Liwayway

Ang Crush Ni Liloy (1) Armando T. Javier

- Ni ARMANDO T. JAVIER

(UNANG BAHAGI)

SA kanila sa opisina, siya’y si Ma’m. Beinte siyete anyos siya na senior clerk sa personnel department at kanang kamay ni Mrs. Brosas na tinatawag namang si Madam. Masungit. Istrikta. Terror ng mga empleyadon­g nalelate sa pasok. Manual pa noon ang timekeepin­g sa kanilang opisina; tatlong late lamang sa isang buwan ang pinapayaga­n. Sa ikaapat na late, suspendido ang empleyado nang tatlong araw nang walang bayad. Kaya gayon na lamang ang takot ng mga empleyado sa kanya. Higit sa takot nila kay Mang Edring, ang matanda nang timekeeper. Si Mang Edring, sa isang kahang sigarilyo, ay maaaring ‘hilutin’ kung pangatlong late na at kandidato nang masuspinde ang isang empleyado. Kay Ma’m, hindi. Kapag tinotopak ito, nirerebisa ang mga timecard ng mga empleyado at kapag natuklasan­g may dinoktor si Mang Edring, sermon ang aabutin ng matandang timekeeper: una’y kay Ma’m, sunod kay Madam. At ang pobreng empleyado (na nakapaglag­ay na ng sigarilyo kay Mang Edring), suspendido pa rin.

Pahulaan sa opisina kung bakit napapadala­s ang pagiging mainitin ng ulo ni Ma’m.

“Baka problemado sa dyowa?”

“Sino ro’n?”

Tawanan.

Sa mesahan sa canteen kung tanghalian, kasahog na sa pagkain ang pagtsismis­an si Ma’m. Kapag pumasok naman ito at kumaing mag-isa, tila may dumaang anghel sa loob ng kantina; pigil, hindi lamang ang tunog ng pagsubo ng mga empleyado, pati mandin paghinga.

Walang nangangaha­s na maupo sa mesang kinakainan ni Ma’m. Liban na lang siguro kay Liloy, ang janitor doon na mistulang private helper nito.

Sa talikuran, tinatawag siyang si Sipsip at si Amuyong nang mga kapwa empleyado. Sa totoo lang, nakikisama lang si Liloy; palabati at matsika rin sa iba pang taong-opisina. Malapit na siyang magtreinta anyos, hindi katangkara­n, ang habaang mukha’y animo langka--tadtad ng uka ng natuyong mga tagihawat. May kaitiman din siya. Kung bakit nakaka-vibes siya ni Ma’m, iniintriga roon na kasi’y gumaganda si Ma’m kapag kasabay niya si Liloy; nakapagpap­alobo ng ego nito. Sa uwian, sinusundan sila ng tingin ng mga empleyado habang nananaog sa hagdan. Taas-noo si Ma’m habang kasunod si Liloy; tagabitbit ng bag at ng iba pang gamit nito patungo sa gate.

Kay Liloy, okey lang na matawag siyang sipsip at amuyong; ginagawa lamang naman niya ang kanyang trabaho. Higit sa pisikal na nakikita ng kanyang mga kaopisina bilang tagasunod ni Ma’m, lihim ding may pagtingin ang janitor sa senior clerk ng personnel. Idinadaan lamang niya sa paglilingk­od dito, sa pagsunod sa bawat iutos sa kanya. Pero kung siya’y kinikimkim lamang ang saloobin, mas matunog naman si Mrs. Brosas.

“Ikaw ba, Liloy, e hanggang tingin na lang talaga?” Naitanong sa kanya minsan ni Madam. Silang dalawa lamang noon sa opisina ng personnel department.

“Ano ho ‘yon, Madam?”

“’Kako kung kontento ka na lang sa panliligaw-tingin kay Elvira?”

Napangiti siya at napakamot sa batok.

“--Akala mo, hindi ko alam? Babae rin ako...”

“Gustuhin ko man ho, Madam, muk’a hong malabo. Hay istandard ho ‘atang tayp ni Ma’m?”

“Bakit? Sinubok mo na ba? Binata ka naman, ano’ng masama kung ligawan mo s’ya?”

“Baka mapahiya lang ho ako, Madam...”

“Walang mangyayari sa ‘yo kung hanggang tingin ka lang talaga,” tila nainis ngang sabi sa kanya ni Mrs. Brosas.

Naisip na rin niya iyon, pero lagi siyang tinatalo ng hiya. Alam naman kasi niya na may boyfriend si Ma’m--dala-dalawa pa nga. Nakikita niya, sinusundo si Ma’m sa labas ng opisina kung uwian. Nakakotse ang lalaki; sa edad, matanda kay Ma’m nang dalawampu’t limang taon. Ang isa pang boyfriend nito, kung boyfriend nga, ay ang pumupunta naman sa personnel department bago mag-uwian. Bata, sa tantiya niya, kay Ma’m nang mga limang taon pero makisig ang katawan, tindig-modelo at tila tambay sa gym, suwabeng-suwabe ring magdala ng bigote. Kapag naroon ang lalaki, nakalabas nang lahat ang mga empleyado ay nasa opisina pa rin ng personnel si Ma’m at ang bisita nito. Alam ni Liloy dahil kapag maglilinis siya sa kuwarto ay naka-lock iyon. Kapag kinatok naman niya, nakaasik na mukha ni Ma’m ang bubungad sa kanya.

“Bakit ba?”

“K-Kukunin ko lang ho’ng mga basura sa weyst basket, ma’m.” “Mam’ya na, busy pa ‘ko. Sige na!”

Nakasungaw lamang ito sa pinto, mandi’y ayaw makita ang bisitang lalaki sa loob ng opisina nito.

Pagpihit niya, muli niyang narinig ang tunog ng pagla-lock ng pinto.

Bulung-bulungan sa opisina na ginagawa raw motel ni Ma’m at ng boyfriend nito ang silid; wala namang makapagbig­ay ng pruweba. Kay Liloy, intriga lamang ito. Ang takot na lang ni Ma’m sa management? Kay Mrs. Brosas siguro’y hindi pa. Sunud-sunuran kasi si Ma’m kay Mrs. Brosas at pinagkakat­iwalaan ng hepe ng departamen­to. Pero ibang usapan na kapag si Mr. Feleo ang nagalit. Kilalang relihiyoso ang general manager; lay minister pa nga raw sa simbahan.

Nakakarati­ng na rin siguro kay Ma’m ang kumakalat na bulungbulu­ngan sa opisina tungkol sa kanya. Minsan ngang naglilinis ng silid si Liloy, (nakauwi na ang iba pang mga empleyado) at naroon pa si Ma’m (may hinihintay siguro), tinanong siya.

“Ano na naman ang pinagtsits­ismisan ng mga mahadera d’yan tungkol sa ‘kin, ha, Liloy?”

“H-Ho?”

“’Wag kang pa-inosente, ha? Alam kong alam mong lagi na lang ako’ng usap-usapan d’yan sa labas...”

Labas ang tawag nito sa kalakhan ng kompanya.

“Wala naman, ma’m, n-naiintriga lang siguro sa bagong boyfriend n’yo...”

“B-Bago? Dati ko nang boyfriend si Anjo...”

Napangiti si Liloy.

“Ano’ng ‘nginingiti-ngiti mo d’yan?”

“Di naman si Anjo’ng tinutukoy nila, ma’m...”

“E, sino?”

“’Yung nakakotsen­g sumusundo sa inyo.”

Higit sa pagiging tagasunod ni Ma’m, lihim ding may pagtingin si Liloy sa senior clerk ng personnel...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines