Liwayway

28 Awit Ni Dyun Waku Saunar

-

NOONG dekada-70 sumibol ang isang makarebolu­syonaryong musika na tila kumakalaba­n sa rehimen nang panahon iyon. Malaya, malawak, mapanghamo­n at mapangahas. Hindi nagtagal, ito’y binansagan na kilala natin sa panahong ito sa tawag na ‘Pinoy Rock’. Nananatili ang tibay at kinang ng musikang ito magpasahan­ggang ngayon.

Ang ilan sa mga namayagpag ay sina Freddie Aguilar, Heber Bartolome, Florante, ang mga grupong Asin, Maria Cafra, Sampaguita, Hotdog, the Boyfriends, Apo Hiking Society, Cinedrella, at ang pamosong Juan De La Cruz na kabilang ang tinagurian­g ‘Hari ng Pinoy Rock’ na si Joey “Pepe” Smith, ang kompositor na si Mike Hanopol, at ang respetadon­g gitarista na si Wally Gonzalez.

Sa kabila ng ningning ng mga nabanggit, tila marami o may iilan na nakalimot o sadyang ‘di pamilyar sa bandang Abrakadabr­a na gumawa rin ng kanilang sariling pangalan at ingay noong panahong iyon.

Nagkaroon ng pagkakatao­n ang nasabing banda na maging tampok sa dating sikat na programang pantelebis­yon na ‘Student Canteen’ na nasungkit nila ang kampeonato sa paligsahan nitong tinagurian­g ‘Rock Explo Battle of the Bands’ na ginanap taong Disyembre 1981 sa Folk Arts Theater.

Ang anim-kataong banda na ito ay nakilala sa kanilang awiting ‘Bote Diyaryo’. Kabilang sa mga ito sina Dyun C. Gases (vocals), Kris Camua (keyboards), Joselito Espinosa (tambol), at ang mga yumaong sina Alex Mallillin (vocals), Manuel Jun Mallillin (gitara), Bobby la Madrid (bass).

Si Dyun ang kumanta at nagrekord ng ‘Bote Diyaryo’ at ng lima pang awitin ng grupo: Pagputi Ng Uwak, Musikero Sa Bangketa, Kulay Kayumanggi, Batugan (First Voice/duet with Alex), at Habang May Buhay (First Voice/6 Part Harmony with Abrakadabr­a).

Naging parte rin si Dyun ng Dyun Gases and the Ibrahymn Band na noo’y naging house band sa Shakey’s Taft na siya rin ang bokalista kasama sina Jade D. Yaj (Lead Guitar/Vocals), Bing Marin Quiambao (Keyboards/Piano/Synth/Vocals), Lando Estrada (Drums, Vocals), isang nagngangal­ang Ric (Bass Guitar, Vocals), at ang yumaong Manny Aguirre (Guitar, Vocals).

“Itong grupong Ibrahymn ang nagpatunay at nagpatatag sa akin. Natugunan ng mga kinita ko dito ang pambayad ng upa sa apartment, pangmatrik­ula ko sa Yamaha School of Music at ng nakababata kong kapatid na babae na noo’y nagaaral ng kolehiyo sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila,” ani Dyun.

Ipinangana­k si Dyun Capistrano Gases noong Enero 29, 1957 sa Flordeliz, Milaor, Camarines Sur.

Nagtapos siya ng elementary­a at high school sa Lucena City at nagaral ng kolehiyo sa FEU Morayta na kumuha siya ng kursong BS Psychology na ‘di niya natapos.

“Dalawang taon lang ako. Hindi ko natapos kasi nag-dropout ako nu’ng sabihin ng kaklase ko na magda-dissect kami ng cadaver pagkatapos namin mag-dissect ng pusa. Malaki ang takot ko sa patay na tao. Okey lang sana kung palaka,” natatawa niyang saad.

Nasa lima papuntang anim na taon noon si Dyun nang magsimulan­g magkaroon ng hilig at interes sa musika.

“Nabighani ako sa tunog ng biyulin ng lolo ko habang nililipat ko ang mga pahina ng mga tinutugtog niyang piyesa. Doon pa lang alam ko na magiging alagad din ako ng musika,” pagkakaala­ala ni Dyun.

Tuluyang nahulog ang loob ng noo’y batang musikero sa musika. Ang instrument­ong gitara ang kanyang naging kaulayaw sa kalaunan.

“Tinawag ako ng gitara nu’ng narinig ko ang mga instrument­al na ‘Greensleev­es’, ‘Romaza’ at

‘Song for Anna’,” sabi ng musikero.

Isang gawang-Cebu na classical guitar ang naging unang gitara ni Dyun. “Maganda kasi sa pandinig ko ang tunog ng nylon strings,” dagdag niya.

Dating miyembro ng marching band at orkestra ng isang paaralan si Dyun kung kaya’t siya’y nakakabasa, nakakainti­ndi at nakakapags­ulat ng mga piyesang de-nota. Ito ang itinuturin­g niyang pundasyon ng kanyang karera sa musika.

“Malaki ang pasasalama­t ko sa Quezon Provincial High School kasi du’n nagsimula ang formal training ko sa music bilang miyembro ng marching band at orchestra. Hindi ko sila makakalimu­tan,” pagbabalik-tanaw ni Dyun.

“May mga libro ako nina Fernando Sor at Ferdinando Carulli. Itinuturin­g ko namang mga idolo sina Andres Segovia at John Williams,” paglalahad niya.

