PAG-IBIG SA PUSO
Araw ng mga puso. Lahat tayo ay nakararanas magmahal. Umiibig tayo sa isang partikular na tao, sa ating magulang, mga kapatid, kaibigan, kamag-aral at guro.
Ang pag-ibig ay tunay na mahiwaga.pagkat nagagawa niyang maging kapana-panabik ang mga araw na dumaraan sa buhay ng dalawang taong nagmamahalan. Wala sinoman sa mundong ito ang makapagbibigay ng konkretong kahulugan nito. Sapagkat ang misteryosong katuturan nito ay nakakubli sa bawat pintig na nararamdaman natin sa ating mga puso.
Ang pag-ibig ay nagbibigay ng sapat na ligaya hanggang sa pagbuwis ng buhay. Maaari na isang masidhing damdamin ng pagtingin ang kahulugan nito, isang emosyon o nasa estado ng emosyon. Ang tunay na pag-ibig ay hindi naiinggit. Nakararamdam ito ng kasiyahan ng bawat isa.. Ang pag-ibig ay hindi pagmamapuri o pagmamataas. Ito ay hindi nag-uugali ng di-nararapat, hindi ito naghahangad ng sariling kapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama.
Sinasabi ng ilan na ang pag-ibig ay kumukupas. Ito ba ay dahil ang tao ay nagbabago? Ang katotohanan ay tunay na nag-iiwan ito ng kalungkutan, ng hindi masukat na luha, na parang isang punyal na unti-unting pumapatay ngunit hindi natin napapansin na ito ang nagsisilbing adobe na nagpapatatag ng buhay.
Nagiging parte na ng buhay natn ang mga problema, sakit ng loob at pagagos ng luha ngunit bahagi na rin siguro ng kasaysayan ng tradisyon na kapag hindi na natin nakayananan ang bigat na dumarating sa ating karelasyon ay nagdedesisyon tayo na tuldukan na lamang ito…. At ibaon sa lupa.
Nawa’y sa kabila ng mga kahirapan, problema, kapighatian at kabiguan na nararanasan natin dahil tayo ay nagmamahal ay manatili pa ring nakadugtong ang mga ugat sa ating mga kamay upang patuloy na dumaloy ito sa ating mga puso at manatili tayong buhay sa kawalan. Huwag na nating hintayin pang mawala ng tuluyan ang taong minsa’y naging parte ng ating buhay.
--oOo— The author is Teacher I at Doña Asuncion Lee Integrated School