Kulturang Filipino dapat ibangon at isulong
BAWAT isang indibidwal ay may nakaukit na kultura sa kanyang pagkatao, isang simbolo na kanyang kinagisnan at patuloy na umuunlad at yumayabong. Lahat tayo ay may kanya- kanyang adhikain, isang misyong nakaatas sa ating puso’t damdamin gaya na lamang ng ating kulturang nais nating pagyamanin. Tuwid na daan ang kasalukuyan nating landasin, ngunit ang pagsulong ba sa hangaring ito ang magdadala sa atin sa agos ng marangal at maunlad na landas na siyang magbibigay daan tungo sa kahusayan ng kulturang sariling atin?
Kultura kung tawagin ang pamumuhay, sistema ng edukasyon, sining, panitikan, literatura, kaugalian maging ating mga paniniwala. Tama nga si Edward Tylor, isang antropolohista sa kultura na siyang minsang nagsabi na kultura ang paniniwala, ang kinagisnang gawain, paraan na nagbubuklod sa magkakaugnay na miyembro ng isang lipunan at naghaharing kaugalian. Patunay lamang nito ang mahigpit na bigkis na nasa ating pagkakakilanlan bilang isang mamamayang Pillipino. Oo, ako ay Pilipino maging ikaw ay Pilipino. Makikitang tunay na kulay ng balat na pinagkaloob sa iyo na naging kayumanggi dulot ng masipag mong pagtatrabaho upang maitaguyod ang mga mahal at mahahalagang tao sa buhay mo at iyon ay ang pamilya mo. Isa kang Pilipino na ang puso ay bukas at handang sa tuwina ay tumulong sa kanyang kapwang nakararanas ng paghihikahos. Pilipino, tayo ay Pilipino na kultura’y makulay, makasaysayan at sadyang kayraming aral at kuwento. Tayo ang susi ng lupang sinilangan, ang tanging makaririnig sa tinig ng ating inang bayan at anak ng libo-libong matatapang na manananggol ng katuturan ng perlas ng Silangan.
Kultura ang sumasalamin sa isang bansa na siyang nagbibigay pagkakakilanlan sa atin sa mundo, isang bagay na walang halong pag-iimbot at busilak na taglay ang kasaysayan ng lahi mo. Tumingala ka at pagmasdan ang ating bansa, Malaya ang tao, lahat ay nakakapag-aral at mga empleyado, may nagtataasang mga gusali’t konstruksyon, nakararanas ng pamumuhay na mainam at makabago, masaya at malaya, at bansang patuloy na nangangarap at nagsusumikap. Pero katoto, matanong kita, alam mo ba ang dahilan ng buhay mong maginhawa?
Pitong libo’t isandaan at pito, iyan ang bilang ng pulo ng bansang nagaruga sa’yo, na binubuo ng iba’t ibang mga katutubo na nagtataglay ng samu’t saring kaugalian at pamanang handog sa iyo. Bayanihan, palabra de honor, mahigpit na pagbubuklod ng pamilya,
Teacher I, Capiz National High School utang na loob at delicadeza, pamilyar ba sa iyong pandinig? Iyan ang mga kaugalian dito mo lang masasaksihan sa ating lahi. O kay sarap maging isang Pilipino, ngunit sapat na ba na alam mo ang mga binanggit ko?
Tayo ngayon ay nasa panahon ng globalisyon, modernisasyon at integrasyon. Alam ko na alam muna na ang lahat ay maaring magbago. Oo, tama ang narinig mo, maging kultura’y maaring madagdagan at magbago. Hindi naman tayo nabuhay upang manatili lamang na isang lugar at hindi umunlad, ngunit kung minsa’y sobra at higit na maaari ang ating kawilihan sa mga dayuhan na siyang nagbibigay daan sa unti-unti nating pagkalimot sa sarili nating bayan. Patunay dito ang mga naliligaw ng landas at tumatahak ng daan palayo sa ating tinatanging kultura. Sila’y nalilibang ng husto sa makabagong teknolohiya at isinasantabi ang kung anong matagal nang nakaukit sa palad nila. Lingid sa kaalaman ng ating mga kabataan, taglay nila ang kakayahan upang kultura nati’y mapangalagaan at mapayaman dahil lahat ay hindi pa huli, maaari pa nating maitama ang mga umuusbong na mali. Kung iisipin mo, isang bata o bawat isang kabataan na tumatahak ng tuwid na daang inalay sa kanila ng mga matatapang at mga busilak ang puso
na iahon ang ating inang bayan, hindi malayo na malaki ang epekto nito sa pagsulong ng ating kultura.
Oo, katoto, hindi pa huli at kailanma’y hindi natin hahayaan na tayo’y magpahuli. Kabataan ay ating sanayin at hubugin. Disiplina at pagmamahal sa kultura ang ipabaon natin sa kanilang mga hangarin. Ating linangin ang kanilang puso para sa sining na bigyang halaga ang mga katutubong sayaw at mga musika, na tangkiliking tunay ang handog na kultura ni inang bayan at pahalagahan ang kung anong mayroon sila. Masisisi mo ba ang nag-aalab na kagustuhang nais isulong ang kultura ng kahusayan kung para ito sa ikabubuti ng mga susunod pang henerasyon?
Ang mga nilikhang sining, ang kinagisnang hele ni nene, ang panliligaw sa liham na handog ni lolo kay lola, ang mga sayaw na minsang itinanghal ng ating mga kinikilalang mga mananayaw at mga liriko na naisulat at nailapat bilang musika sa tainga ng balana, masasabi mo bang natapos lang sa sulatin, libro at mga nakalimutang nota? Nagkakamali ka katoto, ito ay naging buhay na inspirasyon na siyang patuloy na gumagabay sa ating henerasyon ngayon. Ang mga bayaning nagbubuwis ng kanilang mga buhay at mga kilalang tao minsan nating sinaluduhan, nauuwi na lang ba sila sa mga estatwa at dambana sa mga parke at plaza? Nagkakamali ka, dahil sila ay patuloy na nagsisilbing huwaran para sa atin, sila ang mga kumot na bumabalot sa ating pagkatao at hanggang sa kasalukuyan ay nagsasabi na ating kultura’y ipagpatuloy at huwag sayangin.
Kultura, isang bagay na naisaling lahi na hanggang sa ating henerasyon. Isang misyong sa atin ay patuloy na magpapaalala kung ano at sino ka. Hanggang sa mga oras na ito, masasabi kong buhay at hindi nawawala sa ating mga puso ang ating kultura. Patunay dito ang kasalukuyang pagdaraos ng taunang paligsahan na pagpapakitang gilas ng mga mag-aaral sa larangan ng sining, musika, sayaw, literatura at maging sa pampalakasan. Ipinakikita nito ang taos-pusong paglinang at paghubog sa mga kabataan na panatilihing buhay at makulay ang kultura ng ating bansa. Na siyang magiging daan natin sa kasarinlan at kaunlaran.
Kultura ang nagbubuklod sa atin, huwag sana nating ibaon sa limot at sayangin dahil madami ang nagsilbi at naglaan ng oras at buhay upang matamasa mo ang kulturang mayroon ka. Ikaw , ako, tayo, ang siyang susi sa pagsulong sa kultura ng kahusayan sa marangal at maunlad na landas. (