Sun.Star Pampanga

KARUGTONG NG NAKALIPAS

(Kwentong nailathala sa Self Learning Module Filipino 9)

-

JINGGOY M. AGUILAR

Mabilis ang mga pangyayari. Niyakap ko siya at damang dama ko pa rin ang init ng kanyang yakap na dalawapung taong ninakaw sa akin ng tadhana. Napaiyak ako habang lalong humihigpit ang kanyang yakap sa akin. Sandali akong natahimik, para akong nawala sa aking ulirat habang minamasdan ko ang plawtang hawak niya na nasa aking balikat. Hindi maiwasang sumiksik sa aking kasalukuya­n ang mga kahapong nagdaan.

Anim na taong gulang ako noon, umuwi mula sa sakada si ama. Sinalubong ko siya at kitang kita ko ang tatlong balot ng pagkain na kanyang hawak. Inabot niya ito kay inay at inilagay ang mga iyon sa mesa. Sa kanyang likuran ay mayroon siyang dinukot na bagay. Isang plawta, ang ganda! Regalo sa akin ni ama para sa aking nalalapit na kaarawan sa susunod ng linggo.

Ganoon si itay, sobrang lambing niya sa akin, sabagay dahil ako lang ang nag-iisang anak kaya ganoon na lang siguro ang inilalaan nilang pagmamahal para sa akin. Araw araw kong iniensayo iyon sa tulong ni inay upang aking makabisado ang mga tunog. Noon ko lamang nalaman na magaling pala si inay sa paggamit ng plawta. Parang hele sa aking pagtulog ang bawat tunog ng musika ni ina. Idinuduyan ako sa kawalan habang mabusisi ko itong pinakiking­gan. Nakatulog ako, mahimbing! Nakatulog ako.

Ginising ako mula sa aking pagbabalik tanaw ng isang basag na tinig, “salamat sa Diyos at muli kitang nakita”. Doon ko lang napagtanto na totoo talaga na nasa harapan ko siya, si inay. Ang aking mahal na ina. Andito na siya.

Isinama ko siya sa lugar kung saan ako nakatira- sa isang condo sa Makati na aking nabili dahil sa pagiging reporter sa isang sikat na TV network. Buti na lamang ay may kumupkop sa aking mag-asawa na hindi magkaanak. Pinag-aral nila ako kaya ako nakatapos. Nang sila ay tuluyan ng bawian ng buhay ay sinimulan kong maglakbay upang maihayag sa buong sambayanan ang maling gawain ng pamahalaan.

Mahaba ang naging paglalakba­y ng aking buhay. Dalawapu’t pitong taong gulang na ako ngayon at masasabi ko sa puntong ito ng aking buhay ay nabuo na ang aklat ng aking pagkatao. Hindi man ganoon nanumbalik ang saya sa labi ni inay ay mababakas pa rin sa kanyang mukha ang unti unting paglinaw ng kanyang buhay.

Marami man ang aming pinagdaana­n at pagdadaana­n, alam ko sabay sa pagbangon ng inang bayan mula sa kuko ng agila ay muling manunumbal­ik at mabubuo ang luray luray na kabataan at buhay ng aming pagkatao.

-oOoThe author is SST-III at Justino Sevilla High School

Newspapers in English

Newspapers from Philippines