Kabutihang panlahat, layunin ng lipunan
MAYROON nga tayong kasabihan na walang sinumang tao ang nabubuhay o maaring mabuhay para sa kanyang sarili lamang. Ang bawat nilalang ay kinakailangang makibahagi at makisalamuha sa bawat isa. Isa ito sa mga itinalagang likas na katangian ng mga nilikha ayon sa Likas na batas. Ngunit bakit pa ba kinakailangan ng tao na makisalamuha? Gaano ba kahalaga ang kabutihang panlahat? Bago ang lahat alamin muna natin, ano nga ba ang salitang ‘lipunan’? Ang salitang lipunan ay nagmula sa salitang “lipon” na nangangahulugang pangkat.
Ang mga tao ay may mga kinabibilangang pangkat na may iisang layunin o tunguhin. Madalas na ginagamit ang salitang komunidad upang tukuyin ang lipunan. Ito ay galing sa salitang Latin na “communis” na nangangahulugang common o nagkakapareho. Sa isang komunidad maaring nagkakapareho ang bumubuo nitong bawat indibidwal sa mga interes, ugali o pagpapahalagang bahagi ng isang partikular na lugar. Dito, mas nabibigyang halaga ang mga natatanging katangian ng mga kasapi o kabahagi. Ang bawat indibidwal ay may kanya-kanyang mga layunin o tunguhin sa buhay. Ang kabutihang panlahat ay tumutukoy sa kabutihan ng bawat isa na kasapi ng isang lipunan.
Ayon kay Jacques Maritain (The Person and the Common Good), ang katotohanan ang tao ay hindi nilikhang perpekto at dahil likas sa tao ang magbahagi sa kanyang kapwa ng kaalaman at pagmamahal. Hinahanap ng taong mamuhay sa lipunan dahil sa kanyang pangangailangan mula sa materyal na kalikasan. Samakatuwid, ang kabutihang panlahat ay nangangahulugan na paggawa ng isang bagay o desisyon para sa ikabubuti hindli lamang para sa iyong sarili kundi para sa lahat at para sa nakararami. At dahil binubuo ng tao ang lipunan at ng lipunan ng tao, kailangang maunawaan na ang layunin ng lipunan ay hindi lamang para sa kabutihan ng isang indibidwal o kabutihan ng mga pangkat.
Ang tunay na tunguhin ng lipunan ay ang kabutihan ng komunidad na nararapat bumalik sa lahat ng indibidwal na kasapi nito. May mga elemento, mga hadlang at mga kondinsyones ang kabutihang panlahat. Ang mga nasabing elemento ay ang mga 1.) Ang paggalang sa indibidwalidad ng tao 2.) Ang tawag ng katarungan o kapakanang panlipunan 3.) Ang Kapayapaan.
Ang mga elementong ito ay siyang nagbibigay balanse upang ang kabutihang panlahat ay magtagumpay. Ang mga hadlang naman ay ang mga 1.) Nakikinabang lamang sa benepisyong hatid ng kabutihang panlahat 2.) Ang indibidwalismo 3.) Ang pakiramdam na siya ay nalalamangan o mas malaki ang naiaambag niya kaysa sa nagagawa ng iba. Ito ay ang mga bagay na maaring sumira sa layunin at adhikain ng kabutihang panlahat para sa lipunan.
Ang mga kondinsyones ay tumutukoy sa karapatan ng bawat indibidwal tungo sa katarungan at balanseng lipunan. Ito ay ang mga 1.) 1. Ang lahat ng tao ay dapat na mabigyan ng pagkakataong makakilos nang malaya gabay ang diaylogo, pagmamahal at katarungan. 2.) Ang pangunahing karapatang pantao ay nararapat na pahalagahan. 3.) Ang bawat i ndibidwal ay nararapat na mapaunlad patungo sa kanyang kaganapan. (Social Morals – Joseph de Torre) Ang buhay ng TAO ay PANLIPUNAN, ito ay ayon kay Dr. Manuel Dy Jr., p ara sa kanya, “Ang ating pagiging kasama-ng-kapwa ay isang pagpapahalaga na nagbibigay ng tunay na kaganapan sa ating pagkatao.” At dito napapatunayan na tayo ay nilikha upang magtulungan at makisalamuha sa bawat isa. ( Paid article)