Liwayway

Nang Walang Nakakarini­g

- George Deoso

ANG sabi mo noon, P’re, madali lang matutuhan ang C scale sa biyulin. Sabi mo, basta maaral ko ito’y madali ko nang matututuha­n ang iba pang key signatures. Baguhan lang ako. Bago rin sa pakiramdam ko ang mga daliri mong inaayos ang daliri ko sa mga kuwerdas.

“Dito ang Do,” sabi mo, “ang C. Dito ka magsisimul­a.” Malamig ang daliri mo noon, dahil siguro sa aircon ng kuwarto. Tayong dalawa lang ang nandoon, bukod sa isang upright na piyano, mga music stand sa harap natin, at ilan pang gamit ng mga estudyante’t guro ng music center. Ilang Sabado na ba akong pumupunta sa music center na nagtuturo si Tita Alba? Ikaapat, siguro. Pero wala noon ang nanay mo – na noo’y Miss Alba pa ang tawag ko. Nang tinext niya ako na ikaw muna ang magtuturo sa akin, nag-reply lang ako ng “Noted, Miss A” pero sa totoo’y di ko alam ang dapat asahan. Minsan na kita noong nakita sa music center, bago pa man ang unang beses na tinuruan mo ako. Noo’y di ko alam na anak ka ng guro ko sa biyulin. Nagtaka ako siyempre, kung sino iyong matangkad na lalaking tila walang lugar sa paaralan ng musika. Akala ko’y modelo ka noon, iyong tipong rumarampa nang panloob lamang ang suot. Iba ang pakiramdam ng nakikita ka lang dati sa reception area, ni hindi tayo nagngingit­ian, kumpara sa ngayong nakatayo ka na sa harap ko at parang repleksiyo­ng nauna nang ilang segundo, inuudyok akong gayahin ang posisyon ng iyong mga daliri. “Dito, oo, tama, ayan. Sige. One, two, three…”

Sabay nating ipinadaan ang bow sa kuwerdas ng kanikanyan­g biyulin. Tugmang tugma. Laking pasalamat ko at nakinig ako sa nanay mo, kung papaanong iwasan na matamaan ang di dapat matamaan na kuwerdas. Inudyok mo akong sabayan kang magbilang. One, two, three, four.

“Sunod na nota, Re, D. That’s an open string.”

“Dito ang sunod, at ang susunod.” E, F, G, A, B, C. Isang oras mo akong tinuruan hanggang sa malaman ko kung saang bahagi ng mga kuwerdas ilalagay ang mga daliri sa tuwing magpapalit-nota sa C major scale.

“Akala ko puro bowing exercises lang matutuhan ko,” sabi ko sa iyo habang ibinabalik ko na ang biyulin at bow sa case nito.

Napangiti ka. Sabi mo: “Naku, ganoon talaga si Mama. Medyo mabagal magturo, pero at least pag nag-umpisa ka nang tumugtog, maiiwasan mo na ang mga bad habits ng amateur musicians. Tingnan mo, ang dali lang para sa ‘yo.”

“Hindi naman madali. Pero ikaw, saan ka madalas tumutugtog?”

“Sa school.”

“Propesor ka rin?”

“Hindi, ayoko. Kaya lang naman kita tinuruan kasi maysakit si Mama ngayon. Ayokong magturo.” “Paanong…”

“Kumukuha ako ng Bachelor of Music sa Saint Saenz University. Major in piano, minor in violin. Exact courses ni Mama.”

Nagtaka ako. Akala ko’y graduate ka na, parang magkasing-edad lang naman tayo.

“Varsity ako school namin. Naaantala ang pag-graduate sa kakalaro. Pero okey lang, mas gusto ko namang maging athlete kesa maging musikero. Rewarding din naman na bata pa lang, e, tinuturuan na ako. Di na masyado mahirap mag-catch-up sa school. Ikaw, may work ka na ba?”

“BPO.”

“Naku, mayaman ka na siguro.”

“Sapat lang para makabili ng mumurahing biyulin. Isang taon pa lang naman ako nagtatraba­ho, last year lang nagtapos.”

“E, ba’t mo naisipang mag-violin? Di sa dini-discourage kita, ha, pero ilang taon ka pang mag-aaral para makatugtog nang maayos.”

“Ang babaw ng dahilan, e.”

“Which is?”

“Napanood mo na ba ‘yung pelikulang Cinema Paradiso?” “Hm,” nag-isip ka saglit. “Pamilyar. Bakit?” “Napakagand­a ng love theme kasi ng pelikula.”

“Gusto mong matutuhan tugtugin?”

“Higit pa. Hindi ako puwedeng mamatay nang hindi iyon natututuha­ng tugtugin nang kasing galing ni Itzhak Perlman sa isa niyang performanc­e na napanood ko sa YouTube.”

“Babaw nga. Napakababa­w na pangarap, pare.” Tawanan tayo. Gusto mong ipaalala ko sa iyo ang tono ng love theme, at agad ko namang ipinarinig sa iyo kahit pa nahihiya ako at di siguradong di ako sintonado.

“Oo,” sabi mo pagkatapos kong iparinig sa iyo ang boses ko. “Maganda nga ang piece na ‘yan. Isa sa best ni Morriccone.”

Nang isasabit ko na sa balikat ang biyulin, tinanong mo ako kung kumain na ba ako. “Gusto mo lunch muna tayo?”

Doon siguro iyon nagsimula, pare. Sabay tayong lumabas sa kuwarto, pumunta sa reception area – kung saan kita unang nakita ilang linggo ang nakakaraan at kung saan sa oras na iyo’y naguusap ang isa sa mga estudyante at guro ng tselo, na susunod na gagamit ng silid.

Habang kumakain tayo sa isang fast food sa mall na naroroon din ang espasyong nirerentah­an ng music center, nag-usap tayo. Nalaman ko kung gaano ka kahilig sa pagba-basketball, kung papaanong wala lang sa iyo ang pagod at minsa’y galos. Na kaya ka kumuha ng musika sa kolehiyo dahil sa kagustuhan ng nanay mo. “Magkaiba ang saya ng pagtugtog at sa excitement ng paglalaro ng basketball.”

Nagkuwento rin ako, kaunti. Mga maliliit na bagay. Ang danas sa pagtatraba­ho sa BPO bilang ahente. O, di kaya’y ang araw na napanood ko, sa

, ang Cinema Paradiso. “Hanggang ngayon,” sinabi ko sa isang punto, “hindi ko mapigilang maiyak sa pagguho ng sinehan. Alam mo ‘yung pakiramdam na pinanonood mong winawasak ang lugar na saksi ng pagkabata at pagbibinat­a mo?” Sumangayon ka, tumango. Na parang dama mo rin ang kurot sa dibdib na kimkim ko. Na parang sabay tayong naupo noon sa klasrum at humagulgol.

Nang matapos tayong kumain, hiningi mo ang numero ng cellphone ko. “For updates,” sabi mo.

Umaga nang sumunod na Sabado. Dumating ako sa music center at naroon na si Miss Alba, gumaling na sa trangkaso. Nasa reception area tayong tatlo.

“Pero okey lang ba sa ‘yo,” tanong ni Miss Alba, “Kung si David na ang magtuturo sa ‘yo from now on? Para naman may silbi ‘tong si David at hindi lang laro nang laro.”

Nahihiya mong sinaway ang nanay mo. “’Ma, you don’t need to say that.”

“Of course, Miss A,” walang pag-aalinlanga­n ko namang sagot sa tanong.

Simula noo’y tuwing Sabado na tayo nagkikita. Alam mo bang masayang-masaya ako sa mga araw na iyon, P’re? Na kahit parang kumunoy ang Lunes hanggang Biyernes ko’y wala pa ring makakadaig sa sabik na dulot ng mga Sabado, kung kailan tinuturuan mo akong magbiyulin. Itinuro mo sa akin ang iba’t ibang scales, ang ilan pang mahahalaga­ng bagay na dapat tandaan sa teorya at pagbasa ng musika. Hindi ko pa nasasabi sa iyo, pero bilang guro, magaling ka. Hindi lang dahil marami kang alam. Napakarami mo ring ipon na pasensiya, lalo na sa tuwing nalilimuta­n ko ang mga bagay na naituro na.

“Watch your elbows,” sabi mo minsan. “Your wrist, don’t be too stiff.”

Minsa’y ginagabaya­n ng mga kamay mo ang mga daliri ko sa mga oras na nagkakamal­i ako ng nota, o ang bow ko tuwing lumilihis ang aking paghila.

Lumipas ang ilang mga Sabado, ang ilang mga buwan. Unti-unti, natututo na akong mag-sight-reading, tumugtog nang dire-diretso habang nakatingin sa music sheet. Natutuhan kong tugtugin ang “Twinkle-Twinkle Little Star.” Kalaunan ay ang Canon in D major, tapos ay ilang pinadaling piyesa nina Vivaldi at Bach. Lagi’t lagi’y sinasabaya­n mo akong tumugtog. Tila pinag-iisa ang una kong mga pagtatangk­a sa pagtugtog ng biyulin at ang siguradong pagtahak sa mga nota ng iyong bow, o kung minsan ng tiklado ng piyano sa ilalim ng iyong mga daliri.

Niyaya mo ako minsan manood sa isa mong laro. “Kung wala kang gagawin sa susunod na Sabado, after ng session natin.”

Hindi ako mahilig sa sports. Pero dahil sa puntong iyon ay itinuturin­g na kitang kaibigan, pumayag ako. At sa totoo lang, matagal ko nang iniisip kung ano ang hitsura mo na nakasando at shorts na jersey at tumatakbon­g pawisan sa court, siguro’y malayong-malayo sa postura mo tuwing tinuturuan mo ako: naka-T-shirt o minsa’y jacket, nakapantal­on, tuwid na tuwid ang tayo.

Isinakay mo ako at ang biyulin ko sa iyong kotse papunta sa isang court sa Espedana. Sakto pala: magtatapat sa araw na iyon ang koponan ng eskuwelaha­n mo, na siyempre’y kabilang ka, at ang basketball team ng Omerosa State University, kung saan ako grumadweyt. Nasabi ko sa iyong magkalaban pala ang mga eskuwelaha­n natin.

“Oo. P’re, at masasaksih­an mo ngayon ang pagkatalo ng school niyo,” sabi mo na may halong biro.

Pero hindi ka nagbibiro. Unang quarter pa lang ay natambakan na kami ng iskor na kailangan mahabol. Mabuti na lang ay wala naman akong pakialam kung sino ang mananalo. Ngunit aaminin ko: iba pala ang manood ng basketball, o ng anumang sports siguro, nang live. Iba ang enerhiya mula sa mga nanonood na nakapalibo­t sa court. Kahit wala akong pakialam ay bumibilis ang tibok ng puso ko kapag may isang manlalaro na susubuking i-shoot ang bola, o kapag nagsisimul­a nang sumigaw nang kanikanyan­g cheer ang mga tagasuport­a ng bawat eskuwelaha­n.

Pansin ko rin na sa tuwing nasa iyo ang bola at papalapit sa ring ay mas malakas ang hiyaw ng mga kababaihan. Narinig ko pa, malapit sa bahagi kung saan din ako nakaupo, ang ilang babaeng sumisigaw: “Go! Go! Dave! Dave! We love you!”

At hayun ka’t inihahanda ang sarili para sa isang threepoint shot. Basa na ang buhok mo. Inangat mo ang iyong mga braso’t bisig, na kumikinang din dahil sa pawis. Lumipad mula sa kamay mo ang bola at tinahak nito ang mahaba ngunit siguradong distansiya ng inyong pagkapanal­o. Samantalan­g ako’y nakaupo sa gitna ng alon ng sigawan. Magkasalik­op ang mga kamay sa harap ng dibdib, gusto ring humiyaw.

Matapos ang dalawang taon ng pag-aaral sa music center, pumayag na akong maging bahagi ng taunang recital, sa kondisyon na ikaw ang magiging accompanim­ent ko at hindi ang nanay mo.

“Oo naman,” sabi mo nang nalaman mo ang gusto kong mangyari. Nasa bahay niyo ako, Linggo iyon. Madalas na tayong pumunta sa bahay ng isa’t isa para tumambay, o di kaya’y tumagay paminsan-minsan. Kilala ka na ng mga magulang ko at sa puntong iyon ay Tita A na ang tawag ko sa nanay mo.

Napagkasun­duan natin ang mga piyesang tutugtugin. Syempre, isa na roon ang love theme ng Cinema Paradiso, at ang isa naman ay ang Humoresque No. 7 in major

Kinabahan ako noong mismong araw ng recital.

Sinabi niya ang mga bagay na kay tagal na niyang gustong sabihin, mga salitang matagal nang naghihinta­y na kumawala sa kanya…

Pakiramdam ko’y hindi ko magagalaw ang kamay ko, na anumang oras ay maging sharp o ang mga nota.

Sa isang stage sa gitna ng mall ginanap ang recital. Maraming nanonood, hindi lang ang mga magulang at kasama ng iba pang estudyante ng music center, kundi pati na ang mga naglalakad-lakad na mamimili ng establisim­yento. Nang ako na ang tutugtog, tumayo ako sa stage, at pinalitan mo naman sa harap ng piyano sa isang bahagi ng entablado si Tita A. Huminga ako nang malalim at sinimulan ang pinabagal na interpreta­syon ng Humoresque.

Maayos naman sa umpisa. Nakakasaba­y ako sa iyo, malinis na mga nota na sumasabay sa pagdapo ng mga daliri mo sa piyano. Ngunit nang makarating sa kalahati ng piyesa, ilang nota ang hindi ko natamaan ng tama. Nang matapos, nanatili akong nakatayo sa gitna ng entablado, nangingini­g. Hindi alam kung paano uumpisahan ang susunod na piyesa.

“Peter,” tinawag mo ako at napatingin ako sa iyo habang nakaupo ka sa bangkito ng piyano. “Relax. Kaya mo ‘yan.”

Napangiti ako. Hindi ako kumalma dahil sa kung ano ang sinabi mo, kundi sa kung papaano ka ngumiti sa akin. Na parang okay lang ang ginawa ko kanina, na parang buo ang tiwala mong kaya kong tumugtog na kasing galing mo, o kahit pa ni Itzhak Perlman. Tinuruan ako ng postura mo na maniwala sa sarili.

Tumayo ako muli nang diretso, inayos ang biyulin sa aking balikat, ipinatong ang bow sa kuwerdas. Hindi ko na alintana ang mga nanonood. Dumapo muli sa tiklado ng piyano ang iyong mga daliri, at huminga ako nang malalim.

Dire-diretso akong tumugtog, halos hindi inaalis ang titig sa iyo. Ikaw na gumagabay sa akin kung saan man patungo ang aking musika.

***

Isinama mo ako sa isang malaking laro niyo minsan. Naka-graduate ka na noong mga panahong iyon, at kabilang ka na sa koponan na ipinangala­n sa – at binabayara­n ng – isang kumpanya ng gasolina. Napapanood ang mga laro niyo sa lokal na broadcasti­ng channel sa Isla Soledad. Madalas mo akong imbitahan sa mga laro mo, at nasanay kang sumasama ako palagi, kahit pa ilang beses ko nang sinabi na hindi ako mahilig sa sports.

Hindi ako mahilig sa sports, pero naroon ako’t pinanonood ka. Ikaw at ang bola ng basketball, ikaw at ang mga teammates mo, ikaw at ang malalaki at malalakas mong bisig, ang balbas na sinimulan mong patubuin na nakakakili­ti sa leeg ko tuwing niyayakap mo kapag natatapos ang mga laro mo na panalo kayo. Yayakapin mo kahit pawisan ka. Pagkatapos ay isasama mo ako sa kung saan magtitipon ang mga teammates mo para ipagdiwang ang inyong pagkapanal­o.

Ipinakilal­a mo ako at naging tropa ko na rin ang ilan sa kanila. Inuman, kainan, hindi mo ako nalilimuta­n isama. Malaon ay ihahatid mo ako sa bahay. Sa kuwarto ko sa mga gabi pagkahatid mo sa akin, habang nakahiga nang hindi pinapalita­n ang damit na may bahid pa ng iyong tagumpay, magdamag akong nakangitin­g nakatulala, magdamag na naghihinta­y sa antok na nahihiyang dumapo.

Sa partikular na laro na iyon nahirapan ang koponan niyong manalo. Magaling ang kalaban, na ipinangala­n din sa isa pang kompanya ng gasolina. Kinailanga­n pa ng isang OT bago mo nakuha ang bola, nakapuwest­o kung saan ika’y makaka-three points, at sa isang angat at tulak ng iyong mga kamay na gumabay sa aking pagtugtog ng biyulin, pinalipad ang bola. Swak na swak. Walang tunog na pumasok ang bola sa ring, parang hangin na dumaplis lamang sa net. Sigawan ang mga tao. At ako rin, sumisigaw sa tuwa. Nagtatatal­on ang mga teammates mo, tinatapik ka sa likod, sa ulo. Sa isang banda’y binuhat ka pa nila habang sa paligid ay umuulan ng confetti.

Nakita mo ako at dagli kang lumapit sa akin.

“Congrats, p’re” sabi ko, habang tinatapik ang mainit mong balikat.

Ngumiti ka, at sa akin pa ring pagkagulat, niyakap mo ako. Sinabi mo: “Salamat sa pagpunta. Lucky charm na siguro kita, P’re, kaya kami laging nananalo.”

Kumalag ako sa yakap at sinabi iyo, habang hawak ka sa mga braso: “Ulol.”

Tawanan tayo. Pero sa pagkakatao­ng iyon ay parang gusto ko munang lumayo ka sa akin. Di ko alam noon kung bakit, P’re. Basta ang alam ko, para akong nalulunod sa halong tuwa para sa iyo at sa sensasyon ng iyong balat sa aking balat, ng iyong balbas na lalong nagpapalit­aw sa mapungay mong mga mata, ng init ng iyong katawan. Mabuti na lang at nagsalita na ang announcer at hinila ka ng teammates mo pabalik sa gitna ng court. Iaanunsiyo ang MVP.

“Scoring 58 points for the team for this game alone, our Most Valuable Player for this season is…David Crisostomo!”

Sigawan. Palakpakan. Matapos niyon ay inanunsiyo na rin ang mga runner-up at kampeon sa basketball season. Nang maigawad sa team ninyo ang malaking tropeo, lumapit ka muli sa akin.

“Kakain kami sa labas. Treat ni Coach.

Hindi ka puwedeng humindi.”

Ano pa bang sasabihin ko kundi: “Okey, sige. Sabi mo, e.”

Pinisil mo ako sa pisngi at, dahil sa sakit, sinuntok kita nang pabiro at sinabihang “Gago.”

“Labyu too,” sinabi mo habang humahagikg­ik.

Maya-maya, habang inaayos ko na ang backpack ko dahil papaalis na tayo, isang babae kumalabit sa iyo.

“Puwede bang magpa-picture, Dave?” Inobserbah­an ko ang babae. Angkin niya ang padron ng isang babaeng masasabing may hitsura: makinis, maputi, seksi, at mukhang hindi pa nakakagawa ng kahit

anong kasalanan. Bagay kayo. T-shirt at short ang suot niya, sa harap ng pantaas ay nakatahi ang numero ng iyong jersey.

Dahil sa tangkad mo, kinailanga­n mong ayusin ang pagkakatay­o mo upang pumantay ka kahit papaano sa babae. Kinuhaan kayo ng litrato ng isa sa mga kaibigang kasama ng babae. Nakaakbay ka sa kanya, halos magkalapit na ang inyong mga mukha.

***

Ganoon lang, Pare. Hindi naman natigil ang mga pagtuturo mo sa akin ng biyulin tuwing Sabado ngunit dumalang ang mga pagkakatao­ng niyayaya mo ako pumunta sa mga laro mo. Ilang buwan pa lang ang lumipas, akalain mo. Pati ang pagbisita natin sa bahay ng isa’t isa’y dumadalang na rin.

Isang araw, sa wakas, ay ipinakilal­a mo na siya sa akin.

“Si Delia, pare,” sabi mo sa akin isang Sabado. Nasa reception area kayo, kapuwa nakaupo sa mesa kung saan pinapapirm­a ang estudyante para sa kanilang attendance nang buksan ko ang pinto ng music center. “Girlfriend ko.”

Lumapit ako sa inyo at kinamayan si Delia. Hindi ko na maalala, Pare, kung ano ang sinabi ko sa iyo o sa kanya noon. Basta ang alam ko, at dama ko, na ayoko munang magpatuloy sa leksiyon natin.

Tunay na maganda nga siya, at malambot sa kamay ko ang kanyang palad. Mahinhin, mabango, at mukha talagang naliligo sa holy water.

“Number one fan ko daw siya,” naikuwento mo maya-maya habang ginagawa natin ang mga warm-up exercises natin. Parehas nating hawak ng dalawang kamay ang magkabilan­g dulo ng kanikanyan­g bow, inaangat at ibinababa ang pupulsuhan.

Tahimik lang si Delia na, sa aking pagkadisma­ya, pinaupo mo sa bangko ng piyano sa loob ng kuwarto kung saan mo ako palaging tinuturuan. Tuwing nagkukuwen­to ka’y nakangiti lang ito, minsa’y pumipindot-pindot sa mga tiklado ng piyano. Napakagand­a ng mga daliri niya. Hindi ko alam kung bakit tuwing tumutunog ang napipindot niyang tiklado, napakabiga­t ng bagsak nito sa aking tainga. Nabibingi ako kahit siguro’y walang kapuwersa-puwersa ang pagdapo ng daliri niya sa mga nota malapit sa middle C.

Sabi mo: “Palagi pala siyang pumupunta sa mga games ko, alam niya ang mga laro kung saan nanalo o natalo ang team na kinabibila­ngan ko.”

Umusad tayo sa isa pang warm-up exercise. Hawak ang kani-kanyang bow sa isang kamay, iginagalaw natin ito sa padron ng isang arko. Mula kanan, pakaliwa, mula kaliwa, pakanan. “Napakasuwe­rte niyo sa isa’t isa,” sabi ko.

Bigla, nang iginalaw ko ang bow papunta sa kanan, dumulas ito sa kamay ko at bumagsak sa pagkakinan­g-kinang na sahig. Pinulot ko ito at sinubukang magpatuloy.

*** Naaksident­e ka sa isang laro mo minsan, nagkamali ng bagsak, nauna ang kaliwang braso. Nangyari iyon sa isang laro kung saan hindi mo ako inimbita. Nalaman ko na lang sa TV nang ipinakita sa lokal na balita ang footage ng iyong pagbagsak, kung papaano’y marahil sa kasabikan ay dumulas ang kamay mo mula sa ring na sumabit ka matapos magdunk.

Nang puntahan kita sa ospital, isang araw matapos ang insidente, naroon siyempre si Delia. May kung anong matigas na bagay na nakapalibo­t sa braso mo.

“Kailangan sementuhin ang braso niya,” sabi ng girlfriend mo.

Parehas kaming nakatingin sa iyo at nginitian mo naman kami na para bang walang nangyari. “Pare,” sabi mo. “Mukhang di muna tayo magmi-meet sa Sabado.”

“Kung ganoon,” sabi ko. “Titigil na akong magbiyulin.”

“Gago, subukan mo.” Tawanan tayo. Saglit tayong nagkuwentu­han, kasama si Delia, at maya-maya’y kasama rin si Tita A na dumating na may dalang mga prutas. Hindi ako naglagi. “May shift pa ako, p’re,” pagpapaala­m ko sa iyo.

“O, sige, see you when I see you na lang, pare.”

Iniangat mo ang maayos mong braso, ang kamao nito, at ibinangga ko ang sarili kong kamao dito. Fistbump. Hanggang doon na lang, at umalis na ako sa ospital. “Matagal ka na rito, ‘no?” minsang sinabi ni Tita Alba. Sumang-ayon ako. Limang taon ko na ring ginugugol ang mga Sabado ko sa music center. “Alam mo,” pagpapatul­oy niya, “Kung sakali, puwede kitang kunin na assistant instructor dito, lalo na para sa mga baguhan pa lang. Mukhang mahihirapa­n kasi si David.”

Nadama ko ang lungkot sa tono ng nanay mo. Ilang taong pag-aaral ng musika sa kolehiyo, mababalewa­la lamang ng isang maling bagsak. Mabuti na lang at sa paggaling ng braso mo’y kaya mo pang maglaro ng basketball. Sadya lang talagang mas mahihirapa­n ka sa mga mas pinong pagkilos na kailangan para sa pagtugtog ng biyulin.

Nagkusa akong pumunta sa bahay niyo minsan. Kay tagal mo nang hindi nagagawi sa music center, mas lalo na sa bahay ko. Nakikita na lang kita sa TV at nalalaman kung kumusta ka na tuwing napapag-usapan ka namin ni Tita Alba. Hindi mo naman ugaling mag-social media kaya walang silbi na rin kung magse-send ako ng direct message sa iyo online.

“O, pare, long time no see!” sabi mo nang makita ako sa labas ng gate niyo matapos mo akong labasin nang mag

doorbell ako. “Long time no see talaga,” sabi ko. Pinapasok mo ako sa bahay niyo, parang dati. Tinanong mo kung gusto kong kumain, at siyempre’y sinabi kong hindi. “Tumoma na lang tayo,” sabi mo.

Mas mabuti, sabi ko. Natuwa naman akong nagkataong wala si Delia noong araw na iyon sa bahay niyo. Nakakatuwa rin na kahit papaano’y tila walang pagbabago sa pagbisita ko, na tila linggo-linggo pa rin nating nakikita ang isa’t isa kahit ang totoo’y mag-iisang taon na nang personal kitang nakausap. Hindi masyadong nagbago ang hitsura mo. Bukod siguro sa mas magandang pagkakauki­t ng masel sa mga braso mo. Nakasando at shorts ka, tulad ng mga dati kong pagpunta sa bahay mo. Mas maganda na ngayon ang pagkakaayo­s mo sa iyong bigote. Stubble na lang: hindi masyadong makapal, at hindi rin masyadong manipis.

Kumuha ka ng rum sa kusina, inilapag ang bote sa mesa sa inyong sala, at umupo tayo sa sofa habang kaharap ang patay na TV. Naaaninag ko ang silweta nating dalawa sa iskrin nito. Nagkumusta­han, nagbalitaa­n, at hindi nagulat na tila wala masyadong pagbabago sa kani-kanyang mga buhay. Ako, ahente pa rin na natututong tumugtog ng biyulin, ikaw, sikat pa rin na basketboli­sta. May ilan din namang pagbabago. Halimbawa’y iniisip kong bumalik sa kolehiyo at kumuha ng kurso sa Musika, upang magkaroon ng credential­s para maging instructor sa music school niyo. Ikaw nama’y habang umuusad ang karera sa basketball, unti-unti mo nang nalilimot ang pagtugtog.

“Pero minsan,” sabi mo bilang paglilinaw, “nami-miss ko rin naman. Sinusubuka­n kong tumugtog pero hirap na talaga ako dahil sa braso ko. Lalo na’t injured din kase wrist ko. Tingnan mo.”

Kinuha mo ang isa sa mga biyulin na nakaayos sa gilid ng sala. Ipinatong ito sa iyong balikat, inayos ang hawak sa bow. Sinubukan mong tugtugin, habang nakaupo, ang isang Concerto, na noo’y itunuro mo sa akin noong nag-uumpisa pa lang ako. Natatamaan mo naman ang mga nota, subalit halata na hirap ka sa shifting, sa paglilipat ng posisyon ng daliri sa iyong kaliwang kamay. Ni hindi ka makagawa ng isang malinis na vibrato.

“May paraan pa siguro,” sabi ko. Pinatayo kita mula sa sofa at ako’y tumayo rin. Inayos ko ang posisyon mo, hanggang sa nakatayo ako sa likod mo, hawak mo pa rin ang bow at nasa ilalim pa rin ng baba mo ang chin rest ng biyulin. Samantalan­g pinaayos ko sa gilid mo ang kaliwang kamay mo. “I-relax mo na lang ‘to, p’re,” sabi ko.

Ako ang humawak sa . Tumingkaya­d ako nang kaunti dahil matangakad ka, at ipinagtabi ang mga balikat natin upang maiayos ko ang mga daliri ko sa paraang tila kamay mo pa rin ang may hawak dito. Kakaiba ang anggulo at aaminin kong nahirapan ako sa pagpuwesto pa lang.

“Mukha tayong tanga, alam mo iyon?” sabi mo.

Wala akong pakialam, gusto kong sabihin. Sinabi ko na lang, “Try lang naman. Malay mo, maramdaman mo pa rin ang kasiyahan ng pagtugtog.”

Sinimulan mo ang pag-bow. Sinabayan ko ng paglipat ng mga daliri ko sa kuwerdas, ayon sa mga nota ng Concerto. Sa una’y nahirapan tayo, hindi nagkakatug­ma, dahil magkaibang utak ang nagmamanip­ula sa bow at kuwerdas. Ngunit malao’y tila sumanib sa atin ang kaluluwa ng musika, at tila isang pag-uusap ang nagaganap sa kanang kamay mo at kaliwang kamay ko. Nadala tayo sa agos nito. Uminit ang sala pero hindi natin alintana. Naamoy ko ang malinis na pawis sa buhok mo, sa maputi mong batok. Umiinit ang bisig mo sa bisig ko. Hindi tayo tumigil kahit natapos ang piyesa. Nang hindi nag-uusap, napagkasun­duang ulitin ang Concerto. Sa tainga ko’y perpekto ang lahat. Siguro’y dahil madali lang ang piyesa.

Nang sa wakas ay natapos natin ang ikalawang pagtugtog, saglit tayong nanatili sa gayong posisyon. Parang gustong kumawala ng puso ko, magtungo sa malayo, kung saan walang makakahana­p, kahit ako. “David…” bulong ko sa likod ng tainga mo.

Hindi ka sumagot pero ko alam kong nakikinig ka. Naghihinta­y.

Nagsalita ako.

Nagsalita ako, pare.

Sinabi ko ang mga bagay na kay tagal ko nang gustong sabihin, mga salitang matagal nang naghihinta­y na kumawala sa akin.

Nang matapos ako’y kinuha ko ang biyulin sa balikat mo upang hindi ito bumagsak. Napayuko ako. “Pasensiya na,” sabi ko habang nakatingin sa likod ng mga paa mo.

Humarap ka sa akin at namalas ko ang mukha mo. Ang makinis mong mukha, ang pawis sa ibabaw ng bibig mo. Nakangiti ka, na para bang nagbiro ako. Sabi mo, “Gago ka talaga, pare.” At tumawa ka.

Tumawa na lang din ako, na parang biro lang ang lahat ng sinabi ko.

Ipinagpatu­loy natin ang pag-inom, sa sofa, hanggang maubos natin ang isang bote ng alak.

Ilang taon na ba ang lumipas, Pare? Kay tagal na nating magkaibiga­n. Kay rami ko nang natutuhan sa iyo. Ilang linggo ang nakakaraan, pumunta ka sa bahay ko dala ang imbitasyon para sa kasal niyo ni Delia.

“And I’d like to ask you a favor: puwede mo bang tugtugin ang paborito mong love theme sa kasal ko? Can you be my soloist? Gusto ko sanang tugtugan din ang magiging asawa ko, kaso,” inangat mo ang kaliwang braso mo, “alam mo naman.”

Ano pa bang itutugon ko, David? Heto ako ngayon at nakatayo sa harap ng maliit na orchestra na binubuo ng mga kaklase mo sa kolehiyo, ang ila’y naging kaibigan ko na rin. Tumutugtog kami ngayong sa reception ng kasal niyo. Nasa gilid kami ng entablado, habang kayo’y naroroon sa gitna, sumasayaw ng isang mabagal na sayaw.

Hawak mo siya sa baywang habang magkadikit ang mga noo niyo, ang mga ilong. Kay ganda niya, at sa mata ko’y tila nagliliwan­ag ka sa tuwa.

Naalala mo kaya noong recital? Kung paano mo ako tiningnan mula sa piyano?

Alam mo kayang handa akong maging kaliwang kamay mo kungkinaka­ilangan?

Natutuhan ko na yata ang lahat ng pundementa­l na leksiyon sa pagtugtog ng biyulin, at masasabi kong kahit papaano’y pamilyar na ako sa mga kumplikado­ng teknik na magbibigay kulay sa pagtugtog ko. Kailangan ko na lang mag-ensayo. Ensayo para sa mga pagkakaton­g tulad nito, na ako’y tumutugtog, at ika’y sumasayaw.

Natapos ang tema ng pag-ibig. Sinabi ko sa mga kaklase mo ang susunod na piyesang nais kong iparinig sa iyo, at nang magsimula kami’y bumaling ang tingin mo sa akin. Nanghina ako. Nanginig. Ngunit hindi ako ngayon matitinag, aaralin kong di matinag.

“Kundiman” ni Bonifacio Abdon ang piyesang napili ko. Dahil itinutugto­g ko na ang musika sa biyulin, hindi ko magagawang kantahin ang titik. Kakanta na lang ako sa isip. Kakantahin ko, nang walang nakakarini­g:

Sa tapat ng laging palangitin­g araw

Na lumalagana­p sa dagat silangan

May mutyang masuyo’t libid kayamanan

Na giliw ang handog sa pusong may damdam…

 ??  ?? “Sunod na nota, Re, D. That’s an open string.” “Dito ang sunod, at ang susunod.” E, F, G, A, B, C.
“Sunod na nota, Re, D. That’s an open string.” “Dito ang sunod, at ang susunod.” E, F, G, A, B, C.
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines