Manila Bulletin

'Lend a hand to those in need'

- By VICE PRESIDENT LENI ROBREDO

Mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas mula nang ipinangana­k si Hesukristo sa panahon ng kadiliman at kaguluhan. Pero nagawa ng isang sanggol, kasama ang dala niyang ilaw at pagmamahal, na magbigay ng bagong pag-asa, lalo na sa mga api at nagdadalam­hati.

Ngayong Kapaskuhan, mapupuno na naman ng galak at pagkakaisa ang ating mga tahanan. Magsasamas­ama ang mga mag-anak at kaibigan na matagal nang hindi nagkikita. Magsasalu-salo tayo sa pansit at hamon sa Noche Buena. Maririnig ang walang humpay na kuwentuhan, upang ipagdiwang ang pagdating ng ating Tagapaglig­tas.

Sa gitna ng lahat ng kasiyahang ito, isapuso natin ang tunay na diwa ng Pasko. Matatagpua­n natin ito sa kuwento ng mga ordinaryon­g taong gumawa

ng mga kahanga-hangang bagay noong pinakaunan­g Pasko. Isa na rito si Jose na piniling alagaan si Maria at ang kanyang sanggol. Si Maria na mapagkumba­bang sumunod sa utos ng Diyos. Ang mga pastol na nakinig sa boses ng mga anghel upang salubungin ang pagdating ni Hesus.

Kumuha tayo ng lakas mula sa kanilang halimbawa, sa panahong pasan ng ating bayan ang bigat ng maraming pagsubok, katulad ng mataas na presyo ng mga pangunahin­g bilihin. Ipamalas natin ang ating tunay na pagka-Pilipino: hindi lalabnaw ang ating mga ngiti at hindi lalamig ang ating pagmamahal. Hindi natin hahayaang matalo tayo ng hamon ng panahon. Lahat ng pagsubok ay lalampasan; lahat ng hidwaan ay wawakasan.

Sa panahong patuloy na umiiral ang galit at awayan, sa panahong tila hinihila tayo palayo sa mga bagay na dapat nagbubuklo­d sa atin, piliin natin ang tama alang-alang sa mga kababayan nating nangangail­angan. Higit kailanman, ngayon nila tayo kailangan. Huwag nating hayaang may maiwan. Bawat buhay ay mahalaga; bawat Pilipino ay may karapatan sa binibigay ng Diyos na kaligtasan.

Tayo ang lakas ng bawat isa. Nagagawa nating posible ang imposible dahil sama-sama nating tinutupad ang ating mga hangarin.

Isang Maligayang Pasko po sa inyong lahat, mula sa akin, at sa aking mga anak.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines