Liwayway

Puting Blusa

- Ni Jefferson Limos

DAMIT na sa unang tingin ay kasing puti ng ulap. May kahabaan ito at lagpas ng kaunti sa tuhod. May mga disenyong puting bulaklak na ibinurda sa kuwelyo ng mismong damit. Ginagamit ito ni Mama hindi lamang damit na panggayak, kundi panakot din niya sa aking bunsong kapatid tuwing gabi. Lalo na kapag ayaw nitong umakyat sa itaas tuwing oras na ng pagtulog. Kukunin ni Mama ang panungkit ng mga sinampay at isusuot iyon sa damit para magkorteng katawan ng tao saka niya inilalagay sa labas ng bintana. Mukha talagang multo! Iyon, kumakaripa­s ng takbo ang aking bunsong kapatid dahil sa takot. Napapailin­g si Mama. Aniya, kung bakit natatakot gayong nakikita na rin naman iyon ng aking kapatid na ginagamit ni Mama tuwing Linggo sa simbahan. Nasabi ko kay Mama kung gaano kaganda ang blusang iyon. Sabi ko sa kaniya, gusto ko ng ganoong damit. Pambabae ‘yon anak, sagot naman niya. Nahihimiga­n ang matinding pagtutol sa tono ng pananalita. Isang hapon, habang nasa bayan ang aking mga magulang at bunsong kapatid, nangati ang aking palad na kalkalin ang tokador ni Mama kung nasaan ang damit na iyon. Kinakabaha­n, oo. Unang beses ko itong gagawin: isinuot ko ang damit na napakahaba at napakalaki para sa payat kong pangangata­wan. Sampung taong gulang lamang ako. Hinaplos ko ito at tiningnan ang itsura sa harap ng salamin. May hindi kilalang tao sa harap ng salamin. Hindi ako iyon, kundi isang babae. Napakagand­a niya. Pero ganoon na lamang ang gulat ko nang makita ang mga magulang ko sa bungad ng kanilang kuwarto. Imbes na takot ay galit ang maaninag sa kanilang mga mukha. Sana, maglaho ako gaya ng isang multo sa pagkakatao­ng iyon.

 ?? ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines