Sun.Star Davao

ANG MAHIWAGANG LAGUSAN

- BY JOY M. MONTECALVO

Ang Sitio Tinago ay dating tirahan ng mga katutubong Mawe. Dito nagpapakit­a ang isang mahiwagang lagusan papunta sa kuweba ng paraiso na iilan lang ang nakakapunt­a. Nagbubukas ito tuwing nagiging kulay dugo ang araw. Subalit sa paglipas ng panahon ay kaunti na lang ang natirang Mawe at naging kuwentong bayan na lamang ang paraiso.

Madalas na ngayong binabagyo ang lugar dahil pinutol na ang mga puno at tanging nag-uumpukang mga bahay na lamang ang matatanaw mula sa mga burol. Sa dulo ng Sitio Tinago nakatira si Ligkaya at Apo Maye. Sila na lamang ang natitirang mga Mawe sa lugar at ang lupang kinalalagy­an nila ang natatangin­g kakahuyan na naiwan sa buong sitio. Takot ang mga tao na pumunta roon dahil isa itong libingan ng mga yumaong katutubo at sino mang lumapastan­gan ay makakatiki­m sa galit ng mga pumanaw.

Malapit si Ligkaya sa kalikasan dahil alam niya na kung wala ang kalikasan, wala rin ang tao. Si Apo Maye ang nagturo sa kanyang magtanim at makiramdam sa kinikilos ng kalikasan. Naging palaruan na ni Ligkaya ang gubat at araw-araw siyang pumupunta ditong mag-isa.

Isang araw, habang naglalakad siya papasok sa kakahuyan ay napansin niyang tila nagkulay dugo ang langit at nag-iingay ang mga ibon. Biglang nagdilim ang paligid at napatingal­a siya sa kalangitan. Nakita niya ang isang napakalaki­ng ibon na lumilipad sa himpapawid. Namangha si Ligkaya at sinundan niya nang sinundan ito. Nagpapakit­ang gilas ang ibon at ipinagaspa­s nito ang napakalapa­d na pakpak na may matingkad na kulay at ito ay nagpalutan­g-lutang sa hangin.

Napatigil si Ligkaya nang mapagtanto niyang tumatagos lang siya sa mga punong nadaanan niya. Biglang nawala ang ibon at laking gulat niya ng nasa loob na siya ng kuweba. Hindi siya halos makahinga dahil sa sobrang dilim. Naramdaman niya ang malamig na buhangin sa kanyang paa at naririnig niya ang hampas ng alon na tila siya ay malapit sa dagat. Ngunit sa kanyang pagkakaala­m ay napakalayo pa ng dagat sa Sitio Tinago.

Sinundan niya ang bulong ng hangin at kahit takot ay nagpatuloy siya sa paglalakad upang hanapin ang lagusan palabas. Naniniwala si Ligkaya na ‘di siya mapapahama­k dahil alam niyang wala siyang ginawang kalapastan­ganan.

Papasok na siya sa pusod ng kuweba nang marinig niya ang napakalami­g na boses na umalingawn­gaw sa mga matutulis na pader.

“Ligkaya, malugod kitang tinatangga­p sa aking kaharian.” Ang sabi ng boses kay Ligkaya. “Sa dulo ng kuweba ay may gantimala. Pumili ka ng mabuti at ikaw ay maililigta­s.”

“Kayo po ba ang tagapagban­tay?” tanong ni Ligkaya, “Salamat po sa inyong pagtanggap subalit nais ko na pong umuwi.” “Ako si Tala ang tagapagban­tay at ako ay binubuhay ng kuwebang ito,” sagot ni Tala,

Tinangay ng hangin ang mga tinig na narinig niya at muling nabalot ng katahimika­n ang buong paligid. Nagsidatin­gan ang libo- libong mga alitaptap at nagkaroon ng liwanag ang daang tinatahak ni Ligkaya. Kasabay ng pagliwanag ay ang pagkinang ng mga malakrista­l na mukha na nakaukit sa pader. Ilang minuto pa siyang naglakad at narating na niya ang bunganga ng kuweba. Tumambad sa kanyang maraming laruan na gawa sa porselana at ginto. Pero ‘di ito ang umagaw sa kanyang atensyon kung hindi ang bulaklak na tumubo sa isang biak bato. Kulay bahaghari ang bulaklak at napapalibu­tan din ito ng mga kakaibang hugis ng buto ng halaman. Agad itong nilapitan ni Ligkaya at hinawakan. “Maari bang ito ang piliin ko bilang gantimpala?” tanong ni Ligkaya. “Kunin mo lahat ng gusto mo,” ang sagot ng tagabantay, “sa iyo ang lahat ng iyan.”

Iginala niya ang kanyang paningin sa paligid at tanging ang kakaibang halaman lang ang nais niyang iuwi. Tuluyan niya itong kinuha at bago pa siya makaalis ay nagpakita muli ang malaking ibon.

“Ako ay natutuwa sa iyong napili. Itanim at paramihin mo iyan at muli mong buhayin ang iyong bayan,” sabi ni Tala. “Si Kalayaw ang ibon na maghahatid sa iyo pauwi.” “Totoo po ba ang lahat ng ito,” tanong ni Ligkaya. “Malalaman mo rin sa tamang panahon,” sagot ni Tala.

Ibinaba ng malaking ibong ang isang pakpak nito at sumakay si Ligkaya sa likod. Napakakint­ab ng balahibo ni Kalayaw at punong-puno ito ng kulay—mga kulay na ngayon lang niya nakita. Inilipad siya nang napakataas at natanaw niya ang isang malawak na dagat sa kanluran, mga sirenang kumakaway at ang mala-salamin na ilog sa silangan na maraming isda. Napapalibu­tan ang labas ng kuweba ng maraming makukulay na bulaklak at merong din talon sa paligid.

Matapos ang ilang minutong paglipad ay nakabalik na siya. Nawala na ang malaking ibon at ang mahiwagang lagusan. Nasa kamay pa rin niya ang bulaklak at mga kasamang buto nito. Meron din siyang bitbit na kulay asul na balahibo na pabaon sa kanyang ni Kalayaw.

Hindi nag-aksaya ng oras si Ligkaya at itinanim niya ang bulaklak malapit sa libingan ng kanyang ninuno. Itinanim niya sa gilid ng kalsada ang ilang buto papunta sa mga nakalbong bahagi ng sitio. “Kumusta ang iyong lakad, Ligkaya,” tanong ni Apo Maye. “Tila ika’y napagod.”

“Opo, Lola. Madami po akong itinanim na halaman at sana lumaki sila agad,” sagot ni Ligkaya. “Balang araw gusto kong ibalik ang paraiso sa kuwento niyo, Lola. Para sa inyo po. ”

Ibinigay niya ang balahibo ng ibon kay Apo Maye na agad naman nitong itinago. Di na nagulat si Apo Maye sapagkat siya mismo ay dati nang nakapunta na sa mahiwagang lagusan subalit ‘di nga lang siya nagtagumpa­y sa pagsubok. “Magpahinga ka na at mahaba pa ang araw.”

Kinabukasa­n, nagulat ang lahat ng tao sa Sitio Tinago nang makita nila ang matatayog na puno na halos di maabot ng kanilang paningin ang dulo nito. Ang dating kalbong kagubatan ay muling nagkabuhay.

Simula noon, wala na’ng punong pinutol at muling nagbalik ang pagmamahal nila sa kalikasan. Wala na’ng baha at wala na’ng bagyong nakakapaso­k sa lugar.

Paminsan-minsan ay pumupunta si Ligkaya sa mahiwagang lagusan para kumuha ng mga itatanim. Kasabay ng pagkabuhay ng lugar ay ang muling pagkabuhay ng kultura ng Mawe sa tulong ni Apo Maye at Ligkaya.

Joy M. Montecalvo, 24, is a graduate of BA English (Creative Writing) program at the University of the Philippine­s Mindanao. She works for a government office as an informatio­n and advocacy specialist. This story was shortliste­d in the Center for Art, New Ventures & Sustainabl­e Developmen­t (CANVAS) Romeo Forbes Children’s Story Writing Competitio­n inspired by the artwork of Guerrero Hubulan.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines