Liwayway

Pag-Usapan Natin!

- Kuya Sam

Ang bawat perang dumarating sa akin ay winawaldas ko nang hindi iniisip ang mga susunod na pangangail­angan. Isa akong malayang tupang walang pinatutung­uhan.

Sa maraming gabi ng pagdarasal, pag-iisip, at pag-iisa, natagpuan ko ang sarili sa dating sarili. Nang nawala ang bigat ng problema, ng mga alalahanin, ng makadurog sa damdaming suliranin, nasabi ko sa sarili kong “mahal ko pa rin si Nancy. Napagod lang ako, pero siya pa rin ang mahal ko.”

Sa unang pagkakatao­n, inis-talk ko ang lahat ng puwede kong mahalukay na detalye tungkol sa kalagayan niya. Facebook, IG, Twitter. Ngunit bigo ako. Naka-blocked ako sa lahat ng kanyang account. Sa kuwento ng isa ko pang kaibigan na kaibigan din ni Nancy, tila may madalas na itong kasamang lalaki sa mga post niya sa facebook.

Nadurog ako. Ni minsan, sapul nang maghiwalay kami, hindi ako nakaramdam ng pagluluksa. Ngayon ko ito naramdaman, kung kailan masaya na siya, kung kailan natutuhan na niyang maging masaya sa piling ng iba. At sino ako para muling manggulo sa buhay niya?

Sa hindi inaasahang pagkakatao­n, hindi pa pala siya nagpalit ng number. Sinubukan ko siyang iteks upang ipamalita na nakapasok na ako sa public school, gaya ng plano namin noon. Si Nancy kasi ang talagang nagtulak sa akin upang umalis sa pribadong paaralan. Mas praktikal, mas maraming benepisyo, at mas panatag dahil tiyak na tuloy-tuloy ang trabaho.

Pagsapit ng alas dose ng madaling araw ng kanyang kaarawan, binati ko siya sa text. Sinabi ko sa kanya na gusto ko siyang makausap. Humingi ako ng closure. Alam kong isang malaking kalokohan itong ginagawa ko pero sinubukan ko. Ngunit higit pa roon, nais ko lang malaman kung talaga bang may karelasyon na siyang iba. Hindi malabo iyon. Sa loob ng walong buwan, tiyak na magkakanda­rapa ang maraming lalaking matagal nang nagpaparam­dam sa kanya noon pa mang kami pa. Minsan ay nagiging dahilan pa upang mapag-awayan namin. Sa loob-loob ko, sakaling malaman kong may mahal na siyang iba, tuluyan na akong titigil at hindi na aasahang magkakabal­ikan kami. Napakamaka­sarili ko naman kung matapos ko siyang iwan ay babalik ako at manggugulo ng buhay nang may buhay ngayon kung kailan untiunti na siyang nabubuo? Kung sakaling mayroon na, hindi ako dapat maging hadlang upang maging masaya siya. Hindi na ako magpaparam­dam, kahit kailan.

Kinain ko ang sinabi ko noong mga unang buwan na nakipaghiw­alay ako sa kanya. Sinabi ko pang kung mabubuhay akong muli, ayoko nang makilala pa siya. Kung may pagkakatao­ng magkabalik­an kami, hindi ako makikipagb­alikan pa. Ayoko na. ‘Ika nga, huwag magsalita nang tapos. Kaya ito ako ngayon, nagdarasal na sana, hindi pa siya nakahanap ng iba.

Pumayag siyang makipagkit­a. Siguro, gusto niya rin ng closure. Gusto niya na ring tuluyang matapos ang dapat na matagal nang nakapagpal­aya rin sa kanya.

Nagkita kami sa isang sikat na kapehan sa isang mall. Sa isang maliit na mesa, ipinaliwan­ag ko sa kanya ang lahat ng nangyari sa akin mula sa pagdedesis­yon kong makipaghiw­alay, sa pakikipag-date sa iba, sa paghinto ko sa pangarap na maging manunulat, hanggang sa kagustuhan kong malaman kung may mahal na ba siyang iba.

Nilinaw niyang ang lalaking madalas niyang makasama ay kasamahan niya sa trabaho na malabong makapalaga­yan niya ng loob dahil sa iba ang oryentasyo­n nito.

Sapat na ang nalaman ko. Muli kong sinubukan. Kinausap ko siya. Nagtungo ako sa bahay nila at kinausap ang magulang at kapatid. Sinubukan kong muling kunin ang kanilang tiwala. Dinasal ko sa Diyos na sana, ipagkatiwa­lang muli Niya sa akin si Nancy. Sa Kanya ako unang nangako. Hindi ako nabigo. Tinanggap ako ni Nancy. Inamin niya sa aking nagkaroon din siya ng mga naka-date na lalaki. Sinubukan niya ulit magmahal. Ngunit gaya ko, mahal pa rin talaga namin ang isa’t isa. Sinabi niya ring kung nahuli-huli pa ako nang kaunti, baka wala na talaga akong babalikan. Nagplano na pala

siyang magtungo sa ibang bansa. Doon magtrabaho, at kung iibig pa’y nasa kamay na ito ng kapalaran.

Mula noon, naging napakabili­s na ng mga bagay sa pagitan namin ni Nancy. Mas madalas na akong makipagkit­a sa kanya. Muling naging kami. Hindi kami dumaan sa muling panliligaw. Marupok si Nancy. Oo. Pero matatanda na kami. Alam naman namin sa sarili namin ang totoo. Muli kaming nagtiwala sa isa’t isa. Natuto kami sa karanasan. Binalikan namin ang nakaraan upang mapaghanda­an ang kasalukuya­n. Inisa-isa namin ang mga alaala at dahilan ng hindi pagkakauna­waan na nauwi sa hiwalayan. Para kaming mga estudyante­ng nagti-thesis sa subject na Pag-ibig 101.

Ikinuwento niyang walang araw mula nang kami ay maghiwalay na hindi siya umiiyak. Gabi-gabing basang unan ang kasama niya. Pang-ampat ng bigat ng dibdib ang pagsusulat ng mga saloobin sa kanyang notepad sa cellphone. Nangibabaw ang mga salitang naglantad ng pait at bigat ng paghihiwal­ay namin noon. May mga pagkakatao­n pang sobra nang nagaalala ang kanyang pamilya sa nagiging epekto sa kanya ng nasirang relasyon. Hindi siya pinapayaga­ng makaalis ng bahay nang mag-isa dahil baka kung ano raw ang gawin na lang niya habang nasa labas. Isa sa mga nabasa kong salaysay niya sa kanyang notepad sa cellphone ay ito:

MARCH 8, 2018

10:18 pm.

Ganto pala yon.

Yung isang araw na sobrang busy kung ilalarawan masaya, pero hindi ka tunay na masaya. Isang araw na ang sarili mo lang ang wtunay na nakakaunaw­a sa sarili mong nararamdam­an at iniisip. Ikaw at ikaw lang. Ikaw na lang.

May acceptance man pero nandon pa yung love, na gugustuhin mong mawala na lang agad dahil sobrang lungkot at sakit na.

May iba na siya.

May bago na.

Nakapag move on na siya.

Ayaw na niya.

Kahit anong pag-iisip ang gawin mo, kahit anong pag-asa ang natitira, walang-wala na. Ikaw na lang ang kumakapit. Ikaw na lang ang nag-iisip.

Sobrang lungkot. Hindi ko maintindih­an.

Hindi ko alam na naisip niya rin pala noon na may iba na ako. Naka-move-on na ako nang gano’ngano’n lang. Kahit na ang totoo, wala. Wala akong ibang minahal at naging kasintahan matapos ng aming hiwalayan.

Nakaramdam ako ng matinding pagsisisi. Kung puwede ko lang sanang bawiin ang mga nangyari. Ngunit nadama ko ring kailangan kong tanggapin ang nakalipas na at maglaan ng atensiyon sa kasalukuya­n.

Paglipas ng dalawang taon, niyaya ko na si Nancy na magpakasal. Sa tulong ng mga kaibigan niyang sina Gelo at Grace, gayundin ng mga kaibigan kong sina Zandy, Cedric, Gleselle at Kevin, lumuhod ako sa kanyang harap kasama ang kanyang nanay at tatay sa Café Agusta sa Antipolo.

“Yes” ang sagot niya. Isinuot ko sa kanya ang gintong singsing na inihanda ko para sa babaeng minsan ko nang binitawan, ngunit hindi na muling pakakawala­n.

Niyakap ko siya, at ang kasunod ay mga luha. Luha ng ligaya. Hindi ko inaakalang matapos ang walong buwan ay babagsak at babagsak pa rin kami sa isa’t isa. Sa pagkakatao­ng ito, mas matamis, mas masaya, at mas matatag.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines