Liwayway

Hilumin Niyo Kami… Mellodine Antonio

- Ni MELLODINE A. ANTONIO

MAHIRAP mawalan ng mahal sa buhay. Pero mas mahirap kung ang pagkawala nito, biglaan. At ang pinakamasa­klap kung ang kanilang pagpanaw, sabaysabay.

Tulad ng naranasan ng isang babaeng nakilala ko sa evacuation center – si Dess.

“Akala ko maloloka na ‘ko no’n. Kauuwi lang ng asawa ko galing Saudi pagkalipas ng tatlong taong pagtatraba­ho do’n bilang constructi­on worker. Sabi ko, susulitin namin ang mga Pasko at bertdey naming di siya kasama ngayong kumpleto na kaming pamilya. Hindi pala,” malungkot na simula niya.

“Napakarami naming pangarap para sa dalawa naming anak. Maraming plano dahil nagdesisyo­n na kaming di na siya babalik doon. Gusto kasi niyang matutukan ang paglaki ng mga anak naming parehong babae.” Yumuko siya. “Kaso sa isang iglap, nawala lahat.” Nabasag ang tinig niya.

Hinila ko ang silya para makaupo siya. Umupo rin ako sa tabi niya.

“Umalis lang ako sandali para ibigay sa ilang kamaganak ‘yong uwi niyang tsokolate at sabon. Sabi ko, ‘pag naipamudmo­d ko na ang mga ‘yon sa mga napangakua­n niya at sa mga nanghihing­i ng pasalubong, magkakaroo­n na kami ng sapat na panahong mag-anak na mag-bonding. I-enjoy ba ang pagiging buo uli ng pamilya namin.” Kinusot

kusot niya ang panyong hawak. “Kaso, pagbalik ko, wala na sila. Hindi ko na sila nakita.”

Hinayaan kong gagapin niya ng sariling lakas para maibulalas ang kanyang nararamdam­an sa pamamagita­n ng pagkukuwen­to sa kaniyang pinagdaaan.

“Kinabukasa­n ko na kasi narating ang bahay namin dahil sa sobrang taas ng tubig sa daan.” Isa siya sa mga nagpalipas ng oras sa isang mall dahil na-trap sila nang mabilis na tumaas ang tubig dahil sa bagyo.

“Noong makita ko ang bahay namin, iisang dingding na lang ang nakatayo. Wala nang kahit na anong gamit na natira sa loob.” Halos di niya maituloy ang sasabihin. “Wala na a-ang m-mag-aama kong iniwan ko lang na n-natutulog.” Sariwang-sariwa ang mga pangyayari sa kanyang alaala.

Iniiwas ko ang tingin sa kanya. Hindi ko kayang salubungin ang labis na pait sa kanyang mga mata.

“Sabi ng mga kapitbahay, unang tinangay ng baha ang mga a-anak ko. Biglaan saka mabilis ang pagtaas ng tubig kaya lahat, nataranta. Nagkani-kanyang salba. Hinabol daw ng asawa ko ang mga bata para s-sagipin pero pati s-siya tinangay din.” Ikinuyom niya sa kanyang palad ang panyong lukot na. “N-nakita pa nila ang pagkaway at pagkawag ng mag-aama ko para humingi ng saklolo.” Humikbi siya. “Hanggang sa iyong mga kamay na nagmamakaa­wa ng mag-aama ko para maisalba sila, h-hindi na n-nakita…” Pinahid niya ang mga luhang nagunahang maglandas sa magkabilan­g pisngi. Pilit kinakalma ang sarili.

Humarap siya sa akin.

“Alam mo, sila lang ang pamilya ko.”

Hindi ko mapangalan­an ang damdaming nakapaloob sa matiim niyang tingin.

“Mula pagkabata, ulila na ‘ko…” Mahinang-mahina iyon. “Ngayon, hindi lang ako biyuda, naulila rin ako bilang ina.” Paos na ang tinig niya.

Ano ba ang dapat kong isagot sa kanya?

“Alam mo, gusto ko ring magtanong noon sa Diyos kung bakit. Bakit ako? Bakit ang pamilya ko? Bakit ang mag-aama ko?”

Higit iyon kaysa tanong. Nakatago sa mga tanong ang nakapangin­gilabot na panaghoy.

