HEALTH: Orange At Dilaw Na Prutas at Gulay

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News -

ANG MGA prutas at gulay na orange ( kahel) at dilaw ang kulay ay kadalasang mabuti sa ating mata, balat, baga at immune system. Ang mga pagkaing ito ay may taglay na beta- carotene ( vitamin A), lycopene, flavonoids, potassium, at vitamin C. Makatutulong ang mga sangkap na ito para maiwasan ang sakit sa mata ( age- related macular degeneration), mapababa ang bad cholesterol at maiwasan ang kanser.

Heto ang ilang halimbawa:

1. Karots – Ayon sa mga eksperto, ang karots ay makatutulong sa ating paningin, balat at panlaban din sa kanser dahil sa taglay nitong Vitamin A, C at E. Ayon sa ilang pagsusuri, ang karots ay makababawas sa tsansang magkaroon ng kanser. Nagpapasigla din ito ng balat at nababawasan ang ating wrinkles. Isa pa, nakakapayat din ito dahil 35 calories lang ang kalahating tasa ng karots. Kaya turuan natin ang ating mga anak na kumain ng karots.

2. Kamote – Ang kamote o sweet potatoes ay mayaman sa starch, fiber, beta- carotene, folate, potassium at vitamin B6, C at E. Dahil dito, napakasustansya nito at mabilis pang makabusog. Ayon sa pagaaral, ang kamote ay posibleng makapigil sa pagkakaroon ng lung cancer sa mga taong naninigarilyo.

3. Orange, lemon, dalandan at kalamansi – Ang mga prutas na ito, na kung tawagin ay citrus fruits, ay punong- puno ng vitamin C. Makatutulong ang vitamin C sa mga may sipon, hika, osteoarthritis at rheumatoid arthritis. Pinapalakas nito ang immune system ng katawan. May taglay din itong folate at potassium. Ang folate ay nagpapababa ng isang masamang kemikal sa katawan ( ang homocysteine) at makatutulong sa may sakit sa puso.

4. Pinya o pineapples – Ang pinya ay may sangkap na bromelain, na makatutulong sa pagtunaw ng ating pagkain at makababawas sa pamamamaga ( inflammation) sa ugat. Ang pinya ay mayaman sa manganese at vitamin B, na nagbibigay sa atin ng lakas. Mataas din ito sa vitamin C. Ang isang tasa ng pinya ay may 75 calories.

5. Papaya – Katulad ng ibang pagkaing kulay orange, ang papaya ay may sangkap na betacarotene at vitamin C. Dahil dito, may benepisyo ito sa ating balat at immune system. Ang papaya ay may taglay na papain, isang enzyme na tumutulong sa pagtunaw ng ating kinain. Para sa mga taong nagtitibi, ang papaya ay nagpapalambot ng dumi. Maganda din ito sa may edad para maging normal ang kanilang pagdumi.

Ang iba pang masustansyang orange at dilaw na pagkain ay ang mangga, mais at kalabasa.

Dr. Willie T. Ong

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.