Duterte, iniimbestigahan ng Ombudsman!

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - First Page - (Mindanao Examiner. May karagdagang ulat mula sa ABS-CBN)

PINAIIMBESTIGAHAN NG OMBUDSMAN ang mga financial transaction sa ibat-ibang banko ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang pamilya dahil na rin sa alegasyon ni Senator Antonio Trillanes IV na mayroong tagong-yaman ang mga ito.

Hawak na rin ng Ombudsman ang mga talaan ng mga transaksyon ni Duterte sa mga banko mula ng ito ay mayor pa at ngayon Pangulo ng bansa. Galing umano ito sa Antimoney Laundering Council (AMLC) ang mga record ni Duterte sa banko, ayon kay Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang.

Si dating Associate Justice ng Supreme Court, Conchita Carpio-morales, ang siyang pinuno ng Office of the Ombudsman, ngunit nag-inhibit umano sa imbestigasyon ng tanggapan sa kadahilanang pamangkin nito ang abogadong si Manases Carpio na asawa naman ng anak ni Duterte na si Sara, ang kasalukuyang mayor ng Davao City.

Nabatid naman kay Carandang na base sa mga record mula sa AMLC, umabot diumano sa daandaang milyong piso ang mga transaksyon sa mga banko ng pamilyang Duterte sa loob ng isang dekada – mula 2006 hanggang 2016. Ngunit nilinaw naman nito na ang salapi ay labas-masok sa mga banko kung kaya’t mahirap sabihin ang kabuuang halaga nito.

Ito rin ang pahayag ni Carandang sa ABS-CBN. “'Yung billions kasi, baka in-add nila yung lahat ng transactions, may P20 million, P20 million, P20 million, P60 million, pag in-add mo, aabot talaga ng billions, may P50 million, ang dami,” ani Carandang.

Dahil sa plunder complaint ni Trillanes laban kay Duterte, pormal na hiniling ng Ombudsman sa AMLC na busisiin ang mga record sa banko ng pamilyang Duterte.

Matatandaang naghain ng plunder complaint si Trillanes noon 2016 sa Ombudsman dahil sa alegasyon nitong may “ghost employees” ang Davao City Hall at ito ay base diumano sa Commission on Audit report na walang pruweba na mayroong 11,000 contractual employees na kinuha ang lokal na pamahalaan noon 2014. Ayon pa kay Trillanes ay umabot sa P700 milyon ang ginasyos ng Davao City government sa mga diumano’y contractual employees. Inakusahan pa ni Trillanes si Duterte ng hindi pagdedeklara sa kanyang Statement of Assets and Liability and Net Worth ng P11 milyon sa banko.

Nauna ng itinanggi ni Duterte ang mga paratang ni Trillanes at kamakailan lamang ay sinabi nito na ang kanyang yaman ay mula sa mga minana sa kanyang magulang.

Sinabi naman ni Presidential spokesman Ernesto Abella na walang itinatago ang Pangulo. Ilan beses na rin sinabi ni Duterte sa mga nagaakusa sa kanya na maglabas ng mga ebidensya at kung mayroong silang Makita na kahit isa ay agad rin itong magbibitiw sa puwesto.

President Rodrigo Duterte (Photo by Michael Rey Baniquet)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.