Corona Virus
NAYANIG ang buong mundo dahil sa Corona Virus na nagmula sa China na sinasabing nakuha ito ng mga Chinese sa paniki at ahas. Ngayon ay sinasabing hindi ito nagmula sa hayop kundi gawa ng tao. Ang mga sintomas ng virus na ito ay lagnat, ubo, kinakapos ng paghinga, at nakakaramdam ng pagod. Hanggang sa ngayon ay wala pang nagagawang lunas sa sakit na ito. Ang incubation period nito ay labing apat na araw at ang pinakamatinding komplikasyon ay pneumonia.
Sa kasalukuyan ay naalarma ang buong mundo dahil ganoon na lamang ang mabilis na pagkalat nito kasama na ang Pilipinas. Upang mapigilan ang matinding paglobo ng mga biktima at masugpo ang virus ay nag-lockdown ang Metro Manila at sumunod na rin ang marami pang siyudad at munisipalidad ng bansa. Walang pinipili ang sakit na ito kahit na sino ay puwedeng mahawaan gawa ng hindi sinasadyang pakikisalamuha sa mga taong mayroon nito. Nagkaubusan na ng facemask at alcohol at nagmahal na rin ang lahat ng bilihin. May mga naaberya sa kalsada at hindi makatawid sa kanilang lugar dahil sa lockdown at may mga namroblema naman dahil sa curfew. Ngunit ang pinakanaapektuhan ay ang mga mahihirap sa usaping kabuhayan, na kung hindi sila gagalaw ay walang maisusubo sa araw-araw.
Iba’t ibang kautusan at payo ng pamahalaan para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino. Sa pagkakataong ito ay hindi kailangan ang debate, diskusyon at ang katigasan ng ulo, na ang kailangan ay sumunod lalo na ang pananatili sa bahay, laging paghuhugas ng kamay, at ang pagsunod sa dalawang metrong distansiya sa mga pampublikong lugar. Iba’t iba rin ang ginawa ng mga mayor at kapitan ng barangay sa kanikanilang kinasasakupan. At sa kabila ng sigalot na ito ay marami pa ring bayanihan ang nangyari.
Bilang mamamayan ng Marawi na hindi pa nakakabangon mula sa Marawi siege noong 2017, heto’t dumating ang isa pang suliraning kinakaharap ng mga Meranaw. Nawala na sa kanila ang pagbibisitahan at nagagawa na lamang ang kumustahan sa tawag, text, o chat. Nanatili ang lahat sa kanikanilang tahanan. Ramdam ko ang pananabik ng asawa kong makabisita sa kanilang lugar na nasa ibang munisipalidad ng Lanao del Sur upang makita ang inang maysakit gawa ng stroke at katandaan. Ngunit sa kabuuan, ang magandang bunga ng kasaysayang ito ay ang pagkakaroon ng maraming oras sa pamilya, na magkakasama sa almusal, panaghalian, at hapunan. Nagkaroon ng panahong pakinggan ang kuwento ng bawat miyembro ng pamilya. At sama-samang manalangin upang malagpasan ang sigalot na ito.
Buntis ako nang maganap ang Marawi siege at matinding sakripisyo ang pinagdaanan upang makaligtas lamang kami ng batang nasa sinapupunan ko. At ngayong narito ang virus ay ipinagbubuntis ko naman ang ikalawa kong anak. Nasa loob ko ang kaba at takot dahil alam kong isa sa mga madaling kapitan ay ang isang buntis. Bumalik sa akin ang
kabang naramdaman ko noong panahon ng pagkubkob ngunit iba ang sitwasyon ngayon dahil hindi nakikita ang kalaban, na kahit sino ay puwedeng pagsuspetsahan, at napapabuntunghininga na lamang ako sa salot na ito sa mga kasalot-salutan. Tunay na nakakatulero ngunit kailangan kong maging alerto at batid ang mga nangyayari at balita sa paligid.
Sa panahon ngayon ng sakuna, ang mga Meranaw ay tunay na namroblema gaya ng ibang Pilipino ng bansa. May ilang matitigas ang ulo pero mas marami ang disiplinado lalo na nababatid nilang hindi lamang sila ang maaapektuhan kundi kasama ng mga taong nakakasalamuha nila lalo na ang kanilang pamilya. Nakakatakot mamatay na kinatatakutan ng marami at kahit isa sa miyembro ng pamilya at mga kamag-anak ay walang makikilibing. Kaya minabuting manatili sa bahay ngunit nakakabagabag tuwing lumalabas upang mamalengke, nakakapag-alala ang mga taong nakakasalubong, nakakasama sa pamimili at kasama ng inaaalala ang tindera na baka siya mismo ay infected. Dahil sa virus na ito na buong mundo ang nawindang, napaisip ako kung ito nga ba ay senyales na malapit ng magunaw ang mundo? Ang daming gumagambala sa loob ko ngunit kung minsan, hinahayaan na lamang ang mga pag-iisip-isip kasi baka mas lalo akong patayin nito kaysa sa virus.
Bilang taong gusto lagi ang manatili sa bahay ay hindi naging problema sa akin ang payo ng DOH na manatili sa bahay. Kung minsan ay nagbubukas ng Facebook at dito nababasa ang iba’t ibang balita. May kani-kanya ring kuwento ang bawat isa at maraming nakakalungkot na posts. Gayundin ang mga posts na nagbibigay naman ng ngiti sa bawat indibidwal. Naroon ang nag-panic buying ang mga magulang at gayon naman ang pag-panic eating ng mga anak, ang pagpanic ng packer ng asukal na nakasulat sa cellophane ay brown sugar pero puting asukal ang laman, nabilang na ang tiles nila sa buong bahay, napaghiwalay niya ang asukal, kape, at gatas sa 3 ‘n 1, ang lahat ng posisyon sa kama ay nagawa na’t lahat ng sulok ng bahay ay napuntahan na, ang mga nakakatawang face mask gawa sa brief, napkin, at balat ng niyog, at kung ano-ano pa na pampa-good vibes.
At bilang isang ina, gusto kong maprotektahan ang bawat tao sa aming bahay para sa aking anak at sa batang nasa sinapupunan ko. Gusto kong makita nila ang maganda’t makulay na mundo, gusto kong magkakasama kami ng kanilang ama na masaya at mapayapa, at gusto ko silang makasama at maihele nang matagal na panahon. Alam kong makakabangon ang lahat sa sigalot na ito basta sama-sama’t kapit-kamay; naririyan ang pagkakaisa’t pagkakaunawaan, may pagpapahalaga sa bawat isa, kooperasyon at teamwork, at samahan ng panalangin upang puksain ang Corona Virus na gumagambala sa sangkatauhan.