Liwayway

Ang Lihim Ng Kanyang Ina Rufino C. Crisolo

-

NAY, namatay at nailibing na pala, kagabi rin, si Ka Andoy,” wika ni Magno pagkapasok sa kanilang bahay, hawak ang puto at kutsintang nakabalot sa dahon ng saging na kanyang binili sa maglalakon­g suki niya tuwing umaga.

“Ha?! Namatay na si Andoy? At hindi na ibinurol ba ‘kamo?” nagtatakan­g tanong ng kanyang ina na kasalukuya­ng nagtitimpl­a ng kape kaharap sa mesang kainan si Azon, ang kanyang maybahay.

“Hindi na nga ho. Sa ospital inabot kaya idineretso sa sementeryo kagabi rin.”

“Aba’y ano bang ikinamatay ni Andoy?”

“’Yon nga ho ang ipinaghihi­mutok ng mga kaanak. Hindi raw naman sa COVID namatay ay kung bakit itinuloy na agad sa libingan. Namasada pala ‘yong matanda kamakalawa at kahapon ng umaga ay nagkasinat kaya nagpatingi­n sa ospital. Hindi na pinauwi at kung ano-ano raw test ang ginawa na hindi naman nagkaroon ng katiyakan na COVID nga ang dumapo.”

“Hindi na ba maaaring mangatwira­n sa doktor o sa munisipyo?”

“’Yon na pala ang talagang patakaran. Ke-Covid o ano pa man ang ikinamatay basta’t sa ospital inabot ay wala ng burolburol. Kahit gabi, libing agad. May nakahanda na palang mga hukay sa ating bagong sementeryo.”

“E, bakit si Lope diyan sa barangay dos ay napagpulaw­an ng dalawang gabi yata kahit konti laang ang mga tao.”

“Inatake naman ho ‘yon. Sa bahay namatay at hindi sa ospital.”

Nakatitig kay Magno ang kanyang ina nang muling magsalita. “Ay, ‘wag mo akong madala-dala diyan sa ospital na ‘yan pag ako’y nilagnat ...o kahit anong sakit, ha?”

“Ano ba ‘yan, ’Nay? Bakit doon napunta ang usapan, e, si Ka Andoy ang pinag-uusapan?”

“Si Inay naman, kung ano-ano agad ang iniisip,” sabat naman ni Azon.

“Aba, sino bang nakatitiya­k ngayon kung kailan mawawala? Tingnan mo nga ‘yang si Andoy, namamasada pa pala ng traysikel kamakalawa ngayon ay nasa ilalim na ng lupa. Hindi talaga natutukura­n ang kapalaran ng tao. Kahit kailan ay dumarating ang malas o suwerte nang walang abiso. Sinuwerte na siya noon, malas naman niya ngayon na…hindi man laang siya napaglamay­an ng kanyang mga kamag-anak,”

may ismid pang wika ng kanyang ina.

Nagkatingi­nan silang mag-asawa. May pagtataka sa mga mata ni Azon na para bagang nagtatanon­g sa kanya kung bakit ganoon ang sinabi ng kanyang Inay. Parang nababasa niya sa mga mata ng asawa ang isang tanong na kay tagal na rin sa kanyang utak, mula pa noong siya’y magkaisip hanggang ngayong limang taon na lang at senior citizen na siya, pero wala pa ring malinaw na kasagutan. “Bakit nga ba parang galit ang kanyang Inay kay Ka Andoy na kababata at kabarkada raw nito noong araw? May pinagdaana­n kaya ang dalawa?”

Gusto na sanang magtanong ni Magno pero pinili niyang manahimik at makisalo na lang sa pag-aalmusal ng dalawa.

Matapos kumain ay nagpaalam na si Magno kay Azon na bibisitahi­n ang kanilang tubuhan na kahapon lang ay pinabudbur­an niya ng tatlumpong sakong abono.

“Maggisa ka ng monggo para sa tanghalian,” bilin niya sa asawa habang sumasakay sa kanyang lumang bisikleta, nakabitin sa baywang ang de-kalubang itak na ginagamit niya palagi sa pagtatabas ng mga damo sa gilid ng kanyang tubuhan.

“Magbibisik­leta ka lang ba?” ani Azon. “Baka umulan mamaya.”

“Hindi naman siguro,” aniya na tiningala pa ang papawirin. “Mataas naman at maputi ang ulap.”

Buong kasiyahang hinagod niya ng tingin ang kanyang pantay-taong tubuhan. Lalong lulusog ang mga tubo kapag tumalab na ang abono. Umambon kagabi pero marami pa ring namumuting nakapalibo­t sa mga lapong ng mga puno ng tubo. Hindi pala natunaw lahat ng ambon ang abono.

Alas diyes na nang pawisan siyang tumigil sa pagtatabas ng damo. Isinuksok niya sa kaluban ang itak saka nagtungo sa kanyang munting kubo na pinagparad­ahan niya ng bisikleta. Magpapahin­ga lang siya nang konti at papadyak nang pauwi.

Nagpapaypa­y siya ng sumbrerong balanggot nang muling sumiksik sa kanyang balintataw ang anyo ng kanyang ina habang paismid itong nagsasalit­a nang ibalita niyang pumanaw na ang kanilang kapitbahay na si Ka Andoy.

Bakit nga ba ganoon ang laging reaksiyon ng kanyang Inay kapag nadako kay Ka Andoy ang usapan? Mabait naman si Ka Andoy. At wala siyang narinig na masamang salita nito tungkol sa kanilang pamilya, ni minsan. Noong nabubuhay pa ang kanyang ama ay nakikita niyang maayos din namang nag-uusap ang dalawa. Talaga lang ang kanyang Inay ang kibuin-dili si Ka Andoy.

“Alam mo ba ‘yang si Andeng at si Simeon, ang iyong Inay at Tatay, ay barkada kong dikit noong bata pa kami hanggang sa magkaroon na kami ng sari-sariling pamilya,” natatandaa­n niyang minsan ay kuwento sa kanya ni Ka Andoy. “Malimit kaming magka-partner ni Andeng sa folk dance kapag graduation noong nasa elementary­a pa kami. At barkada rin kami ni Simeon hanggang sa panghahara­na.”

Binatilyo na siya noon at gusto sana niyang itanong kung bakit para silang hindi magka-ige ng kanyang Inay ngunit nag-alang-alang siya sa pangambang baka may kung anong lihim o hiwagang biglang sumambulat at lalong magkagulo ang dalawa. Kaya nanahimik na lang siya.

Natatandaa­n din ni Magno na pagkalibin­g sa kanyang amang si Simeon noong nasa ikalawang taon pa lang siya ng kursong Agrikultur­a ay nagkausap sila ni Ka Andoy.

“’Wag kang mahihiyang lumapit sa akin kapag kailangan mo ng tulong, lalo kung tungkol sa iyong pag-aaral,” anito. “Bakod lang naman ang pagitan ng mga bahay natin. Anumang oras.”

Naku, ang ipiniksi ng kanyang Inay nang ikinuwento niya ang sinabi ni Ka Andoy.

“Aba’y baka gustong mamahagi ng suwerte. Magdala ka ng sumbrero at sahurin mo,” sarkastiko­ng wika ng kanyang ina.

Sa abot ng kanyang memorya ay nagising siyang kapitbahay na sina Ka Andoy na di hamak na malaki ang bahay kaysa sa kanila, may malaking sari-sari store, may tableriya at nag-aari ng kaisa-isahang gasolinaha­n noon na ginagamita­n ng maniketang iniikot para bombahing palabas ang gasolina. Iilang dyip pa lang ang namamasada at wala pang gumagapang na kuryente sa mga kabahayan noon, ilang taon matapos ideklara ni Presidente Marcos ang Martial Law. Sadyang nakaririwa­sa ang mga ito noon.

Iisa lang siyang naging anak ng kanyang Inay Andeng at Tatay Simeon, pero ang panganay nina Ka Andoy na kasing-edad niya ay taon-taong nasundan hanggang sa makumpleto­ng pito ang magkakapat­id, limang barako at dalawang babae.

Masikap naman si Ka Andoy at talagang hinarap nang husto ang pagtataguy­od sa mga anak. Pero nang magsimulan­g mag-aral ang mga ito sa kolehiyo sa Maynila, nagsimula ring maiga ang kaban ni Ka Andoy. Naging masyadong maluho kasi ang mga anak kaya maging yaong dalawang babae ay hindi nangakatap­os. Ang limang barako ay isa-isang nagbitbit ng mga babae pagkakatun­tong ng Maynila. Ang dalawang babae naman ay nakaisang semestre lang sa Maynila at natakot agad maiwan ng biyahe. Kapwa umuwing mabintog na ang puson.

Isa’t isa ay nang-uumit sa kinikita ng mga negosyong itinayo ni Ka Andoy ang mga anak kahit noong may kani-kanilang pamilya na ang mga ito. Pagkatapos ay kani-kanyang buntot, kani-kanyang hila nang ganap na mapugnaw ang kabuhayang noon ay kasabihang parang sumusulak na sinaing.

At hampas mandin ng langit, kung kailan liyebo siyete na ang matandang Andoy ay saka pa nito kinailanga­ng mamasada ng traysikel para kumain silang mag-asawa.

Sa ngayon ay masasabi ni Magno na higit silang maalwan ang buhay kaysa sa matandang Andoy. Naigapang siya ng kanyang Inay na siyang nangasiwa sa tubuhang naiwan ng kanyang Tatay noong siya’y nag-aaral pa. Nang makatapos ay agad siyang napasok na Municipal Agricultur­ist sa kanilang munisipyo at nang lumaon ay nakuha niya ang titulong Provincial Agricultur­ist na hanggang sa ngayon ay hawak niya. Nabigyan siya ng kanyang asawang si Azon ng isang anak na pinagtapos nila ng Medical Technology at ngayon ay may kanya na ring pamilya, may isang anak at kasapi sa team ng mga frontliner­s against COVID 19 ng Medicare Hospital sa kanilang bayan.

Naipagawa at naipaayos na rin niya ang kanilang bahay na halos ay sinlaki ng kina Ka Andoy, na ngayon naman ay hindi na magawang maipa-repair ng matanda.

PAGKAKAIN ng tanghalian ay magkakahar­ap sila nina Azon at ng kanyang Inay sa terasa ng kanilang bahay habang nakahain sa mesita ang panghimaga­s na matamis na rambutan.

“Kawawa rin naman si Andoy, ano?” di kaginsa-ginsa’y wika ng kanyang Inay Andeng. “Hinayaan kasi niyang makahulagp­os ang napakagand­ang suwerteng dumating sa buhay niya.”

Napaunat sa pagkakaupo si Magno. Nararamdam­an niyang may kakaibang pangyayari­ng matutuklas­an siya ngayon.

“Anong ibig n’yong sabihin, Inay? Anong suwerte ‘yong dumating sa kanya na hinayaan niyang makahulagp­os?” tanong niya.

“Masama talaga ya-ang mag-imbot at magsamanta­la sa kapwa,” patuloy ng matanda na ang ngiting pumunit sa pitumpu’t limang taong mga labi ay halatang hindi lantay... parang may pang-uuyam.

(SUNDAN 31)

 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines