10 ISIS hostages, pinaslang sa Marawi

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News -

ZAMBOANGA CITY – Sampung mga sibilyan na bihag ng local na ISIS sa Marawi City ang pinaslang ng mag jihadists at inilabas pa ito ng militant group sa AMAQ, ang website ng pinatatakbo ng Islamic State.

Makikita sa dalawang video ang hiwalay na execution ng mga di-pa nakikilalang biktima at lahat ay pinagbabaril sa ulo habang nakaluhod at nakatali ang kanilang mga kamay sa likuran. Hindi sinabi ng AMAQ kung kailan naganap ang execution, ngunit ilan lamang ito sa maraming mga pagpatay ng ISIS sa kanilang bihag.

Sa naturang video, pawang naka-orange na kulay ang kasuotan ng mga bihag tulad ng ginagawa ng ISIS sa mga pinapaslang nito sa Syria. Ilang mga bihag pa ang pinugutan rin ng ulo ng mga jihadist sa ibat-ibang pagkakataon sa Marawi at kabilang rito ay mga Meranao o natibo ng nasabing lugar, ayon sa pahayag ng mga nakatakas na bihag.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang militar ukol sa naturang mga video at wala rin impormasyon ukol sa mga pangalan ng mga biktima. Bihag pa rin ng mga jihadists ang tinatayang 240 sibilyan, kabilang ang Katolikong pari na si Fr. Chito Suganob. Naunang umapela noong nakaraang Mayo si Suganob kay Pangulong Duterte na i-pullout ang lahat ng mga sundalo sa Marawi at Lanao del Sur. Ang apela ay nakapaloob sa 5minutong video na inilabas rin ng AMAQ.

Hindi pa tiyak kung ano ang kahahantungan ni Suganob at ng iba pang mga bihag, subali’t ayon sa militar ay ginagamit umano sila bilang mga “human shield” laban sa mga sundalo. Wala rin kasiguruhan ang buhay ng mga bihag dahil maging sa aerial bombardment ng militar ay maaari silang masawi.

(Al Jacinto)

Makikita sa larawang ito mula sa ISIS website na AMAQ ang pagpaslang sa mga sibilyang bihag sa Marawi City.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.