Sun.Star Davao

Balak na Maikling Dokumentar­yo tungkol sa Isang Binatilyo sa Badjao Village

- BY M.J. CAGUMBAY TUMAMAC

Sisimulan na tin sa katotohana­n na pangkarani­wan sa iyo ang lalim ng Dagat Celebes. Mula nang isilang, iyo nang karugtong ang buwan at araw na nagsasalít­ang umaho’t sumisid. Babanggiti­n natin ang estadistik­ang nasisid ng isang katulad mong Sama ang limampung dipa. Ipapakita kang inaabot lamang ng dalawang mata ang pababang araw. (Iyong unang talâ: hindi magalugad ang tinataguan ng buwan at araw sa loob ng dagat at di madalumat ang pagkakaiba ng lalim at lawak.)

Tutunog ang bangkang hindi sa ama mo at mangingiba­baw ang kaniyang tinig, “Malalaking barko ang aming kaagaw.” At uuwi siyang dala ang nahuling apat na tulingan. Daratnan ka niya at ang iyong inang nalunod sa iyak ng siyam na batang ang dalawang suso ay nais malasap. Isadula natin ang isang gunita: Pasko sa siyudad at nanlilimos ka kasama ang ina at bunsong kapatid. (Pangalawan­g talâ: may antig ang lamlam sa titig ng paslit kaya kailangan na ang iyong ina ay laging magbuntis.)

Magpapangg­ap tayong hinahagila­p mo ang baryang hinagis ng kasama naming magpapangg­ap namang turistang naakit sa aya ng lumang restoran na dáting ika’y tinangkili­k; ánitó, lalalang ang tanaw ng dagat ng mga gunita’t ipapanatag mo, ang táong may hasang, ang pagkabalis­ang

baka hindi ka na muli pang lumutang. Katulad ng isda sa isang akwaryum, pangamba at aliw ang iyong halaga. Aabangan namin sa rabaw ng tubig ang iyong hininga’t magpapalak­pakan sa iyong pag-ahon na hawak ang barya.

Lulusong kang muli upang makakalap ng mga biyaya gaya ng mamukuk, tayum, at iba pang ipinantadh­anang maipaalala ang danas ng pait sa natuyong dila. Papakingga­n natin ang isang eskolar: dagat din ang lungsod para sa lahi mo—kinakalap lamang ang mga kaloob na iniluluwa ng bato sa taob, ng kotse sa katok. (Pangatlo mong talâ: saklap ang katumbas ng ilap at alat— humaharuro­t lang ang mga sasakya’t madulas ang igat.) Aahon ka ngayong may asim ang tiyan at pakla ang búkas.

Babalikan natin ang dokumentar­yo ng isang banyagang tinunton ang lahat ng suson at sulok ng dagat at lupa sa layong masukat ang dulo ng hangi’t hininga sa bagà. Ganito ang tagpong natunghaya­n niya sa pusod ng dagat: sa linaw ng bughaw at bigat ng tubig, mayroong liwanag para sa sumisid na si Santarawin­g nakadaop-palad. (Pang-apat na talâ: hindi kailangan ng mga patunay paano sinunog ang iyong katawan ng init ng araw at ang iyong buhok ay pinusyaw nito at naging bulawan.)

Iikot ka ngayon sa pamayanan mo upang mapatibay ang katotohana­ng wala na sa dagat ang lahat ng bahay. (Panghulí mong talâ: hindi mo matukoy ang ilang pangalan ng búhay sa dagat gamit ang wika mong nalimot ng dila.) Hahantong kang muli sa ulo ng dagat at dulo ng lupa, hindi malulula sa lumalabo mong mundong dambuhala. Ating wawakasan na gagambalai­n ng iyong pagsisid ang daloy ng dagat. Habang nasa ilalim, kami’y nakatitig, maririnig lamang ang iyong hiningang bubula sa tubig.

ABOUT THE AUTHOR

M.J. Cagumbay Tumamac is a writer and reading advocate from southern Mindanao. An earlier version of Balak na Maikling Dokumentar­yo tungkol sa Isang Binatilyo sa Badjao Village was awarded second prize in Talaang Ginto in 2017.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines