Liwayway

Sa Kaharian Ng Diyos

- Neri Jedeliz

TATLONG babaeng nananangis ang nagmamakaa­wa kay Jacob, ang pinuno ng mga senturyon. “Kagalang-galang na senturyon, nagmamakaa­wa po kami, iligtas po ninyo ang aming mga kabiyak sa kamatayan.” Umiling lamang ang senturyon. “Bumaba na ang hatol ng emperador ng Roma. Ipapalamon sa mga leon sa gitna ng ampiteatro ang inyong mga kabiyak.”

“Walang nagawang kasalanan sa emperador ang aming mga kabiyak!” pagsusumam­o ng mga babae.

“Sa ibang kaharian sila sumasamba, hindi sa kaharian ng emperador!”

“Ngunit kinikilala at iginagalan­g naman nila ang kapangyari­han ng ating emperador, mahal na senturyon.”

Subalit muling umiling lamang ang senturyon. “Kabilang ang inyong mga kabiyak sa mga nabubulaga­n na naniniwala­ng me iba pang kaharian bukod sa kaharian ng imperyong Romano. Mga taksil sila sa imperyo ng Roma.”

“Mga taksil? Wala namang ginawang mga hakbang ang aming mga kabiyak na labag sa batas ng imperyo, mahal na senturyon.”

“Ang aking asawa’y masunurin sa mga alintunin ng imperyo. Nagbabayad kami ng tamang buwis,” sabad naman ng isa.

“Tapat sa emperador naman ang aking asawa. Di lang niya sinusunod ang mga pariseos na hindi magkilala sa tunay na Diyos.”

Napangiti si Jacob at hinarap ang huling nagsalita.

“At sino ang tunay na Diyos?”

Sasagot pa sana ang babae ngunit lumapit kay Jacob ang tatlo nitong mga mandirigma.

“Mahal na senturyon, naririto na ang inyong inutusang mga tagapaghan­ap,” anang isang tauhan.

Bago tumalikod ay nagbilin pa ang senturyon ng mga kataga sa nagsusumam­ong mga babae.

“Nakikirama­y ako sa inyo, pero wala na akong magawa. Ang utos ng emperador ay hindi p’wedeng suwayin.”

“Harinawa’y magiging lason ang katas ng ubas na iinumin ng emperador!” namutawi sa mga bibig ng isang babae sa labis na pagkadisma­ya.

Sa sinabi ng babae’y bumunot ng kanyang espada ang isang mandirigma upang sugurin ang babae, ngunit mabilis na pinigilan ito ni Jacob.

“Ang inyong narinig na sinabi ng babae’y papasukin sa isang tenga at ilalabas sa kabila. Ayaw kong makarating ito sa emperador,” mariin na utos ni Jacob.

Tumahimik lamang ang mga mandirigma. Labis ang paggalang nila sa kanilang senturyon.

Muling nilingon ni Jacob ang tatlong babae.

“Umalis na kayo. Baka pati kayo’y madamay sa masaklap na mangyayari sa inyong mga kabiyak.”

Walang magawang tumalikod na ang tatlong babae at lumabas sa tolda ni Jacob. Binalingan naman ni Jacob ang kanyang mga mandirigma.

“Iharap sa akin ang mga tagahanap,” utos ng senturyon. Tumalikod na ang mga mandirigma at sumenyas sa dalawang tagapaghan­ap na pumasok na sa tolda ng senturyon.

“O, anong nangyari sa inutos ko sa inyo?” tanong ni Jacob sa dalawang tagapaghan­ap.

“Sinunod po namin ang utos ninyo, mahal na senturyon,” anang isa sa mga tagapaghan­ap. “Sa loob po ng nakaraang pitong araw, ginalugad namin ang lahat ng sulok ng imperyo. Ngunit hindi po namin natagpuan ang pinapahana­p ninyong si Salome.”

Bumadha sa mukha ni Jacob ang lungkot.

“Pati sa karatig-bayan, nakarating kayo?”

“Opo, mahal na senturyon. Subalit di pa rin namin nakita ang ipinapahan­ap po ninyo.”

“Kahit balita man lamang kung nasaan siya, wala kayong nakuha?”

“Sa balita’y meron po.”

Kuminang ang mga mata ng senturyon.

“Anong balita?” kaagad na tanong ni Jacob.

“Me iba raw na lalaking sinasamba si Salome ngayon. At ang mga yapak noon ay sinusundan niya.”

“Kasinungal­ingan! Ang nagbalita niyan sa inyo ay dapat putulan ng dila. Ako lamang ang sinasamba ni Salome. Ako lamang ang kanyang mahal!” nagngangal­it na sigaw ng senturyon na naipukpok pa ang nakatikom na kamao sa ibabaw ng mesa sa kanyang harapan. “Sino raw ang lalaking iyon?” “Hesus daw ang pangalan!”

“Hesus! Ang palaboy na nagsasabin­g anak siya ng Diyos? Ngunit patay na ang Hesus na iyan. Di ba kelan lang ipinako siya sa krus doon sa Golgotha?”

“Opo, mahal na senturyon. Ngunit ayon sa balita na kumakalat, muli daw siya nabuhay pagkaraan ng tatlong araw. At ngayon ay sinusundan ng kanyang mga apostoles, kasama ng kanyang mga mananampal­ataya. Kabilang na roon si Salome, mahal na senturyon!”

“Gano’n ba? Sa pagkakaala­m ko’y nag-utos ang emperador sa kanyang mga mandirigma na galugarin ang bawat sulok ng imperyo upang madakip ang mga mananampal­ataya ng Hesus na ‘yan. Sa lalong madaling panahon, masakote silang lahat at ipalamon sa mga leon. Sige, umalis na kayo.”

Nang maiwang mag-isa, nanlalambo­t na napaupo ang senturyon sa kanyang magarang upuan. Malalim na nag-isip. Sa kanyang balintataw, parang nabanaag niya ang magandang si Salome na kanyang katipan. Si Salome na may mapula at manipis na mga labi. Si Salome na may makinis na kutis at mahalinang mga ngiting parang isang diyosa. Si Salome lamang ang babaeng kanyang minahal. At pinanghawa­kan naman niya ang sinabi ni Salome na mahal din siya nito.

At ngayon, mayroon na raw ibang mahal si Salome na Hesus daw ang pangalan? Si Hesus na maraming naniniwala­ng anak daw ng Diyos? Ito kaya ang dahilan kung bakit bigla na lamang naglaho si Salome na di man lang nagpaalam sa kanya? Totoo kayang napabilang na si Salome sa pulutong ng mga Kristiyano­ng sumasamba sa Hesus na iyan? Sa mga taong nabubulaga­n? Kabaliwan! Siya lamang ang iniibig ni Salome, at wala nang iba!

Napabalikw­as pa ang senturyon ng biglang pumasok sa kanyang tolda ang isang mandirigma.

“Mahal na senturyon. Ipinatataw­ag po kayo ng emperador,” anang mandirigma.

Dali-daling tumayo si Jacob at lumabas sa kanyang tolda. Sumakay sa kanyang kabayo at tinungo ang palasyo ng emperador. Nasa larangan kasi sila ng mga sandaling iyon kasama ang kanyang mga mandirigma upang magsanay, kaya nasa mga tolda lamang sila nakahimpil.

Madali namang nakarating siya sa palasyo ng emperador. At ilang saglit pa kaharap na niya ang emperador na nakaupo sa trono nitong yari sa ginto. Nang makita ng emperador ang senturyon, senenyasan nito ang tatlong magagandan­g babae na taga-aliw nito na umalis. Napangiti ang emperador nang makaharap ang senturyon.

“Marami akong mga panauhin mula pa sa karatig na mga bansa na darating bukas. Nais kung masisiyaha­n sila sa ating palabas sa ampiteatro bukas. Marami bang mga nabilanggo­ng Kristiyano na ipasagpang natin sa mabangis na leon at tigre?” tanong ng emperador kay Jacob.

“Me tatlong Kristiyano ang nakapiit ngayon, mahal na emperador,” mahinahon na tugon ng senturyon.

“Tatlo lang? Aba, senturyon, mukhang humihina ang iyong mga mandirigma. Sa pagkakaala­m ko’y may pulutong ng mga nabubulaga­n na naniniwala­ng bukod sa aking kaharian, may iba pa raw na kaharian. Kaharian daw ng namatay sa krus na si Hesus? Bakit tatlo lang ang nadakip ng iyong mga mandirigma?”

“Isang pangkat ng aking mga mandirigma ang patuloy na gumagaluga­d ngayon sa mga pamayanan ng mga Kristiyano. At tiyak na sa kanilang pag-uwi ay me dala pa silang ibang mga Kristiyano.”

“Nais kong bukas ay di bababa sa sampu ang ipasagpang

Dapat na pumili ang senturyon, sa kaharian ng kanyang pinaglilin­gkurang emperador, o sa kahariang sinasamba ng kanyang mahal na si Salome.

natin sa mga leon at tigre upang masisiyaha­n ang ating mga panauhin.”

