag-uusisa niya tungkol kay Mara. Naisip niyang hindi gaanong lumayo ito at may dahilan kaya hindi pa bumabalik. Matagal na niyang kasama ito sa pagpapalimos mula nang pinalayas siya ng kaniyang ama habang pinipigil siya ng pagpapalahaw ng kaniyang ina.
Inulit pa niya ang pagtawag kay Mara. Hindi sumasagot ang dalaginding niyang kaibigan.
Dumarami na ngayon ang bagsak o kaskas ng mga sapatos
na katad sa mga batong inilatag sa pasilyong iyon. Nagsasalita nang malakas, nag-uusisa at nagtatawanan ang mga dayo. Alam niyang dumaraan sa kaniyang harapan ang mga ito at naglalaglag ng mga limos na sensilyo.
“Nagpapalimos siguro siya sa ibang pasukan ng lungsod...” bulong ni Barzak habang isinisilid ang napalimusan na niya sa bulsa ng marusing niyang tunika—isang mahabang kasuotang gris na umaabot halos hanggang sa bukong-bukong niya.
Ngunit ayaw niyang lumayo sa pinaglilimusan nila si Mara. Nagsasandigan sila sa isa’t isa sa mga kalye at liwasan ng Jerusalem. Pilantod ito at kahit siya bulag, matalas niyang pinakikiramdaman kung natatapilok ito o nasusudsod sa mga daanan nila. Ngunit napapangiti siya. May naiisip.
Matapang si Mara. Babangon at babangon siya, ano man ang mangyari.
Saksi siya nang ihampas nito ang saklay sa nambastos ditong isang pulubing nandayuhan sa Jerusalem.
Subok na ang malasakit nila sa isa’t isa ni Mara sa ilang pagkakataon. Tulad noong nagalit ito sa kaniya dahil nakalabas niya sa likod na pasukan ng Jerusalem at muntik na siyang maligaw. Tulad naman noong Paskuwa rin at napagitna ang dalaginding sa dagsa ng mga tao at mga hayop na iaalay sa pagdiriwang ng Sabhat.
Ngayon, mabilis din ang kilos ng lahat ng mga bagay sa lungsod, pati na ang wasiwas ng hangin sa mga sanga ng mga halaman at punongkahoy. Nagkakarami rin ang mga buriko na sakay ang matatanda at mga babaeng nasa kabuwanan na
Hinding-hindi nakalilimutan ni Barzak ang bilin ng kanyang ina bago sila magkahiwalay.
ng pagbubuntis, kasunod ang mga ama at naglalakad na mga anak. Hangos din ang mga tauhan ng mga taberna, paupahang bahay at mga tindahan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng dumarating na mga dayo.
Pinupuna rin ang pagmamalasakit ng pamilya nila kay Barzak.
“Bakit ikaw ang naglalaba n’yan, Mara? Ba’t hindi si Barzak na malaki naman ang katawan?”
“Lalaki si Barzak para maglaba,” pagtatanggol ni Mara. “Bulag man siya, nakasasalok pa rin siya ng tubig sa balon!”
Ngunit higit na masakit ang parinig sa kanila ng isa pang kakilala. “Pilantod at bulag! Ano kaya ang kasalanan ng inyong mga magulang?”
Naputol ang pag-iisip ni Barzak nang may biglang humila sa kapirasong kahoy na gamit niya sa pagkilala sa mga sagabal sa kaniyang daraanan.
“‘Kala mo aagawin sa ‘yo ang tungkod mo!” Si Mara pala. Pinunasan nito ang kanang palad niya ng kung anong malambot na dahon, saka ipinahawakan sa kaniya ang isang tinapay na sinlaki ng palad niya.
“Pamigay ‘yan ng Lalaking balbasin na may maamong mukha sa pamilyang apat lahat.”
Pamilya ang turing sa kaniya nina Mara mula nang makilala siya ng mga ito.
“Ba-bakit ka pinalayas ng iyong ama, Barzak?”usisa ni Mara nang unang magkatagpo sila sa gilid ng hagdanan ng templo na hingian ng limos ng mga pulubi.
“Nasasaktan siya sa bintang na nakagawa siya ng pagkakasala sa pag-aanak nilang mag-asawa ng isang may kapansanan!”
“May kapansanan din ako, Barzak. Balewala ‘yan sa aking