Pagtatanggal ng Filipino sa kolehiyo, patunay na dapat ibasura ang K to 12
Kung may nailinaw man ang desisyon ng Korte Suprema na itaguyod ang kautusan ng Commission on Higher Education na tanggalin ang mga asignaturang FIlipino sa wika at panitikan sa kolehiyo, ito ay wala iba kundi ang malulubhang pinsala na hatid ng programang K to 12 sa ating pagka-Pilipino at sa kinabukasan ng bansa.
Ipinapanukala pa lamang ay inihayag na ng ACT Philippines ang pagtutol sa programang K to 12 dahil sa neoliberal at maka-dayuhang oryentasyon nito. Layon nitong uriin ang kabataang Pilipino sa dalawang pangkat—ang laksang walang rekurso na patatapusin ng Grade 12 para maging hukbo ng mura at sanay na lakas paggawa sa isang banda, at ang iilang ‘pinalad’ na makapagkolehiyo para maging ispesyalisado sa iba’t ibang larangan – kapwa para magsilbi sa dayuhang kapital.
Pinahina ng K to 12 ang pagtuturo ng nasyunalismo at pagpapa-unlad sa tunguhing maglingkod sa bayan. Nauna nang naging kaswalti ang pagtuturo ng kasaysayan ng bansa na tinanggal sa junior highschool. Kulang-kulang, kung hindi man ay mali-mali ang paglalahad ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan tulad ng Digmaang Pilipino-Amerikano at batas militar sa mga modyul panturo at teksbuk. Nawala ang mga konsentradong pag-aaral sa panitikan at kultura ng Pilipinas sa hayskul. Buod na lamang ang pinag-aralan sa mahahalagang akdang pampanitikan o di kaya’y ginawa na lamang itong tuntungan sa pag-aaral ng dayuhang panitikan at kultura. Habang pinahihina ang pag-aaral ng sariling wika, ineengganyo naman ang pag-aaral ng banyagang wika, tulad ng isasagawang pagtuturo sa wikang Koreano sa 10 paaralan sa National Capital Region.
Pinalala ng K to 12 problema ang akses sa edukasyon. Sa tala ng Department of Education, higit apat na milyon ang kabataang hindi nakakapag-aral ngayon. Lumobo ang bilang ng drop-out dahil iniasa ng gobyerno ang edukasyon ng senior highschool sa voucher system sa pribadong paaralan sa halip na magpatayo ng mga eskwelahan. Maanomalya ang pag gasta ng pondong publiko sa pribadong sektor. Problema rin ng mga mag-aaral ang mga gastusin sa mga paaralan na hindi saklaw ng voucher.
Pinasahol ng K to 12 ang kalidad ng edukasyon. Binanat ng pagdaragdag ng dalawang taong pag-aaral ang rekurso para sa edukasyon. Lumala ang kakulangan sa klasrum, aklat, guro at mga kagamitan. Lalong lumaki ang bilang ng mga mag-aaral sa bawat klase na nag-aaral ng eksperimental na kurikulum. Hindi iilan ang mga gurong dumaraing na hindi epektibo sa pagkatuto ng mga mag-aaral ang kurikulum ng K to 12.
Kalbaryo para sa mga guro ang K to 12. Banta ito ngayon sa pagkawala ng trabaho ng may 10,000 guro ng wika at panitikan sa kolehiyo. Hindi solusyon ang paglilipat ng mga guro ng Filipino sa kolehiyo tungong senior highschool. Dinanas na ito ng maraming guro sa hindi iilang unibersidad at nagdulot ito ng pagbaba sa kanilang mga sweldo at mas mabigat na gawain.
Bigo ang K to 12 sa layunin nitong agarang makapagtrabaho ang mga gradweyt ng senior highschool. Nitong Marso, tinanggihan ng mga kumpanya ang unang batch ng nagsipagtapos ng senior highschool dahil hindi umano pasado ang mga nagsipagtapos sa pamantayan ng mga industriya.
Halos walong taon simula nang buong ipatupad ang batas sa K to 12, lumilinaw na ang pinsalang dulot nito sa kabataan, sa sistema ng edukasyon at kinabukasan ng bansa. Dapat kagyat na ibasura ang programang K to 12. Edukasyong makabayan, syentipiko at maka-masa na may pagpahalaga sa wika, panitikan, at kasaysayan ang kailangan ng bayan upang maging makapangyarihang sandata ito sa pagbabagong panlipunan tungo sa pagbubuo ng malaya, mapayapa, demokratiko at maunlad na Pilipinas.
- ACT Philippines