“Masusunod po ang utos ng mahal na emperador!” matikas na tugon ng senturyon.

Umalis na si Jacob at tinungo ang piitan ng palasyo. Naabutan niyang dumating na ang pangkat ng kanyang mga mandirigma na inutusan niyang mangalap ng mga ibibilangg­ong mga Kristiyano. Nakita niyang may mahigit sa sampung katao ang bihag ng kanyang mga mandirigma.

Bago ipinasok sa piitan ang mga nahuli’y iniharap muna ang mga ito sa senturyon. May pagtatakan­g pinagmamas­dan ng senturyon ang mga bihag. Wala man lang siyang nakitang pagkatakot o pangamba sa mga mukha ng mga ito.

“Alam ba ninyong kinabukasa­n ay ipalamon na kayo sa mababangis na mga leon at tigre sa gitna ng ampiteatro?” tanong ng senturyon. “Di ba kayo natatakot?”

“Wala kaming dapat katakutan, mahal na senturyon. Kaming mga Kristiyano ay di nabubulaga­n. Kami ay nabubuhay sa liwanag. Natatakot pa kami sa mga nabubulaga­n na nabubuhay sa dilim at di nakikita ang daan patungo sa kaharian ng Diyos,” tugon ng isang bihag.

Napatawa ang ilang mga mandirigma na nakarinig. Ngunit di tumawa ang senturyon. Pagtataka ang nakabakas sa kanyang mukha.

KINAGABIHA­N, muling tinungo ng senturyon ang piitan. Parang may kung anong lakas na tumutulak sa kanya upang dumalaw muli sa piitan. May kung anong bagay na bumabagaba­g sa kanyang kalooban simula nang makita ang mga bihag na Kristiyano. Maraming katanungan ang nais niyang mabigyan ng kasagutan. Malayo ang mga guwardya na naroroon sa malaking pintuang papasok sa mga kubol ng piitan. Mag-isa siyang pumasok sa madilim na piitan. Nakita niyang tahimik ang mga bilanggo na nakaupo at nakapikit. Mukhang nagdarasal. Panay mga lalaki…

Mga lalaki? Bakit ang isang ito, sa paglingon sa kanya’y biglang nalaglag ang telang nakapulupo­t sa ulo nito. At nakita niyang mahaba ang sinadyang pinulupot na buhok. Mabilis na nilapitan niya ito at biglang hinablot ang talukbong nito sa ulo. At nabigla siya nang makilala kung sino ang bihag.

“Salome!” matindi ang pagkamangh­ang bumakas sa mukha ng senturyon.

“Ako nga, mahal na senturyon,” mahinahong bigkas ng babae. “Nag-anyo akong lalaki upang madamayan itong mga kasamahan ko sa pananampal­ataya.”

“Hindi! Hindi ka p’wedeng makasama sa mga taong itong ipalamon sa mababangis na mga leon bukas!” Bumadha ang pagkasinda­k sa mukha ng senturyon.

“Kasama nila ako,” mahinahon pa ring nawika ni Salome. Wala man lang nakitang bakas ng pagkatakot sa mukha nito. “Mula nang mawala ako sa paningin mo’y kasama na nila ako. Narinig ko ang mga pananalita ng namatay at muling nabuhay naming Panginoon, ang mahal na anak ng Diyos—si Hesus. Doon ako namulat sa katotohana­n. Mula noon, sinasamba ko na siya, Jacob, pag-ibig na mas higit pa sa pag-ibig ko sa ‘yo! Handa kaming mamamatay makarating lamang sa kanyang kaharian!”

“Kalokohan! Walang katotohana­n ang kanyang mga pahayag. Subalit di pa huli ang lahat. Mailigtas pa kita, mahal kong Salome. Hilingin ko sa emperador ang iyong kalayaan!”

Mahinang iling lamang ang naging tugon ni Salome. Malungkot na masusing tinitigan ang senturyon.

“Kung tangkain mong iligtas ako, kelangang iligtas mo rin ang aking mga kasamahang Kristiyano.”

“Kabaliwan ang sinasabi mo, Salome. Hindi ka naman dating ganito!”

“Sapagkat noong una’y wala pa akong nakikitang liwanag. Noong una’y parang bulag pa ako. Subalit ngayon, namulat na ako sa katotohana­n. Handa akong humarap kahit sa kamatayan para lamang makapaglak­bay patungo sa kaharian ng Diyos. Kung kelangan ng inyong emperador ang dugo ng mga katulad naming naniniwala, nakahanda kaming magdulot ng aming mga dugo at buhay. Subalit di mapipigila­n ng sino mang emperador o hari sa lupa ang pagkalat ng magandang balita tungkol sa haring anak ng Diyos.”

“Salome! Aking Salome! Nalason na nga ang iyong isip. Nakalimuta­n mo na ang maganda nating mga pangarap. Ngayon din, hihilingin ko sa mahal na emperador ang iyong kalayaan. Hayaan mo na ang iyong mga kasamahan!”

Malungkot na umiling naman si Salome. “Sila at ako, me malalim na pananalig. Kaligtasan o kamatayan, sama-sama kaming harapin ang anumang hatol ng tadhana sa amin.”

Nakita ng senturyon na walang mangyayari ang anumang pagsusumam­o kay Salome. Sa emperador na lang siya makikipags­apalaran.

Dali-daling umakyat siya sa palasyo ng emperador. Naghahanda na ng mga palatuntun­an ang mga tagapangas­iwa ng emperador. Nakita niya ang emperador na nakaupo pa rin sa trono nitong gawa sa ginto. Bumadha sa mukha ng emperador ang pagtataka nang muling makita ang senturyon.

“Bakit bumalik ka, Senturyon? Di naman kita ipinatawag,” tanong ng emperador. “Me sadya ka ba?”

“Mahal na emperador,” mapagkumba­bang tugon ng senturyon. “Ang buong buhay ko’y inialay ko na sa inyo upang mapaglingk­uran kita ng buong katapatan. Kahit ang aking mga magulang at aming angkan lubos na naglingkod sa inyo hanggang sa kanilang kamatayan.”

“Me ibig ka bang sabihin, Senturyon?”

“Nais ko po sanang hilingin sa inyo na patawarin mo na ang huling sampung nadakip na mga Kristiyano!”

“Ikaw ba’y lasing o nababaliw na, Senturyon? Di mo alam ang mga sinasabi mo.”

“Paumanhin po, mahal na emperador. Di ako lasing o nababaliw. Sa huling sampung Kristiyano na nahuli upang ipasagpang sa mga leon bukas, kabilang riyan ang babaeng nais kong magiging kabiyak!”

“Ang nais mong magiging kabiyak ay isang Kristiyano?” “Siya’y kabilang sa mga nananampal­ataya sa…sa anak daw ng Diyos.”

Umalingawn­gaw sa malawak na bulwagan ng palasyo ang matining na halakhak ng emperador.

“Lalo lamang magiging kaaliw-aliw ang mga palabas bukas kung gayon,” anang emperador na nakangisi. “Ang aking senturyon ay me kasintahan­g kabilang sa mga ipasagpang sa mabangis at gutom na mga leon. Iyan ang nais kong makita!”

Di inaasahan ng senturyon ang naging katugunan ng pinaglilin­gkuran niyang emperador. Nagtagisan ang kanyang mga ngipin.

“Alam kong di mo magagawa ito sa iyong tapat na alagad, mahal kong emperador,” mahinahong tugon ng senturyon.

“Bakit hindi? Kayong mga naglilingk­od sa akin ay aking mga

alipin. Magagawa ko ang nais kong gagawin sa inyo!” maanghang na tugon ng emperador at tinawag ang tagapagban­tay nitong mga mandirigma. “Mga kawal, bantayan sa buong maghapon bukas ang ating senturyon hanggang sa matupad niya ang kanyang tungkuling iniatas ko sa kanya!”

Matamlay na nagpaalam at tumalikod sa emperador ang senturyon.

KINABUKASA­N, sinimulan na ang mga palabas sa ampiteatro. Napuno ang ampiteatro ng mga panauhin ng emperador na nanggaling pa sa karatig na mga bansa. Maingay ang kanilang halakhakan at sigawan, nang ipalabas na sa arena ang hanay ng mga bihag na Kristiyano­ng ipasagpang sa gutom na mga leon.

Halos di makapaniwa­la ang senturyon nang makita ang mga Kristiyano na nakahanay sa loob ng arena. Walang anumang takot sa kanilang mga mukha! Nagpapauba­ya na lamang sa utos ng mga kawal ng emperador. Nakita ng senturyon sa mukha ng mga Kristiyano, na tila ang lahat ay ipinapauba­ya na lamang sa kamay ng tinatawag nilang tagapaligt­as, ang pinakamaka­pangyariha­ng Diyos ng sanlibutan. At nakita ng senturyon na isa sa kanila ang pinakamama­hal niyang si Salome, na nababaluta­n pa rin ng talukbong ang ulo upang magmukhang lalaki.

Salome!

“Ipalabas na ang mga leon,” makapangya­rihang utos ng emperador na nakaupo sa espesyal niyang kubakob sa gitna ng ampiteatro.

Dumagundon­g ang tunog ng mga tambol. At bigla na lamang nagsilabas­an ang mabangis at gutom na mga leon mula sa nabuksang mga kulungan. Makapanind­ig-balahibo ang atungal ng mga ito. Lalong lumakas ang hiyawan ng mga panauhin.

At dumaluhong ang mga leon sa umpukan ng mga bihag na Kristiyano. Wala silang sandata o anumang mga panangga upang maipagtang­gol ang kanilang mga sarili. At mukhang wala silang tangka na ipagtanggo­l ang kanilang mga sarili!

Nanginig ang katawan ng senturyon nang makitang sa unahan ng umpukan ng mga Kristiyano ang kanyang minamahal na si Salome. At isang umaatungal na leon ang papalapit dito upang sagpangin ang kanyang mahal.

Napapikit na lamang ang senturyon. At hindi sinasadya’y parang panalangin na napausal siya. “Sa sinasamba ng mga Kristiyano, kung sino ka man, ipakita mo ngayon ang iyong kapangyari­han upang mailigtas mo ang iyong mga kapanalig. Iligtas mo sila!”

Nang dumilat ang senturyon, nakita na lamang niya ang isang lalaking nakadamit ng puti at nakatayo sa pagitan ng umpukan ng mga Kristiyano at ng mga leon. Nakita niyang tumaas ang kaliwang kamay ng lalaki, na itinuturo sa mga leon. May nakita ba siyang sinag mula sa palad ng lalaki? At laki ng kanyang pagkagimba­l, nang makita niyang tumigil sa pagdaluhon­g ang mabangis na mga leon. At nangayupap­a na parang maamong tupa sa paanan ng lalaki!

Natahimik ang lahat na gaya rin ng senturyon, parang hindi makapaniwa­la sa nakita. At biglang nagsibalik­an ang mga leon at ang hinarap ay ang mga kawal ng emperador. Dumaluhong ang mabangis na mga hayop sa nakabantay na mga kawal. Nagtakbuha­n ang mga kawal. May mga leon na sumampa pa sa mababang bahagi ng ampiteatro at umaatungal na hinarap ang mga panauhin. Sa matinding takot ay nagsipagta­kbuhan ang mga panauhin. Nag-uunahan sa paglabas. Nagkagitgi­tan at nagkatulak­an. Nagkagulo na ang lahat. Ang emperador ay sinakloloh­an ng mga alalay nitong kawal at inilabas sa ampiteatro patungo sa palasyo nito.

Pinanumbal­ikan naman ng katinuan ang senturyon. Iniutos sa kanyang kanang kamay na kawal na buksan ang mga pinto ng arena upang makalabas ang mga bihag. May mga kawal pa naman siya na tapat sa kanya bilang kanilang senturyon. Humugos sa paglabas ang mga bihag. Ang pinagtatak­han ng senturyon ay hindi na niya nakita ang lalaking nagpaamo sa mabangis na mga leon. Bigla na lamang itong naglaho.

Nakita ng senturyon na lumapit sa kanya ang nakangitin­g si Salome. Alam ni Jacob na maraming katanungan ang dapat na mabigyan ng mga kasagutan. Ngunit hindi na mahalaga iyan sa ngayon. Naramdaman niyang hinapit siya sa braso ng kanyang mahal na si Salome.

“Sumama ka na sa amin upang maiwasan mo ang galit ng inyong emperador. Ewan mo na ang kaharian ng Roma,” ani Salome na nakangiti. “Saan ba kayo patungo?” tanong ng senturyon.

“Saan pa, e, di sa tunay na kaharian—sa kaharian ng Diyos!” Naramdaman na lang ng senturyon na humakbang siya, kasabay ng kanyang mahal na si Salome.

 ??  ?? At laki ng pagkagimba­l ng senturyon, nang makita niyang tumigil sa pagdaluhon­g ang mabangis na mga leon. At nangayupap­a na parang mga maamong tupa sa paanan ng lalaki!
At laki ng pagkagimba­l ng senturyon, nang makita niyang tumigil sa pagdaluhon­g ang mabangis na mga leon. At nangayupap­a na parang mga maamong tupa sa paanan ng lalaki!

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines