IPINAGMAMALAKI KONG GURO AKO
Matikas na tindig, lahat ng mata saki’y nakatitig. Ako ang bituin, ako muna. Kasabay ng bukang liwayway ang pagmulat ng aking mga mata. Una, sa panalangin iaalay ang umagang biyaya mula sa Maykapal.Saka tatayo, maghahanda, magluluto, huhugasan ang mga pinggang mula pa sa pinagkainan nang gabing iyon, saka muling babalik sa pagluluto.Itutuloy ang hindi na mabilang na gawain. Sa paglipas ng oras ang araw ay tuluyan nang bumati at ang mga tandang ay nanggigising na din.
Araw ng Lunes,ika-5 araw ng Oktubre,trabaho na naman. Sa wakas, ang sangkatutak na gawain ay nairaos na din.Ala-sais na, asintadong-asintado ang oras. Makakapaghanda na ako sa pagpasok ko sa eskwela. Maliligo, magsisipilyo, magbibihis at mag-aayos.
Tinahak ko na ang daan tungo sa Mababang Paaralan ng San Francisco sumalubong sa akin ang magaan at maaliwalas na pakiramdam bagamat, kaakibat nito batid ko ang bagong responsibilidad na bitbit sa aking balikat.Naramdaman ko ang kaba sa aking dibdib, napahinto saka huminga nang malalim. Sa oras na naipanatag ko na ang aking sarili, inulitulit ko ang mga katagang “Kaya mo yan, kakayanin ko ‘to!” Itinuloy ko na ang aking paglalakad at sa huli’y nakarating din ako sa aking silid-aralan.
Apat na pu’t pito lahat ang aking estudyante, sapat at tamang-tama lamang sa aking maliit na silid. At sa wakas, ang matagal na paghihintay ay natapos na din. Kasabay ng pagtunog ng kampana ng eskwelahan, nagsitakbo at nagsipasok na ang mga estudyante sa kani-kanilang mga silid.
Oras na ng pagtuturo ng mga guro at oras na upang ang mga bata’y matuto.Tumayo ako sa harap ng aking mga estudyante, matikas na tindig, lahat ng mata’y saki’y nakatitig. Ako ang bituin, ako muna.
At sa hindi namamalayang oras nairaos ko ang kalahating araw sa pagtuturo ng may ngiti.
Hapon na at nakahanda na ako upang sumabak muli sa pagtuturo nang may dumating na anunsyo na ikinansela muna ang klase pagkat ipinapatawag kami sa may ‘court’. Tinipon ang lahat ng mga mag-aaral.
Nang makarating kami sa pinaroroonan,pinalinya ang lahat ng guro, kabilang na ako doon, sabay na tinawag isa-isa ang aming mga pangalan, at nang pangalan ko na ang tinawag biglang tumigil ang lahat at ang tanging naririnig ko na lamang ay ang malakas na hiyawan at masigabong palakpakan.Umakyat ako sa entablado nang may ningning sa mata at maaliwalas na mukha. At sa puntong iyon ang pakiramdam ko’y espesyal ako sa paningin ng lahat. Saka ko napagtanto kung anong araw ngayon. Araw ko,araw namin, araw ng mga guro.
Sa bawat hakbang ko sa aking paglalakad pauwi nakaukit sa akin ang kagalakan ng aking puso at ang ngiting tagumpay na umaabot sa kalawakan ng mundo. Sapagkat batid kong nagampanan ko ang aking tungkulin, saksi ang lahat, maging ang mga bituin.
— oOo—
III at San Francisco Elementary School, Mabalacat City,
The author is Teacher Pam panga