Stefani Alvarez
ISANG tinted glass ang nakaharang sa pagitan mula sa durungawan ng hotel at sa katapat nitong apartment. Marahil ang pinakakaraniwang pakiramdam niya na laging may isang hadlang, sa pagitan ng kaniyang kalungkutan at sa tinatanaw na kasiyahan. Maaaring isang party, isang selebrasyon, may nakita siyang cake. Siguro nga nagtapos na sa kolehiyo ang binatang kasing edad niya sa kabilang gusali. Hindi siya kumurap. Parang pagtitig niya sa isang traumatikong karanasan. Alin nga ba ang pinakanakakatakot niyang danas na di niya makalimutan, at di niya nais kalimutan? Tila sandaling huminto ang kaniyang isip, parang nagbuklat ng aklat ng mga alaala. Ngunit hindi pa rin niya maaninaw dahil sa nakaharang na tinted glass. Dumungaw siya sa kabilang bintana. Doon niya nakita ang kaniyang sarili na naglalakad sa parehong kalye araw-araw, may determinasyon, at may destinasyon. Magdidilim na parang iskrin ng TV ang kaniyang tinutunghayan. Pagkaraan, nakaramdam siya ng pagkabalisa nang hindi na niya kayang sundan pa ang memoryang iyon. Nais niyang ituloy ang pangkaraniwang pamumuhay sa araw-araw na kahit maging teleserye na lang at paulit-ulit na problemahin ang inuulit-ulit na mga tagpo’t sukdulan ng kuwento. Natatakot ba siya sa kaniyang pag-iisa? Isang matinding takot na tila ba mag-isa siyang palutang-lutang sa napakalawak na laot. Ngunit hindi niya binitawan ang posibilidad na magbalik sa kaniyang sarili, ngunit paano kung ang sariling realidad ay kaniya lamang nilikha. Isang pagkalito na tila ba karaniwan lamang ito sa mga naranasan niya noon. Kaya nais na lamang niyang tuluyang lumutang sa gitna ng laot. Ang kaniyang katawan ay simpleng tumutugon sa kung ano ang nakikita nito at mga nararamdaman. Inisip niya ngayong walang banta, ipinapalagay niya na walang mali sa kaniyang mga naiisip. Ngunit ito naman ang bumubuo ng higit pang takot, at nagpabilis sa pagkontrol ng kaniyang sarili. Naghalo ngayon ang matinding takot at pagkabalisa. Salamin ng espasyo at laot ang nakikita niya. Hindi niya kayang basagin dahil mistulang bubog na ang kaniyang damdamin.