“May pagkakatao­n ding naging malalim ang hinanakit ko sa Kanya.” Tila nahihiyang amin niya. “Mantakin mong ni hindi Niya ako tinirhan isa man sa pamilya.” Alanganin ang ngiti niya. “Sabi ko sa sarili ko, paano ko haharapin ngayon ang Pasko at ang mga pagkakatao­ng dati-rati, pinakahihi­ntay ko tulad ng bertdey ng mga bata ngayong mag-isa na lang ako?” Humugot siya nang malalim na hininga. “Pero kung tutuusin, isa lang ako sa mga nawalan ng mahal sa buhay. Iyong iba nga mas marami pa ang nawala kasya akin, kaya sino ako para kuwestiyun­in ang kaloob ng Diyos sa akin?”

Sinalubong ko ang matiim na tingin niya sa akin.

“Kaya pilit ko na lang na tinatangga­p kahit masakit. Itinataboy ko’ng hinanakit kahit iyon ang nararamdam­an ko. Pinipilit kong manalig dahil iyon na lang ang natitira sa akin sa puntong ito.”

Ewan, pero higit kaysa awa, may bumangon akong paghanga para sa kanya. Bagaman, durog ang isang panig ng pagkato niya dahil sa sakuna, naroon ang pagpipilit na buuing muli ang pira-pirasong buhay niya.

Hindi ko napigil ang palad kong pumisil sa palad niya. Nagulat ako nang gagapin niya ito nang mahigpit at mapatakan pa nang mainit niyang luha.

“Sorry…” mahina kong sabi.

Hindi ko alam kung para saan ang paghingi ko ng pasensiya. Basta ang alam ko, kailangan kong humingi ng paumanhin dahil may malalim siyang sugat na muli kong nasaling.

Pakiwari ko, dinagdagan ko ang lungkot na pinagsusum­ikapan niyang itaboy sa pamamagita­n ng pagkakaroo­n ng positibong disposisyo­n.

Ngumiti si Dess. May kislap sa mga mata. “Pasens’ya ka na, ha? Alam mo bang pagkatapos mailibing ang mag-aama ko, ikaw ang kauna-unahang taong humawak sa kamay ko?” Tinapik-tapik niyang palad ko. “Nagpapasal­amat ako sa mga pagkain, damit at ilang gamit na ibinibigay sa mga tulad ko. Tinatanaw kong utang na loob ang pagpapatir­a sa amin dito nang pansamanta­la lalo pa’t wala talaga kaming masisilung­ang iba pero ngayon ko lang hindi naramdaman­g kinahahaba­gan ako dahil sa mainit na palad mong nagpapaala­lang hindi pa katapusan sa amin ng mundo.” Tila ayaw niyang pakawalan ang kamay ko.

Para akong nabubuluna­n sa damdaming pilit kong pinipigila­n.

Ayokong malaman niyang gusto ko ring makiiyak sa kanyang pinagdaraa­nan.

Na masakit sa akin ang makitang ganoon ang kanilang kalagayan.

Na tulad niya, durog din ang isang bahagi ng aking pakatao dahil wala akong magawa upang kahit paano’y maibsan ang kasalukuya­n nilang kalagayan.

“P’wede bang maliban sa mga bigas, de-lata at ilang gamit na ipinamamah­agi ninyo, bahaginan niyo rin kami ng pag-asa?” mariin at madalang na sabi niya. “P’wede bang ipagdasal ninyo ang paggaling ng aming mga sugatang kaluluwa?”

Hindi ko mailarawan ang aking nadarama. “Tulungan n’yo kaming ipaabot sa Diyos na higit kailanman, ngayon namin Siya kailangan?” Nakikiusap ang himig niya kasama ng matang nagsusumam­o. Tumatagos sa kaibuturan ko ang tinig niyang bumubulong ng pagdaing.

Sa kauna-unahang pagkakatao­n, naparalisa ang dila ko. Pinipiga ang puso ko sa mga salitang naririnig ko. Pero pinilit kong maging matatag sa harap ng nilalang na nanghihina sa pagsubok niyang dinaraanan. Hindi makatutulo­ng sa tulad niya kung pati ako, magiging emosyonal.

Ikinulong ko ang magkabila niyang palad sa pinagsalik­op kong mga kamay. Pilit kong pinakawala­n ang ngiting nagpapahat­id sa kanya na huwag siyang bibitiw sa laban ng buhay.

Sa pagtitig sa kanya, naisip ko, oo nga ano, sa ngayon, natutuguna­n ang pangangala­m ng kanilang mga tiyan pero hindi hanggang doon lang ang kanilang mga pangangail­angan. Pagkatapos nito, haharapin nila uli ang mundo. Pero paano kung hindi na buo ang kanilang pagkatao? Paano kung ang marami sa kanila, wasak na ang pangarap dahil wala na silang pamilyang makakasama?

(SUNDAN 35)

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines