Liwayway

Hindi Karibal Ang Mga Magulang

- Ni KUYA SAM

DEAR KUYA SAM: Kumusta po kayo? Umaasa po ako sa inyo na mapagbigya­n ang aking kahilingan. Ako nga pala si Ms. Bon, 25, nagtatraba­ho sa isang BPO, at kasapi sa LGBT community.Sapul noong nagtapos ako sa kolehiyo, ako na po ang breadwinne­r ng aming pamilya. Although maykaya naman ang aming pamilya dahil may kaunti kaming lupain sa probinsiya ngunit may sakit kasi ang aking mga magulang. Ang ibig kung sabihin, hindi siguro kami magugutom.

Meron silang maintenanc­e buwan-buwan na kailangan kong tustusan. Kung hindi ako kakayod, malamang na kakapusin kami sa panggastos.

Mayroon na rin akong girlfriend, Kuya Sam, na itatago na lang natin sa pangalang Anna. At itong problema ng aking immediate family ang lagi naming pinagtatal­unan. Sa totoo lang, matagal na sana kaming nagbabalak na magsama ngunit lagi lang naudlot dahil ang sabi niya, papayag lang siya kung ititigil ko na ang pagsuporta ko sa aking mga magulang.

Ito naman, Kuya Sam, ang hindi kayang gawin. Mahal na mahal ko ang aking mga magulang at hindi ko sila kayang talikuran. Ipinapanga­ko ko ito sa sarili at sa aking mga kapatid (na pareho nang may mga pamilya) na ako na lang ang magbibigay sa aking mga magulang dahil pihado namang matutustus­an ko ito gawa nang may kalakihan naman ang aking sinasahod sa call center. At iyong kita ng aming lupa, paghati-hatian na lang namin.

Hindi ko nga maintindih­an si Anna. Mabait naman ako sa mga magulang n’ya. Kung sabihin nga niya sa akin na pipisan na rin sa amin ang kanyang mga magulang, papayag nga ako. Walang problema ito sa akin. Ngunit itong mga magulang ko, hindi naman ito pipisan, magbibigay nga lang ako ng pang-maintenanc­e, ayaw niya.

Hihintayin ko sa iyong pitak ang payo mo, Kuya Sam. – MS. BON

DEAR MS. BON: Sa tingin ko, Ms. Bon, isang malalimang pagpapaliw­anag lang ang kailangan dito. Mag-usap kayo na hindi emotional. Wala namang hindi napag-usapan kung bukas lang tayo sa ano mang usapin lalo na’t ito’y tungkol sa pagsasama ninyo ni Anna. Ipaintindi mo sa kanya ang kahalagaha­n ng iyong mga magulang.

Ang pagmamahal kasi ng isang tao, kaakibat na rin dito ang pagtanggap ng kabuuan ng taong iyong minahal. Kumbaga, whole package. Hindi kasi puwedeng piliin mo lang ang katangi-tanging parte na taong mamahalin mo. Bagkus, lahat akapin mo ng buong-buo, ito ma’y hindi kaaya-aya sa panlasa mo. Wika nga, hindi mo makukuha lahat ng gusto mo. Sa parte mo, Ms. Bon... ang iyong mga magulang.

Sa palagay ko, Ms. Bon, pride lang ito ni Anna. Hindi naman ibig sabihin na tutustusan mo ang iyong mga magulang ay malaki itong kawalan sa inyo. Hindi naman lahat ng iyong kinikita ay mapupunta sa iyong mga magulang. Hindi naman puwede iyon.

Dapat kasi maisaisip ni Anna na hindi karibal ang iyong mga magulang. Iba naman kasi ang pagmamahal natin sa ating mga magulang sa pagmamahal nating romantiko. Magkaiba ho iyon.

Ang maganda nito, Ms. Bon, para maramdaman din ni Anna na kasama siya sa lahat ng planong ito, siya na ang mag-abot ng pera para sa maintenanc­e meds ng iyong mga magulang. Para maramdaman din niya ang responsibi­lidad. Sa ganitong paraan na rin na mapalapit siya sa iyong mga magulang. Kung may malalim na silang bonding, baka si Anna pa ang magalit sa iyo, Ms. Bon, kung pumalya kang magbigay.

Usap-usap lang pag may time. – KUYA SAM

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines