SA IYONG PAGLISAN
Pahimakas…. Adios…. Paglisan…. Pag-alis…. Paalam….Iba’t ibang anyo ng mga salita ngunit iisa ang kahulugan at diwa. Naranasan n’yo na bang magpaaalam sa isang minamahal o sa isang taong malapit sa inyo? Madali ba itong gawin? Ano-ano nga ba ang dahilan kung bakit kailangang magpaalam sa/ng isang tao? Sa kaso ng magkasintahan, nasasambit nila ito kung sakaling hindi na nila maramdaman ang pagmamahal sa isa’t isa, mas minamabuti nilang maghiwalay dahil nasasaktan na lamang nila ang bawat isa. Kamatayan naman ang nagpapahiwalay sa mga taong mas minamabuting mahimlay sa kapayapaan ng buhay. Mas masakit ito kung tutuusin sapagkat wala nang balikan pang mangyayari.
Ang pagpapaalam ng mga taong ito ay nangangahulugang kalungkutan hindi dahil sa hindi na natin sila makikita kundi, hindi na natin sila makakapiling…maaring pansamantala… o panghabang buhay. Kaakibat ng anomang pamamaalam ay ang pasasalamat, pagpuri at pagpapahalaga sapagkat nakadama tayo nang walang katumbas na kaligayahan kapiling sila.
Bilang guro, batid ko na ang mga mag-aaral ay dumarating at umaalis sa piling natin. Sila na itinuring nating mga anak na tinuruan, inalagaan at minahal ay lilisan din. Ngunit sa kabila ng mga luha dahil sa kanilang paglisan, may ngiting nakakubli at nagsasabing…baunin ninyo ang pagmamahal ng isang guro na walang hinangad kundi ang maging buo ang inyong pagkatao at maging tagumpay sa buhay.
--oOo— The author is Teacher I at Doña Asuncion Lee Integrated School