Bangsamoro Basic Law, pilit na binubuhay ng MILF

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - First Page - (Mindanao Examiner)

COTABATO CITY – Patuloy pa rin na iginigiit ng Moro Islamic Liberation Front sa pamahalaang Duterte ang pagpasa sa nabasurang Bangsamoro Basic Law sa kabila ng lumalakas na panawagan na gawin federal form ang kasalukuyang pamahalaan.

Matagal ng inilibing ng mga mambabatas ang BBL matapos itong pumalyang makapasa sa panahon ng Pangulong Benigno Aquino. Wala na rin pag-asa itong maisalba habang patuloy ang pagpigil ng ilang mga mambabatas na maipasa ito sa kadahilanang hindi katanggap-tanggap ang mga probisyon nito.

Unconstitutional diumano ang maraming probisyon sa loob ng BBL, ngunit hindi naman ito matanggap ng MILF at ilang beses na sinabi ng lider nitong si Murad Ebrahim na hindi nito tatanggapin ang kabiguan ng naturang desisyon ng Kongreso.

Sinabi pa ni Ebrahim na nakahanda na silang maghintay, ngunit nilinaw nito na hindi nila tatanggapin ang anumang bersyon ng BBL maliban lamang kung ito ay naaayon sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at Framework Agreement on the Bangsamoro na nilagdaan ng pamahalaang Aquino sa rebeldeng grupo.

May kanya-kanyang bersyon ng BBL naman ang Senado at Kongreso noon nakaraang administrasyon.

Matatandaang naantala ng husto ang deliberasyon ng BBL sa nakaraang Kongreso dahil sa naganap na pagpatay ng mga rebeldeng MILF sa 44 mga miyembro ng Special Action Force sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao, isa sa limang lalawigan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, noong Enero 2015.

Nasa isang misyon ang SAF na kung saan ay napatay ng mga commandos ang Malaysian bomber na si Marwan na kinakanlong diumano ng MILF – nang sila ay kuyugin ng mga rebelde at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Dahil sa Mamasapano clash ay maraming grupo at pulitiko ang nanawagan na magbitiw si Aquino at presidential peace adviser Teresita Deles dahil sa kanilang kabiguan na pigilan ang sagupaan at pagpatay sa SAF commandos. Naging pangamba rin ni Ebrahim na posibleng bumalik sa rebelyon ang mga miyembro ng MILF.

Ibinasura ng mga mambabatas noon ang tinatawag an “opt-in” provision na nakapaloob sa BBL na maaaring magamit upang palawigin ang teritoryo ng Bangsamoro na tinututulan ng mga Kristiyanong pulitiko. Maraming mga amendments ang nais gawin ng mga mambabatas sa BBL upang masigurado umanong hindi lalabag sa Konstitusyon ang mga probisyon sa nasabing draft law, subalit kalaunan ay pinatay rin ito sa Kongreso. Lumagda ng interim peace accord ang MILF at pamahalaan noon 2014 at nabigyan ng malaking pondo ang MILF upang isulong ang BBL sa Mindanao.

Noong nakaraang taon, libo-libong Muslim ang nag-rally sa Marawi City sa Lanao del Sur bilang suporta sa BBL. Nananawagan rin noon si dating Pangulong Joseph Estrada at ngayon ay Manila Mayor, na dapat tapusin na ang MILF at mga teroristang pinoprotektahan nito. Allout war ang panawagan ni Estrada.

Nais naman ng lalawigan ng Basilan, Sulu at Tawi-tawi na kumalas na lamang sa Autonomous Region in Muslim Mindanao at mapabilang na lamang sa Region 9 o kaya ay hatiin da dalawa ang ARMM – Basilan, Sulu at Tawi-tawi sa isang banda at Lanao del Sur at Maguindanao naman sa kabila.

(Mindanao Examiner Photo - Mark Navales)

MILF Chairman Murad Ebrahim.

MILF rebels (Mindanao Examiner Photo - Mark Navales)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.