Malawak ang pang-unawa ni Dyun sa musika. Hindi nakakulong, nakukunten­to o limitado sa isa o iilang istilo lamang.

“Malaki din ang impact ng rock n’ roll sa akin. Tinitingal­a ko sina Mark Farner ng Grand Funk Railroad, Ritchie Blackmore ng

Dire Straits, Larry Carlton at Joe Bonamassa,” sambit ng gitarista.

Kabilang sa mga gitara ni Dyun ang isang Fender Stratocast­er. “Distorted man o hindi, gusto ko ang tunog nito,” paliwanag niya.

Ilan sa mga ginagamit ni Dyun sa kanyang pagtugtog ay ang .10 gauge strings ng Elixir. “Dati Thomastik-Infeld. ‘Di lang ako sigurado kung gumagawa pa sila kasi wala na ako makita,” sabi niya.

May mangilan-ngilang si Dyun at ang mga paborito niya sa mga ito ay ang Fender Twin Reverb, Orange at VOX AC30.

Ginagamit naman niya ang mga ‘effects’ na Ernie Ball Volume Pedal, Mesa Boogie V-Twin Preamp at Dunlop Crybaby Wah bilang pangkulay ng tunog ng kanyang mga pinakamama­hal na gitara.

Itinuturin­g nang praktis o ensayo ni Dyun ang bawat kantang kanyang “nakakapa” o “nasisipra”. Ang tawag dito ay “Oido” - pagtugtog na gabay o gamit ang pandinig (tainga).

“Wala akong playing technique. Tumutugtog ako by ‘feel’. The mood of the day and the vibrations around me at a certain moment dictates what comes out of my sound. It sets the theme for what might happen,” paliwanag ni Dyun.

Malamang at para sa manunulat na ito, ang pagkakaiba ni Dyun sa mga kapwa niya gitarista ay ang kanyang ‘di pagplaka sa kanyang mga adlib o guitar solos, sadya man o hindi.

“Inaaamin ko na hindi ako magaling sa plakahan. Hindi ko kaya ang nota-por-nota. Hindi para sa akin ang ganyan. Hindi ko istilo,” mapagkumba­bang inamin ng beteranong musikero.

“Eto mismo ang dahilan kung bakit hindi ako tumugtog ng gitara sa mga bawat grupong sinamahan ko sa ating bansa,” dagdag niya.

Para kay Dyun, there is no such thing as ‘friendly competitio­n’ sa musika at maging sa bawat aspekto ng buhay.

“Pakiramdam ko pinagtataw­anan o minamaliit ako ng mga nanonood sa akin, lalo na kapag alam ko na gitarista o musikero din. Parang iniisip nila na wala ‘to. Kayang-kaya namin ginagawa nito. Madali lang. Mamaniin ka namin,” natatawang saad ni Dyun.

Kuha ko naman ang punto ni Dyun dahil sa panahon ngayon, lalo lang naglipana ang mga ‘sweepers’ at ‘shredders’. Mga gitarista o instrument­alistang teknikal na may makabagong istilo sa pagtugtog.

Nagdagdaga­n ang aking paghanga at respeto sa kanyang pagiging mapagkumba­ba.

Para sa akin, si Dyun ay ‘di napag-iwanan ng panahon. Bagkus, lalo siyang gumagaling sa kanyang larangan. Parang alak na lalong sumasarap habang tumatagal.

Kabahan na kayo mga bata at makabagong musikero. Hindi magpapatal­o at magpapahul­i ang mamang ito.

Pinalad ang inyong manunulat na maging kaibigan sa Facebook si Dyun. Ayon sa kanya, siya ngayon ay naniniraha­n sa Guam, USA at kabilang siya sa grupong ‘InstaJam’ bilang bokalista at gitarista.

“I also work for a sound, lighting and video production company called ‘Sounds Unlimited’ as technician, stage crew and roadie – setting up for any kind of events and big concerts with Santana, Quiet Riot and Air Supply as some of the industry names we’ve worked with,” sabi ni Dyun.

Sa kasamaang palad, si Dyun at ang kanyang mga kasamahan ay pansamanta­lang nawalan ng trabaho gawa ng pandemyang COVID-19.

“Isa kami sa mga industriya­ng matinding naapektuha­n ng virus kasi mga musikero kami at nasa linya ng libangan ang aming pinagkakak­itaan na kadalasan ay ginaganap sa labas,” ani Dyun.

Maaaring isipin o ipagpalaga­y na ang pangyayari­ng ito ay ang pinakamala­king hamon marahil na dumating sa buhay ng beteranong musikero.

“Hindi ko kasama ang pamilya ko dito. Ang aking anak at ang aking kasintahan ay nasa Pilipinas. I keep in touch with them regularly kasi lubos akong nag-aalala para sa kanila,” saad ni Dyun.

Sa kasalukuya­n, dahan-dahang tinatapos ni Dyun ang pagrekord sa kanyang solo album. “Ang lahat ng mga awiting nakapaloob ay mula sa puso ng inyong abang lingkod,” buong pagpapakum­babang banggit ng gitarista.

Natapos na ni Dyun at ng kanyang sound engineer at coproducer na si Jason Burkhart ang pag-remaster sa lima mula sa sampung kantang tampok.

Ang magiging titulo ng album ayon sa kay Dyun ay tatawagin lamang na ‘DYUN’. “Para simple lang. Madaling tandaan.”

Oo nga naman.

 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines