HEALTH: Chikungunya : Tumataas ba ang Kaso?

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News - Payo ni Dr. Willie T. Ong

ANG CHIKUNGUNYA fever ay isang sakit na kahawig ang dengue fever. Matagal na ito sa Pilipinas pero paminsan- minsan lang itong nagiging outbreak. Ang chikungunya ay dulot ng isang virus ( isang alphavirus) na naipapasa sa mga tao sa pamamagitan ng nakahahawang lamok.

M a r a m i n g pagkakahawig ang chikungunya sa dengue fever:

1. Ang mga lamok tulad ng Aedes aegypti at Aedes albopictus ang siyang nagdadala ng chikungunya at dengue fever.

2. Ang sintomas ng chikungunya ay mataas na lagnat, sakit ng ulo, at rashes na tulad din ng dengue. Pagkatapos makagat ng lamok, kadalasan ay 2 hanggang 12 araw ang lumilipas bago magkaroon ng ganitong sintomas.

3. Tulad ng dengue, ang paggamot sa chikungunya ay ang pagbibigay ng “supportive treatment” lamang. Ang ibig sabihin ay nagbibigay tayo ng mga gamot para sa lagnat, dextrose sa suero, tamang nutrisyon at iba pang pang- suporta sa pasyente.

4. Para makaiwas sa chikungunya at dengue, pareho din ang paraan na gagawin ng publiko at local na pamahalaan. Alisin ang mga lugar na pinamumugaran ng lamok. Maglinis sa bakuran at huwag mag- imbak ng tubig. Magsuot ng mahabang pantalon at damit para hindi makagat ng lamok. Maglagay ng Off Lotion sa umaga at magkulambo sa gabi. At kapag may nagkasakit ng chikungunya o dengue, ipaalam kaagad sa ospital at barangay para maalerto ang DOH.

5. Tulad ng dengue, puwedeng dumagsa ang kaso ng chikungunya kaya dapat tayong mag- ingat dito.

Ngunit kahit maraming pagkakahawig ang 2 sakit ay mayroong mahalagang kaibahan ito:

1. Hindi tulad ng dengue, walang pagdurugo ng katawan ang makikita sa chikungunya fever. Hindi babagsag ang platelet count sa dugo at karamihan ng pasyente ay makakarecover sa chikungunya. Mas malala ang dengue dahil puwede itong makamatay.

2. Ang prominenteng sintomas ng chikungunya ay ang pananakit ng mga kasukasuan o joints. Napakasakit ang mga kasukasuan ng pasyente lalu na sa likod, kamay, tuhod at bukong buko. Sa katunayan, ang ibig sabihin ng chikungunya ay “namimilipit” dahil namimilipit ang pasyente sa sakit. At kahit gumaling na ang pasyente, ang pananakit ng kasu- kasuan ay puwedeng tumagal ng ilang buwan hanggang taon.

3. Ayon sa pagsusuri, isang beses lang puwedeng magkasakit ng chikungunya ang pasyente. Pagkatapos ay magiging “immune” o ligtas na. Hindi ito tulad ng dengue na puwedeng umulit ng apat na beses.

Simple lang po ang ating dapat tandaan: Maglinis sa kapaligiran at gumawa ng paraan para makaiwas sa mga lamok. Iyan ang paraan para masugpo ang mga sakit na dala ng mga nakapipinsalang lamok.

Dr. Willie T. Ong

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.