TAMA BANG MAGING GURO?
Bilang guro, minsan naitanong sa sarili kung bakit pagtuturo ang nakuhang kurso? Sa di sinasadya, napamahal ka sa propesyon na iyong ginagalawan. Sa tuwing nagtuturo ka at nakikita ang mga batang gustong matuto ay nabubuhayan ka ng loob at tila pinapaalala na kailangan mong magsikap at lumago upang maibigay ang nararapat na pagtuturo sa kanila. Hindi lang sa mga leksyon ang naibabahaging kaalaman kundi pati na rin sa paghubog sa emosyonal at ispiritwal na pagkatao nila. Napakahalaga na maitama ang mga bata sa mga gawi na hindi nararapat tulad na lang ng pagmumura, na talagang may ibang mga bata na nasanay na sa pagmumura. Sa bawat pagkakamali na nakasanayan na ay kailangang iwasto sa pangangaral na may pagmamahal at malasakit sa kanilang pagkatao.
Bilang guro, hindi natin napapansin na nababago na ang pagkatao ng mga bata sa tamang landasin na kailangan sa buhay. Hindi lingid sa mga magulang ng mga bata na ang mga guro ay ang may pinakamalaking kontribusyon sa kanilang anak dahil sa mas maraming panahon nagugugol sa iskwelahan kaysa sa bahay . Alam din ng mga magulang na mas maniniwala ang mga anak nila sa guro kaysa sa kanilang mga magulang dahil GURO ka nila na isang mabuting ehemplo.
Bilang guro, sakripisyo at debosyon ang naibabahagi sa mga bata. Sa kabila nito may kaakibat na gantimpala pala ng pasasalamat mula sa mga batang naturuan mo. Napakasarap na balikan ka’t sabihin na “Proud po ako sa inyo na naging guro kita!” Doon mo masasabi na ang sarap palang maging guro. Tama pala ang kurso na “pagtuturo” dahil marami ka palang buhay na mabibigyan ng magandang kinabukasan. Kaya nga sa hamon ng buhay, bilang guro, kailangang isipin na sa araw - araw na pagtuturo ay maraming buhay ang naghihintay sa iyo para matuto ng tama sa anumang aspeto ng buhay.
-oOoThe
III at Marisol Bliss Elementary School