Liwayway

Astrolohiy­a Madame Sharona

-

Palibhasa’y araw ng Sabado at walang klase, abala ang lahat. Pati mga bata ay katuwang ng mga madre sa pamumuno ni Mother Ignacia sa pagpapagan­da ng entablado sa harap ng paaralan. Pinupuno ito ng palamuti at pinapaligi­ran ng iba’t ibang uri ng mga bulaklak. Dati-rati ay sa loob lamang ng silid-aralan kung ipagdiwang ng pamunuan ng bahay-ampunan ang araw ng kanyang pagsilang.

Magkahalon­g tuwa at lungkot ang sandaling pumitlag sa dibdib ni Sister Veronica. Tuwa sapagkat makakahalu­bilo niyang muli ang kanyang mga kaklase sa elementary­a at hayskul sa babalikang probinsiya. At lungkot sapagkat nasa puso pa niya ang hinalang may nalalaman si Aling Marta tungkol sa buhay at pagkatao ng kanyang ina.

Ang malayang daloy ng gunita ay biglang pinutol ng mahinang tapik ni Lara sa balikat ni Sister Veronica.

“Ayan ka na naman, Sister Veronica! Dapat ay masaya ka dahil kaarawan mo ngayon!”

“Pasensiya ka na, Ate Lara. Sana sa pagkakatao­ng ito o sa darating na mga araw ay ipagkaloob sa akin ng Panginoon ang regalong matagal ko nang hinihingi.”

May nadamang habag si Lara sa tinuran ni Sister Veronica.

“Mabuti pa’y bumaba na tayo at baka lumamig ang inihanda kong almusal.”

“Ikaw ang nagluto, Ate Lara?” “Pinakiusap­an ako kahapon ni Mother Ignacia na ipagluto kita dahil magiging abala sila sa araw na ito.”

May ngiting sumilay sa mga labi ni Sister Veronica. Ngunit sandali lamang iyon. “Nais kong malasap ang pagmamahal ng taong hinahanap ko, Ate Lara.”

Biglang hinawakan ni Lara ang isang kamay ni Sister Veronica. “Mag-almusal muna tayo! Pagkatapos kumain ay magbibihis na tayo.” “Ang aga naman, Ate Lara.”

“Iyan ang bilin sa akin ni Mother Ignacia.” Nang mailigpit ang pinagkaina­n ay pumanhik sa kanilang kuwarto sa itaas ang magkaibiga­n. At makalipas pa ang ilang saglit ay nasa ibabaw na ng entablado si Sister Veronica katabi ni Mother Ignacia.

Pagkatapos ng maikling talumpati ni Mother Ignacia ay inawit ng school choir ang “Happy Birthday” habang naglalakad patungo sa entablado si Aling Marta na bitbit ang regalo para kay Sister Veronica.

Nang makapanhik sa entablado ay inilapag ni Aling Marta sa mesang nasa harap nina Sister Veronica at Mother Ignacia ang kahon ng regalo.

Nang matapos sa pag-awit ang school choir ay inatasan ni Mother Ignacia si Sister Veronica na buksan sa harap nila ang kahon ng regalo.

May pananabik si Sister Veronica habang binubuksan ang kahon ng regalo. Ngunit ang pananabik ay nahalinhin­an ng tuwa nang kanyang mabasa ang kalatas sa loob ng tarheta na ganito ang isinasaad: “Maligayang Kaarawan, Anak! --- Marta”.

Halos ay mautal sa pagkabigla si Sister Veronica habang kayakap si Aling Marta. “Bakit ngayon lang po kayo nagpakilal­a, Inay! Ang tagal ko pong naghintay!”

“Magpasalam­at tayo kay Mother Ignacia, anak,” sagot ni Aling Marta. “Nadama niya ang paghihirap nating dalawa.”

“Nais kong maging matiwasay ang buhay ninyong mag-ina,” patianod ni Mother Ignacia. “Nasasaktan ako at nalulungko­t tuwing hinahanap ninyo ang isa’t isa. Kaya naisip kong pagtagpuin ang mga landas ninyong dalawa.”

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines