ROXAS - DUTERTE

Sampalan, Suntukan, Barilan...

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - First Page -

UMIINIT ang girian sa pagitan nina presidential candidates Mar Roxas (LP) at Davao City Mayor Rodrigo Duterte (PDP) habang papalapit ang kampanya para sa darating sa hahalan sa Mayo. Sinabi ni Duterte na sasampalin nito si Roxas sa oras na mag-krus ang kanilang daan dahil sa diumano’y pagbitaw ng salita ng dating Interior secretary na isang “myth” o kathang–isip lamang ang magandang peace and order condition sa Davao at sinabing ika-apat ito (Quezon City, Manila at Zamboanga City) sa pinakamaraming krimen base sa ulat ng pulisya sa crime index nito.

Maging ang Wharton degree ni Roxas sa Amerika ay kinuwestiyon rin ni Duterte, ngunit iginiit ni Roxas na graduate ito doon.

Hindi naman nagpatinag si Roxas sa banta ni Duterte. Sinabi ni Roxas na isa siyang alumni ng Wharton School ng University of Pennsylvania.

At sa tweet naman ni Sandra Aguinaldo ng GMA News ay ito ang binitiwan ni Roxas: “Kung hindi totoo ang Wharton degree ko sampalin mo ako, pero kung totoo ang Wharton degree ko, sasampalin kita.”

Sa CNN Philippines naman ay ito ang pahayag ng palaban na si Roxas: "Sampalin niya ako, punta siya dito. Kung hindi, punta ako sa Davao, sampalin niya ako sa airport. Tingnan natin. Ang hirap kay Mayor Digong Duterte, nasanay siya sa one-man rule, na kung hindi niya nakukha yung gusto niya, kung may nagsasabi sa kanya ng katotohanan ay mananampal na lang siya o pagbubuhatan niya ng kamay."

"Subukan natin, tignan natin, wala naman akong kilalang malaking tao na sinampal niya at lahat ay maliliit, mga walang kalaban-laban. Kung hindi man dito doon at punta ako sa Davao."

“Lahat itong mga sinasabi mong sampalan, ganoon-ganoon—anong kinalaman niyan sa buhay ng 100 milyong Pilipino? Sa dami ng problema na hinaharap ng ating bansa, ikaw nauuwi ka sa kung ano-anong mga kalokohan.”

“Gawin mo na lang kung anong gusto mong gawin. At sampalan? Bakit pa sampalan, pambabae yan, suntukan na lang? Di ba? Simpleng-simple lang ito,” ani Roxas sa huli nitong hamon kay Duterte matapos na makapanayam ng media sa meeting nito sa Liberal Party headquarters sa Cubao.

Hinamon naman ni Duterte si Roxas ng barilan na lamang.

Ipinagtanggol rin ni Manila tour guide Carlos Celdran si Roxas at nag-post pa ito ng isang litrato ni Roxas na naka-toga, ngunit hindi naman mabatid kung kuha ito sa Wharton.

Ilang beses rin na binansagan ni Celdran na “Dutertards” (Duterte-retard) ang mga supporters ni Duterte na ikinagalit naman ng maraming mga tagasunog ng mayor.

Naunang inakusahan ni Duterte ang kampo ni Roxas na siyang nasa likod ng balitang may throat cancer ito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.