Perspective! AKO, SA GITNA NANG NOON
(Kwentong nailathala sa Self Learning Module Filipino 9)
JINGGOY M. AGUILAR
Mula sa panahon kung saan ako naroon noon ay isinasayaw pa rin ako ng kamusmusan ng aking pagkatao. Umaalingawngaw pa rin sa isipan ang mabilis na pag-indak ng mga malulungkot na nagdaan. Kailan ko ba mahahanap ang sinag ng aking kaliwanagan? May pag-asa pa ba ang bawat paghikbi at panaghoy ng mga gabing binabalot ng kawalan? May naghihintay pa bang pinto ng kaluwalhatihan sa aking buhay? Meron pa ba?
Limang taong gulang ako noon ng sumiklab ang ‘di pagkakaunawaan ng bawat mga bansa. Hindi mawawala sa mga pahina ng aking buhay ang mga yugto ng pagsabog, palitan ng mga bala at pagguho ng maraming mga buhay. Buhay na sa alaala na lamang ng nakaraan masusumpungan, buhay na nilisan na ng panahon, nasayang at hindi nabigyan ng masasayang pagkakataon.
Sa isang kanto habang hinahanap ng mga kaluluwang ligaw ang kanilang mga mahal sa buhay ay para akong basang sisiw na naghahanap sa gitna ng sigalot. Nakita ko ang mag-anak na ‘di magkamayaw sa paghahanap ng nawalay na haligi ng tahanan. Habang hawak sa kanyang dalawang kamay ang dalawang paslit na sa palagay ko ay naglalaro sa isa hanggang tatlong gulang ay nakita ko sa kanyang mga mata ang kawalan ng pag-asa ngunit sa puso niya’y namamahay ang tapang at lakas ng loob na matatagpuan pa ang kabiyak sa buhay.
Sa isang banda, isang matandang babae ang nawalan ng malay, umaasa na sana’y huwag ng magising mula sa bangungot ng buhay. Marami pa ang naroon ngunit ang pumukaw sa aking mga mata ay isang pulubi na tumutugtog ng kanyang plawta. Tila pamawi sa bawat pighati ang musikang pumapangibabaw sa buong magdamag. Luray luray ang kanyang damit at bakas sa kanyang katawan ang buong araw na pagod subalit patuloy pa rin sa paghahatid ng walang hanggang pag-asa.
Nilapitan ko siya at kinausap, doon ay nagitla ako sa kanyang sinambit “IKAW”, kanina pa kita hinihintay. Para akong yelong nalulusaw sa baga ng kahapon. Nakilala ko ang pulubi. Kilalang kilala! Hindi ako pwedeng magkamali.
-oOoThe author is SST-III at Justino Sevilla High School