REYALIDAD SA LANSANGAN
JOMARIE R. MAGAT
Kumakalam na isip, naghuhumigapos na kaluluwa, pagod na katawan na wari mo ay kandilang nauupos sa gera ng buhay. Luhang nagsilbing gugo sa magrasang mukha.
Kumakalam na sikmura, nagmamakaawang hikbi mula sa batang musmus na walang alam sa reyalidad ng buhay.
Singko-pesos pantawid sa uhaw na lalamunan, tubig na pinagdamutan nang pamilyang nagpapatentero sa init ng lansangan di alintana ang bagyo o sakuna hindi mapigil ng tadhana. Kalabit ng mga batang nagmamakawa para sa piso.
Pakikipagsapalaran sa hamon ng kalsada rumaragasang sasakyan ay di alintana. Lilim na kalsada na syang kanilang pahingahan, makikita sa mata nang bawat paslit ang natuyong muta na mula sa kanilang pagkakahikbi mula sa pagkatagbisi. Ang kanilang patuloy na pagkapa sa dilim ng gabi na umaasa sa bukas na sisikat ang araw ay may mabuting kamay na humaplos sa kanilang sikmurang nagwawala.
Bawat araw ay pagsubok bawat araw ay kalaban ang panahon. Hindi na ramadam ang init ng daan sa kapal ng kalyo sa paa. Hindi narin mawari kung may patutunguhan ba ang bawat alay lakad na kanilang ginagawa.
Kumakalam na sikmura, kumakalam na diwa ang tanging magagawa na lamang ay mag antanda, di mawari ang nararamdaman sa katawan sa hirap ng buhay na ang nagawa na lamang ay ilahad ang kamay sa karamihan. Di matapos na kalbaryo di maawat na pagsubok sa buhay.
Pero sa kabila ng kanilang pinagdaraanan makikita parin ang ngiti na kasing tamis na hinog na manasanas. Bakas sa kanilang mukha ang kagalakan kahit sa konting napaglimusan kagalakan na kanilang hiling ay dina matapos.
-oOoThe
III at Diosdado Macapagal Memorial High School
author is Teacher