‘Fixers’ target ni Inday Sara

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News - (Malou Cablinda)

DAVAO CITY - Ipinagutos ngayon ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang malawakang kampanya sa pagpapatigil sa mga fixer sa City Hall matapos na makatanggap umano ito ng mga reklamo mula sa publiko.

Kabilang sa ipinasupil nito ang mga contact at access ng mga nabanggit na fixer sa mga tanggapan o departamento kasunod ng mga reklamong nakarating sa kanya. Diumano ay maraming mga fixer ang nakatambay sa harapan ng Sanguniang Panglungsod na nagaalok ng mabilis na proseso sa business permit at iba pa kapalit ng pera o lagay.

Kabilang sa mga tanggapan na diumano’y pinupuntirya ng mga fixer ay ang Office of the City Treasurer, Business Bureau, Office of the City Assessor, Office of the Local Civil Registry, City Health Office, Office of the City Veterinarian, Office of the City Social Services and Development, at Local Land Franchising and Regulatory Board.

Ayon sa Human Resource and Management Office, kaalinsabay ng kautusang ipinapatupad ni Duterte ay ang warning sa mga empleyado na mapatunayang sangkot o nakikipagtulungan sa trabaho ng mga nasabing fixer.

Pagkatanggal sa kanilang trabaho ang pinakamatinding aksyon ang posibleng ipataw sa mga mapatunayang sangkot sa fixer at maaari din anilang masampaan ng kaso kung mapatunayang tumanggap sila ng pera o lagay.

Ang kautusan ni Duterte ay dahil na rin sa Anti-red Tape Act o Republic Act 9485 at ito ay ipinatupad upang maisiguro ang mataas na uri ng pagta-trabaho ng mga kawani sa tanggapan ng pamahalaan upang maiwasan din ang graft and corruption.

Ang pagkuha sa ilegal na serbisyo ng mga fixer ay maibibilang din na isang matinding paglabag sa naturang batas. Mahigpit na ipinatutupad ng pamahalaan ng Davao ang mga ordinansa at mga nilagdaang batas, ngunit meron pa rin anilang pilit na lumalabag at bumabaluktot bagay na hindi anila pwedeng palampasin

Ang ipinatupad na lalong paghihigpit laban sa mga tiwali ay kaugnay na rin sa nalalapit na business permit renewal sa darating na buwan ng Enero. Nakapagtalaga na ng team ang alkalde para siyang magbantay sa mga aktibidad ng naturang tanggapin para masupil ang naturang gawain.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.