Ang Kahalagahan Ng “Retreat O Rekoleksiyon” Ng Simbahan
MARAMI sa mga Kristiyano lalo na ang mga Katoliko ang “nagre-retreat o nagrerekoleksiyon” tuwing sumasapit ang Mahal na Araw o Kuwaresma at sa panahon ng Advento o Pasko. Paniniwala ng marami na siyang turo ng simbahan na dapat malinis ang kalooban ng isang tao bago dumating ang Mahal na Araw o Kapaskuhan, walang kasalanan at puno ng pagmamahal sa Diyos at sa kapuwa.
Ginagawa ang retreat o rekoleksiyon sa isang lugar na tahimik at banal; sa isang retreat house, simbahan, monasteryo o kumbento na nasa isang mataas na lugar o bundok na katulad ng Baguio, o Tagaytay. Doon pumupunta sila para magtika, magsisi at kausapin ang Diyos. Isang grupo o pangkat ang nagsasamasama na may bilang na dalawampu pataas. Isang pari, deakono o isang matandang banal ang namumuno sa kanila. Mga bagay na banal katulad ng Bibliya, rosaryo at iba pang mga aklat na dasalin ang dala-dala ng mga mananampalataya na makakatulong sa gawain nilang ito.
Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng “retreat”.
Ayon kay Fr. Manuel M. Flores, isang paring Heswita, pagbabakasyon ang pagre-retreat kasama ang Diyos na nagmamahal sa atin na higit pa sa pagmamahal natin sa ating sarili.” Ayon pa rin sa kanya, “isang panahon ng pagdarasal ang pagre-retreat, panahon na inilalagay natin ang ating mga sarili sa presensiya ng Panginoon at panahong namamahinga tayo kasama ang Diyos.”
Ano naman ang kahalagahan ng retreat o rekoleksiyon?
“Konbersiyon” o pagpapalit ng sarili tungo sa pagpapakabuti ang pinakamahalaga raw na layunin ng pagre-retreat. Pag-iwas sa kasalanan, pagtanggap sa pagkakamali, at pagtutuwid ng sarili tungo sa kabutihan ang misyon ng isang nagre-retreat. Sa gawaing ito rin namumulat ang tao sa pagmamahal sa Diyos at sa kapuwa. Pag ginagawa ang bagay na ito, malalaman natin ang “tunay na kalooban ng Ama” para tularan natin ang Kanyang anak na si Hesus: mapagpakumbaba, matulungin, banal at mapagmahal.
Kabilang ako sa isang organisasyon ng simbahan na “Adoracion Nocturna Filipina” kung tawagin. Binubuo kami ng mga ilang libong miyembro na kalat sa buong bansa. Marami sa ami’y matatanda na, edad sisenta na pataas, hanggang otsenta’y singko na. Magdasal sa harap ng banal na Sakramento ang aming pangunahing gawain pati na ang pagtulong sa ibang nangangailangan katulad ng pagbibigay ng katesismo sa mga bilanggo, pagdalaw sa mga maysakit, pagpapakain sa mga bata at matatanda sa mga “squatters area”, at iba pang mga gawaing pansimbahan.
Tuwing ikalawang linggo ng Enero, nagtutungo kami sa Baguio para magretreat kasama ang aming pinuno na isang paring Heswita, si Fr. Manuel M. Flores na nabanggit ko na ang pangalan. Mga isang daang katao kami na nagtutungo roon. Mahihina na ang aming mga tuhod pero nagliliyab pa rin ang aming mga puso at damdamin sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.
Malamig sa Baguio. Pero mas nakakadagdag ang ganoong klima sa ganda ng paligid at sa kasagraduhan ng aming ginagawa. Sa isang kumbento ng
mga madre na pinangangasiwaan ng mga Heswita kami nagre-retreat. Isang mataaas na bundok ang kinalalagyan ng kumbento na kitang-kita ang kabuuan ng Baguio. Makapigil-hininga ang tanawin; mga kabahayan, bundok, malalaking puno, asul na kulay ng langit, mga ibong naririnig ang mga huni at awit, at mga bulaklak na nilalaro ng malamig na hangin kahit sa katanghalian. Maganda ang daigdig na nilikha ng Diyos, na pinakikinang pa ng araw na sumisikat at lumulubog sa harapan mo. Kapag ngumingiti ka sa pagpapasalamat sa Diyos sa Kanyang nilikhang magagandang lugar at tanawin, masasabi mong makapangyarihan Siya at talagang mapagmahal. Bahagi ang lahat ng kasiyahang ito ng pagre-retreat, ng paglayo sa magulong lungsod at pagtungo sa isang liblib pero magandang lugar na kaya mong kausapin Siya.
Matatagpuan din, hindi kalayuan ang isang kapilya ng Birhen ng Lourdes na sinasabing orihinal na imahen ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa Pilipinas na galing pa sa Pransiya noong 1913. Doon puwede mo ring kausapin ang Diyos sa harap ng imahen ng “Sacred Heart of Jesus” at ng Birhen Maria at sabihin ang nasa loob mo, problema, kagalakan, alalahanin, pangarap, pamilya at puwede kang umiyak, bumulong, tumawa at magsumbong ng lahat tungkol sa buhay mo.
Dominican, Augustinian, Franciscan, at Ignatian (Jesuit) at iba pa, ang mga klase ng retreat na pinamumunuan ng mga pari na nabanggit na “religious orders”. Iba-iba ang kanilang pamamaraan sa pagpapa-retreat. Pero sa kabuuan, isa lang ang pakay ng retreat: para sa kabutihan ng kaluluwa ng tao.
“Ignatian retreat” ang klase ng pagreretreat na ibabahagi ko sa lathalaing ito na natutuhan ko mula kay Fr. Manny Flores.
Isang”silent retreat” ang ginagawa ng grupo namin, pero hindi kami binabawalan sa pagkain. Sa tatlong araw na nagre-retreat kami, marami ang oras na kami’y tahimik, walang kibuan, o pansinan. Sa gayo’y epektibong nakakausap namin ang Diyos, at hindi ang bawat isa sa amin. Pauuwiin kami ni Father pag hindi namin sinunod ang pagiging tahimik. Andito raw kami hindi para “magbonding” o magdaldalan lamang, kundi para makasama ang Panginoon. Totoo nga, sa panahon ng aming katahimikan, naroroon ang Panginoon, dumadamay, kasama sa aming mga problema at nagbibigay ng tunay na saya at kapayapaan.
Sa pagre-retreat ginagabayan kami ni Fr. Flores para alalahanin ang pagmamahal ng Diyos. Sino ang mga tao at pangyayari na naging bahagi ng mga karanasang iyon; isang magulang, isang kaibigan, o isang karanasan na bigay Niya? Puwedeng isang aksidente na may tumulong, isang pagkakasakit na gumaling, isang pasasalamat sa pagtatapos ng isang anak sa kolehiyo, o pagkakasundo ng mag-asawa pagkatapos ng isang pagkakagalit.
Ginagabayan din kami sa tunay na kahulugan ng kasalanan, at iba’t ibang uri nito at kung papaano ito iiwasan. Malalaman din kung paano ang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos, ang halaga ng pagpapatawad, at ang kaligayahan na makakamit pag ipinagkaloob ito sa kapuwa.
Ano ba talaga ang “purpose” ng buhay? Sa pagre-retreat, makabuluhan ang pagtalakay rito. “With eyes of faith”, malalaman ng bawat isa kung bakit siya nabubuhay. At dito matutuklasan, na kaligayahan pala ang pakay ng Diyos sa atin. Dapat malaman muna natin kung ano ang Kanyang kalooban, ano ang ating responsibilidad, at hanggang kailan ang buhay natin sa lupa. Dapat din nating mapagtanto na bukod sa ating sarili at pamilya, dapat magmahal muna tayo sa Diyos at sa ating kapuwa, maunawaan nating maiksi lang ang buhay, na huwag basta sayangin ang oras, sa halip gugulin ito sa pag-ibig sa mga mahal sa buhay, at pagtulong sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, naglilingkod tayo sa Diyos at masaya tayong aalis sa mundong ito tungo sa buhay na walang hanggan kung saan puno ng ligaya ang bawat sandali.
Sa panahon ng retreat, nagkakaroon din ang bawat isa ng pagkakataon na gumawa ng sulat sa Panginoon para kausapin Siya, sabihin ang mga gusto, daing, hinanakit, pagpapasalamat, at iba pa. Pag puno ng sinsiridad ang puso, maririnig ang Kanyang tinig, sasagot sa mga hiling, at madarama ang Kanyang presensiya.
Muli ring ipinadarama sa bawat isa ang “pasyon” ni Kristo para matubos tayo sa kasalanan; ang pagpasan Niya ng krus, ang pagpapahirap, pag-alipusta, at pagkamatay. Mararamdaman ng bawat isa ang bigat ng krus na pasan Niya tungo sa bundok ng “Golgota” hanggang sa Kanyang kamatayan.
Tinalakay rin ang kabutihan ng Inang Birhen Maria, ang kanyang mga sakripisyo at paano siya tinawag na “unang apostol” ng Panginoon. Napakasakit sa Mahal na Ina ang masaksihan ang pagkamatay ng kanyang anak sa kanyang harapan! Dahil dito, siya ang ating modelo at gabay sa paglilingkod at pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.
Mayroon ding kumpisal at higit sa lahat may banal na “misa” na magaganap bago matapos ang retreat bilang pasasalamat sa lahat ng kabutihan ng Diyos.
Bago kami lumisan sa Baguio, alam ng lahat kung ano ang magiging misyon sa pang-araw-araw na buhay; ano ang gagawin pagbalik sa magulong daigdig, paano pananatilihin at susuklian ang pagmamahal ng Diyos. Isa ang sigurado; kasama Siya pagbaba namin ng bundok!