Paano Unang Nahayag Sa Publiko Ang Marikina Valley Fault System?
“NANG oras ding iyon ay lumindol nang napakalakas at nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod at pitong libong tao ang namatay. Ang mga natirang tao ay natakot, at niluwalhati nila ang DIYOS ng kalangitan.” - Pahayag (Apokalipsis) 11:13, Magandang Balita Biblia.
Mahigit tatlong dekada na ang nakaraan, noong mga panahong iyon, ni walang nakaaalam sa mga mamamayan tungkol sa isang malaki at mahabang bitak sa ilalim ng lupa na gumapang mula sa bundok ng Sierra Madre sa hilagang Luzon at dumaan sa kalakhang Maynila at tumuloy sa kanlurang bahagi ng look ng Laguna patungong lawa ng Taal.
Sa , ang Marikina Valley Fault System (MVFS) ay napagusapan lamang noong 1923. Nang mga panahong iyon, ni hindi batid ang eksaktong kinaroroonan nito; ni ang geography at kasaysayan ng kabitakan o fault na ito. Ni hindi ito nababanggit sa mga talaan maliban sa mga pahina ng lumang-lumang geological records, at sa mga halos gapok at hindi na mabasang dokumento sa mga dockets ng dating Philippine Weather Bureau.
Dito, inaamin ko na po! Ako po ay kasapakat ng taong naging dahilan upang ang MVPS ay mahayag sa publiko. Pahintulutan ninyong ihayag ko ang mga pangyayari.
Noong Setyembre 1990, humigit-kumulang dalawang buwan lamang ang nakaraan matapos ang Magnitude 7.7 na lindol ay sumalanta sa Baguio at Cabanatuan, nasa Ma Moon Luk sa Quezon Boulevard po ako kasama ang GMA-7 at DZBB broadcast journalist at news reporter na si Lito Villarosa, ang cause-oriented na samahang Lupang Ugnayan founder na si Dominador “Ka Domeng” Arellano, isang geodetic engineer (na hindi ko na matandaan ang pangalan), at si ginoong Elpidio “Ka Pidiong” de Chavez, isang civic group leader mula Sampaloc. Ang pagpupulong ay tungkol sa kung paano namin tutulungan ang isang komunidad sa Sampaloc na nakatakdang gibain ang mga bahay, na batay sa aming pagsasaliksik ang titulo ng nag-aangkin sa lupa ay kung tawagin ng mga abugado sa English ay “highly questionable.” Sa madaling salita, matapos ang pagpupulong at pagkain, tumungo ang paksa ng usapan tungkol sa kararanas lamang na lindol. Ang katanungan ay kung bakit ang intensity (VII) ng pagyanig sa Metro Manila ay napakalakas gayong ang epicenter ng lindol ay humigit-kumulang 200 kilometro ang layo. Ang sagot ko, at gayon din ng kasama naming geodetic engineer, ay dahil sa malambot na ilalim o soft soil subterranean geomorphology ng kalakhang Maynila. Sa kabilang dako, nagbigay ng tanong si Villarosa: “Paano kung may malaking faultline na dumadaan sa ilalim ng Metro Manila?” Nagkaisa kami na ito ay katugmang dahilan.
Si Villarosa ay naging matalik kong kaibigan mula pa nang una ko siyang makilala sa programang Tulong Madla ng DZXL, Radio Mindanao Network (RMN) noong katatapos ko pa lamang sa kolehiyo (1984). Magkahawig ang aming interes sa agham, pilosopiya, pananaw sa aktibismo at iba’t ibang ideolohiya, at maging sa mga aral ng Bibliya. Nabanaag ko sa kaniyang mukha na mayroon siyang natuklasan, subalit ilang buwan pa bago niya ito inihayag sa publiko.
Ako man ay may hinala mula pa noong ako’y nag-aaral sa University of Santo Tomas (UST), na may faults/faultlines sa loob ng Metro Manila. Natatandaan ko ang isang pagkakataon nang humingi sa akin ng tulong ang isang kamag-aaral na si David Padua sa kaniyang thesis tungkol sa Light Railway Transit (LRT) System. Lumalabas sa mga technical research materials na nakalap ko, sa mga geomorphologic surveys - soil tests - sa dadaanan ng LRT na may mga underground strata anomalies, lalo na sa bahaging pagtawid sa Pasig River. Malaking displacements o pagbaba ng lupa ang naitala sa mga lugar na ito sa loob lamang ng limang dekada. May mga hinalang nabuo sa aking isip subalit hindi pa ito lubhang maliwanag hanggang lumipas pa ang ilang taon, nang aking mabasa ang UNDRO Report (Basahin sa isyu ng Liwayway na Disyembre 1-15, 2019 ang artikulong “Lindol: Handa Ba talaga ang Pilipinas?”).
Isang pagkakataong naaalaala ko ay noong ako’y nagsisimula pa lamang magtrabaho sa ADD-Mayer (1987). Nagkukuwento ang aming boss na si Architect James Na sa amin ni Engineer Teopilo Go ng isang kamanghamangha insidente. Ang insidente ay tungkol sa isang 20-metrong concrete pile na lumubog ng lubhang malalim sa isang pukpok lamang ng pile-driver na tila ba walang laman ang lupa sa ilalim.
Ang mga geomorphologic curiousities na ito ay patungo sa pagsisiwalat ng isang napakalaking bagay!
Sinimulan ni Villarosa ang pautay-utay ng paghahayag sa kontrobersiya ng Marikina (Valley) Fault System sa kaniyang programa sa radyo. Nagkainteres dito ang iba’t ibang sektor ng
kabilang na ang noo’y PHIVOLCS Director Raymundo Punongbayan. Ang iba nama’y tinangkang pasubalian ang kaniyang exposé. Mayroon pa ngang isang geologist sa University of the Philippines (UP) na nagsabing ang “ang report ay lisya dahil ito ay ipinagawa ni Imelda Marcos.” Sinabi pa ng naturang geologist na “the fault is long dead!”
Ayon kay Villarosa, noong 1987, nakakita siya ng isang bungkos ng mga dokumento sa isang basurahan sa pasilyo ng Ministry of Human Settlement (MHS) na inihahanda na para sunugin. Ang ministry na ito ay binuwag sa utos ni Pangulong Cory Aquino. Nang tingnan at basahin ni Villarosa ang nilalaman ng mga dokumento, nalaman niyang ito ang 1976-1977 report ng United Nations Disaster Relief Organization (UNDRO) Coordinator sa Human Settlement Commission (HSC), na nagdedetalye ng systematic vulnerability analysis ng buong Metro Manila patungkol sa mga salantang-panganib na maidudulot ng lindol at baha. Kasama rin dito ang comprehensive report tungkol sa Marikina Valley Fault System (MVFS) at ang iba pang sangangbitak nito. Ipinagawa ang report na ito ng dating Unang Ginang Imelda Marcos, na siya rin noong ministro ng MHS, para gamiting batayan sa mga proyektong gagawin sa kaniyang tinatawag na “City of Man.”
Nang tanungin ni Villarosa ang supervisor kung bakit
susunugin ang mga mahahalagang dokumentong iyon, ang sagot sa kaniya, “Ang utos sa amin ng Malacañang ay sunugin lahat!” Dahil dito, ipinasiya ni Villarosa na kunin ang mga dokumento sa abot ng madadala niya.
Sa mga sumunod na buwan, halos arawaraw ay binabasa at pinag-aaralan ni Villarosa ang nilalaman ng mga dokumento. Nagtanong siya sa dalawang kaibigang professor, isa mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) kung saan siya nagtapos, at isa mula sa UP. Pagkatapos ay binigyan niya rin ako ng kopya at hiniling sa akin na tulungan ko siyang maunawaan ang nilalaman nito. Kapuwa rin kami gumawa ng pagsasaliksik sa mga bagay na may kinalaman dito. Lumipas pa ang ilang taon. Nasa DZBB at GMA-7 na siya nang simulan niya ang paghahayag tungkol sa MVFS.
Interesante sa akin ang nilalaman ng mga dokumento dahil may kaugnayan ito sa aking profession bilang structural engineer - ang malaman kung saang lugar maaaring magdulot ng malaking kasiraan ang isang lindol ay mahalagang bahagi ng structural design.
Nagtanong din ako sa aking dating guro sa UST Faculty of Engineering, na si Professor Francisco Limeta, na bihasa sa seismology at earthquake engineering, para sa kaniyang opinyon. Lubhang namangha si Prof. Limeta sa nilalaman ng UNDRO Report lalo na ang tungkol sa MVFS. Nagbuklat din siya sa kanilang talaan sa National Society of Seismology and Earthquake Engineering of the Philippines (NASSEP). Sinabi niya sa akin na batay sa mga nakalap niyang tala ng pag-aaral at pagsasaliksik, kasama na ang mga ginawa niya noong 1980s, dalawang malakas na lindol na yumanig sa Kamaynilaan noong ika-17 siglo ang posibleng nagmula sa paggalaw ng MVFS. Ito ay noong Nobyembre 30, 1645 at Agosto 20, 1658. Ang conclusion - buhay at aktibo ang MVFS!
Idinagdag pa ni Engineer Limeta na mayroon pang dalawang pinaghihinalaang kabitakan, mga fault traces na perpendicular sa MVFS na nasa loob ng Pasig River delta. Ito ay tinawag nilang Manila Faults 1 at 2. Wala pang nagawang malawakang pagsasaliksik sa mga faults na ito dahil ang mga ito ay nasa ilalim ng heavily-populated residential area (Ito ay binanggit din sa UNDRO Report).
Bukod sa mga ito, may mga nakalap din ako noong mga may-kaugnayang reports: 1) Isang pag-aaral noong1984 ng HSC na nagsasabi na may mga bahagi ng Metro Manila sa kanlurang panig ng Marikina River at sa ibabaw ng Pasig River delta at Tondo forsehore area ang bumaba ng humigit-kumulang 18 pulgada sa loob ng dalawa’t kalahating dekada, 2) Isang karagdagang ulat o addendum sa 1988 soil test report ng isang propose project site sa Pandacan, Manila, para sa Dynabuilt Construction kung saan ako nagtatrabaho ng panahong iyon, na nagsasaad na ang lupa sa lugar ay nagkaroon ng halos dalawang talampakang soil displacement sa loob lamang ng humigit-kumulang 20 taon, at 3) Ang geomorphologic curiousities na akin ng naunang nabanggit.
Ipinagpatuloy ni Villarosa ang kaniyang serye tungkol sa MVFS sa kaniyang radio program sa DZBB. Samantala, sinimulan naman ni Director Punongbayan ang pag-aaral at pagsisiyasat sa posibilidad na aktibo nga ang MVFS. Nagulat at naalarma siya sa naging . Batay sa na tinugmaan ng topographic map at aerial photo interpretations na ginawa noong Abril at Mayo (1991) sa Marikina Valley at sa mga kalapit na lugar, nakita at napatunayan na may pagbabago at paggalaw sa MVFS. Agarang iniutos ni Director Punongbayan na gumawa ng trenching at extensive mapping ng naturang fault system.
Sa mga pasimulang pagmamapa ng MVFS (Tingnan ang kalakip na PHIVOLCS 1991 Mapping), tinukoy ng PHIVOLCS ang mga sumusunod na subdivisions na nasa ibabaw o direktang nasa dinaraanan ng faultlines: Amityville, Christineville, Violago Homes, BF Homes, Payatas Subd., Bagong Silangan Subd., Filinvest Homes, Doña Ana Village, Sunnyside Subd., Capitol Park Homes, Capitol Hill Subd., Loyola Grand Subd., La Vista, Loyola Grand Villas, Loyola Heights, Loyola Subd., Cinco Hermanos Subd., Provident Subd., Industrial Valley Subd., St. Ignatius Village, White Plains Subd., Corinthians Garden, Green Meadows, Valle Verde. Ang mga lugar na ito ay sinasabing “extremely vulnerable” na masalanta ng lindol na magmumula sa MVFS.
Ang patuloy na pagmamapa ng MVFS ay pansamantalang natigil dahil sa pagsalungat ng ilang subdivision developers. Ayon kay Director Punongbayan, “Nalulungkot ako sa development, pero itigil daw muna until further notice
Aquino).” Higit na pinaniwalaan ng Malacañang noon ang sinabi ng UP geologist na “the fault is long dead” kaysa mga nakalap naming pagsisiyasat at katibayan.
Ang kontrobersiya ng MVFS ay nasundan ng isang kahindikhindik na disaster, nagpakita ng hiwatig ng paggising ang Bulkang Pinatubo at nagsimula nga itong pumutok noong June 12, 1991. Nabaling ang atensiyon ng PHIVOLCS dito.
Samantala, sa isa pang pagtitipon, napag-usapan namin ni Villarosa ang tungkol sa posibilidad na ang paglindol na naganap ng nakaraang taon (July 16, 1990) ay konektado sa pagputok ng isang malaong panahon ng natutulog na Bulkang Pinatubo. Ang sumunod na tanong ay “kung ang isang malakas na lindol ay maaari ring gumising sa isang long-dormant fault system?” Si Director Punongbayan mismo ang nagsabing “the probability is very high.”Pinagtulungan naming ihayag sa publiko ang tungkol sa panganib ng salantang idudulot ng MVFS kahit pa may umiiral na gag order mula sa Malacañang. Humingi ng tulong si Director Punongbayan sa kaniyang mga colleagues sa United States Geological Survey (USGS); si Villarosa ay nagpatuloy na maghayag ng balita tungkol dito sa kaniyang programa sa radyo; at kinausap ko naman si Mrs. Ernestina Evora Sioco, editor-in-chief ng MOD magazine, kung maaari akong sumulat ng artikulo tungkol dito. Nang maipaliwanag ko sa kaniya ang worst-case scenario, agad siyang nagbigay ng go-signal.
Mula October 1991, naging magkatuwang kami ni Villlarosa sa paghahayag ng mga information tungkol sa MVFS: Siya, sa pamamagitan ng full-blown information campaign sa broadcast media, radio (DZBB) at television (GMA-7), at ako sa pamamagitan ng mga pahina ng MOD Magazine sa isang exclusive three-part special report, The Philippines Land of Earthquakes and Volcanoes. Ang special report na ito ay nagwagi para sa akin ng una kong Philippine Press Institute (PPI) Science and Technology Journalism Award, at National Achievement Award ng Atlas Publishing Company.
Ang science community, at ang publiko, sa pangkalahatan, ay nagsimulang magbigay-pansin at interes tungkol dito. Nakatawag-pansin din ito sa mga banyagang institutions na tumulong sa pagsisiyasat at pag-aaral ng MVFS. Tuluyan na itong naihayag sa publiko. Ang mga sumunod na pangyayari ay bahagi na ng kasaysayan.